~PAHINA

16 1 0
                                    


"PAHINA"

Sa isang sulok, katahimika'y nanahimik, pinakikinggan ang hinaing ng pusong nasasaktan.
Sa isang dulo ng silid, luha'y hindi na maawat-awat sa pangingilid. Nakatingala sa kawalan, pinipilit tumakas sa katotohanan. Katotohanang kailangan ko na namang hagkan ang sakit na minsan ko ng pinagdaanan, sa taong mahalaga sa akin na minsan ng pinahiram ng kapalaran.

Nawawala. Bumabalik. Paulit-ulit akong hinihila sa sandaang ala-ala ng mga araw na gusto kitang makausap ng may pananabik. Sa mga ala-alang sabay na pinagsaluhan ng tulad nating magkaibigang matalik.

Naaalala mo pa ba?

Naaalala mo pa ba noong unang beses na nakilala kita, laking tuwa at sobra ang saya kahit sa isang simpleng social media lang naman kita nakilala. Ewan ko ba. Pero nung panahong 'yon, ramdam ko na. Ramdam ko na agad na magiging bahagi ka sa bawat pahina ng binubuo kong estorya.

At tama nga ako! Ginawa mong makabuluhan ang pananatili mo sa kwento at hindi ko sukat akalaing possible palang maging kaaya-aya ang bawat paglipat ko ng pahina nito.

Pinaramdam mo sa akin na sa bawat pagkakamali't pagkabigo, 'wag na wag susuko dahil may panibagong pag-asa na naghihintay ulit sa dulo. Doon palang alam kong maswerte na ako dahil meron akong ikaw sa buhay ko.

Kung isang kaduwagan ang mas pinili kong kontrolin ang namumuong nararamdaman ko dahil gusto kong manatili ka sa buhay ko, gusto kong makasama ka pa hanggang sa pinakahuling pahina ng kwento, siguro nga duwag na ako.

Pero masisisi mo ba ako?

Ikaw yong kanlungan na paborito kong tinatambayan.
Ikaw yong hantungan na paborito kong hinihintuan sa tuwing napapagod na akong magpatuloy sa laban.
Ikaw yong taong ayokong mawala at pinagpipilitan kong patagong hinihiling kay Bathala.

Pero wala.
Masyadong madamot sa akin ang tadhana. Hindi ko na kayang ipagpilitan kung ano yong dapat at itinakda. Hindi ko na dapat ipagsiksikan ang sarili ko lalo na ng dumating na ang pagkakataong ibinigay na ng mundo ang para sayo.

Baka sa ibang estorya, baka possible pa ulit tayong magkita.

Baka sa ibang pahina, possible pang ang parehong tinta natin ulit ay magtugma.

Ngunit sa kasalukuyan, ang sakit-sakit tanggapin na mawala yong nakasanayan. Pero kailangan na kitang bitawan. Hindi dahil sa gusto ko kundi dahil sa ito ang nakasulat sa huling yugto.

Ayokong mahirapan ka pa. Ang hangad ko lang naman ay maging masaya ka. Kaya kung masaya ka na sa kaniya, ang paglayo ang sunod ko ng isasagawa. Hayaan mong ako nalang ang magtago sa estorya na siyang naglalaman ng ating minsa'y masasayang ala-ala.

@siprinxesa

A/N: Please do follow and interact with me on my social media accounts, kamahalan.

ShespokeWhere stories live. Discover now