~PAGHANGA

71 48 3
                                    

𝙳𝚎𝚍𝚒𝚌𝚊𝚝𝚎𝚍 𝚝𝚘:Brat_writes

" PAGHANGA "

Nasasaktan, nakaupo't tahimik na nakatulala sa kawalan. Pilit na tinitiis ang sakit na akin pa ring nararamdaman, sakit na dulot ng isang taong patago kong minahal ng lubusan.

Naaalala ko pa simula sa pagkabata ay magkasama na tayo lagi. Sa biruan at kalokoha'y magkasama tayong tumatawa't ngumingiti. Magkaramay sa saya, lungkot at pighati. Pagkakaibigang tunay, iyon ang aking pakiwari.

Sa bawat araw na magkasama tayong pareho ay nakilala ko ang iyong tunay na pagkatao. At sa simpleng mga kilos mo, ewan ko ba kung bakit napapangiti nalang ako.

Ngunit sa tagal ng ating pagsasama, tila ba nagbago ang ritmo ng puso ko bigla. Ano ba itong nararamdaman, bakit ako nagkaganito? Sa tuwing nakikita kita ako'y napapahinto. Sa tuwing kausap ka ako'y natutuliro.

Para bang natataranta sa tuwing nakikita ang iyong mga mata. Ano ba itong aking nadarama, ito ba'y normal pa o isa na ngang paghanga?

Pilit kong itinago ang kakaibang nararamdaman ko. Natatakot kasi ako na malaman mo. Sinubukan kong burahin at itago ito, na sa iyo ako'y tuluyan na ngang nagkakagusto.

Di ko man gustong sabihin, pinipilit di aminin na sa iyo ako'y may lihim na pagtingin. Puso'y kinukumbinsing kausapin ngunit hindi na maawat-awat ang bugso ng damdamin.

Hindi ko mapigilang isipin na possible ang ating istorya. Sa bawat pahina'y puno ng makukulay na eksena. Na tayong dalawa sana'y magkaroon ng mga nakakakilig na ala-ala. At kahit sinong kontrabida o kahit anong bagay ay walang makakahadlang sa ating dalawa.

Ngunit sa lahat ng iyon ay walang tumama ng sa iyo ako'y may nalaman bigla...

Mundo ko'y biglang gumunaw, mga mata'y lumuluha't umaapaw. 'Sandaang karayom ng sakit ang nangibabaw nang malaman kong pangalan ng KAIBIGAN ko ang sa puso mo'y isinisigaw.

Alam mo nasasaktan pa rin ako pero kailangan kong tanggapin ito. Ang katotohanang magkaibigan lang talaga tayo at hindi mo kasalanan kung bakit ko nararamdaman ito. Kasalanan ko ito kasi hindi ko naihanda yung sarili ko sa katotohanang ang salitang 'possible' sa ati'y malabo.

Nagkamali ako sa inakala kong istorya nating dalawa. Sa istoryang akala ko ikaw at ako ang bida. Ngunit ang totoo, sa binuo kong istorya ako pa pala ang nagbabadyang kontrabida.

Kaya kahit mahirap ay ako na ang dumistansya.

Kahit masakit ay pinilit kong maging masaya para sa inyong dalawa.

Kahit nakapanlulumo ay pilit kong kinakaya...

Ang katotohanang kung sana umamin ako ng maaga, baka possible pa ang 'tayong dalawa'. At ako siguro ang kasama mo ngayon at hindi siya.

Pero wala na, huli na.

Ang nararamdaman ko sayo'y maituturing nalang na isang
patagong PAGHANGA.

@siprinxesa

A/N: If you like this entry please don't forget to vote, comment, and share these works of mine. Tysm poets!

ShespokeWhere stories live. Discover now