PART III

174 10 29
                                    

1971

Milagros Guillermo's POV

Nakatitig ako sa salamin habang naglalagay ng pulbo sa mukha at kulay pulang lipstick sa bibig. Masama naman ang tingin sa akin ni Ate Juliet pero tulad nang dati ay wala akong pakialam. Magkapatid kami kaya dapat ay kilala niya na ako.

Hindi pa yata siya na kontento sa pagirap-irap sa'kin kaya tuluyan nang nagsalita.

"Ang akin lang naman, bakit mo naisipan na mamasukan bilang katulong? Sa arte mong 'yan..."

Umirap lang ako sa sarili at nagsimula nang magsuklay ng buhok. Bagay sa'kin ang tirintas kaya 'yon ang gagawin ko. Napangiti ako nang napansin ang pagkakaiba ng mukha namin ni Ate lalo na ngayon at nakatayo na rin siya sa tabi ko sa harap ng salamin.

Kibit-balikat lang akong bumaling sa kanya bago nagpatuloy sa maingat na pag-ayos ng buhok.

"May binabalak kang hindi maganda, ano?" tanong niya at pinaningkitan pa ako ng mata. Porque't mas matanda siya sa'kin ng dalawang taon ay akala niya may karapatan na siyang pakialaman ako.

"Para may pera ako. Kung aasa lang ako sa kita ng asawa mo, Ate, titirik lang ang mata ko," sagot ko sa kanya.

Agad akong nagsisi sa sinabi nang bigla niyang hinablot ang buhok ko.

"Bakit, sa tingin mo ba gustong-gusto naming manatili ka rito sa bahay? Pabigat ka rin naman dito ah!" bulyaw niya sa'kin.

"'Wag kang mag-alala dahil hinding-hindi na talaga ako babalik dito," malambing na sagot ko. Lalo tuloy siyang nainis.

"Kung hindi dahil kay Inay—"

"Alam ko na kung ano'ng sasabihin mo, Ate. Na napilitan ka lang tanggapin ako sa pamamahay mo nang namatay ang mga magulang natin. Salamat sa pagkupkop mo. Maraming-maraming salamat. Ayos na ba?"

Umatras ako dahil baka sabunutan niya na talaga ako pero sa halip ay binalingan niya ang bag ko na nakaempake na at nakalagay na malapit sa pinto.

Pareho kaming tumakbo pero naunahan niya ako at itinapon niya ang bag ko sa labas ng bahay niya. Buwiset!

"Sige na, lumayas ka na!" taboy niya.

Hinila ko rin ang buhok niya bago dali-daling lumabas para pulutin ang bag ko at makaalis na doon.

Hindi na talaga ako babalik sa bahay nina Ate at ng asawa niyang may kursunada sa'kin. Mabuti sana kung gusto ko rin siya, eh hindi naman. Mabuti sana kung may pera siya, eh hamak na jeepney drayber lang naman siya!

Mabuti na lang at may natitira pa akong pera mula sa suweldo ko bilang kahera sa isang pipitsuging tindahan sa bayan. Kung nagkataon ay mapipilitan pa akong manghingi ng pamasahe kay Ate Juliet.

"Sigurado ka bang marunong ka sa gawaing bahay?" usisa ng masungit na matanda na mayordoma yata sa mansyon ni Sir Leandro.

"Oo naman po," magalang na sagot ko, kahit ang totoo ay gusto kong umismid.

"Ayaw ni Madam at Señor ng tatamad-tamad dito," dagdag niya.

Oo na!

"Huwag po kayong mag-alala, hindi naman po ako ipapatawag ni Sir Leandro dito kung tingin niya ay tamad ako."

Gusto ko lang naman maalala ng matandang ito na si Sir Leandro mismo ang nag-alok sa'kin ng trabaho nang nakita niya ako sa bayan.

Tinitigan niya ako mula ulo hanggang paa pero hindi ako nagpatinag. Baka akala niya natatakot ako sa kanya?

Binigyan ko ang matandang 'yon ng pagkatamis-tamis na ngiti bago ko siya tinanong kung saan ang silid ko.

"Kasama mo sa kuwarto si Ditas kaya 'wag mong isipin na magagawa mo na kung ano'ng gusto mo."

Kaunti na lang talaga, papatulan ko na ang matandang 'to eh.

"Trining? Nandiyan na ba si Mila?"

Pareho kaming lumingon sa nagsalitang papasok sa kusina.

"Kararating ko lang po." Inunahan ko agad si Manang Trining sa pagsagot.

Nakapormal na kasuotan si Sir Leandro. Gano'n siguro talaga ang mga mayayaman— nakadamit pang labas palagi. Bagay na bagay sa kanya dahil ang guwapo-guwapo niya!

"Mabuti naman, Mila. Sana ay maging hiyang sa'yo ang pagta-trabaho mo rito. Kung may kailangan ka o ano man, 'wag kang magaatubiling magsabi kay Nang Trining," magiliw na sabi niya nang nakalapit na sa'kin.

"Opo!"

"Sir, ihahatid ko na po ba ang meryenda ni Madam?" singit ni Nang Trining sa usapan.

"Oo, pakidala na lang sa kuwarto at doon muna siya, magpapahinga at napagod sa biyahe galing sa Bacolod."

Bulong-bulungan sa La Estrella ang mga ganap sa pamilya ni Sir Leandro at ng asawa niyang si Señora Carmina. Paano ba naman kasi, sampung taon na silang kasal pero hindi niya pa rin mabigyan ng anak ang batang don.

"Sige po, Sir. Ilalagay lang namin ni Mila ang mga gamit niya sa silid niya at ihahatid na rin namin ang meryenda ni Madam. Ipapakilala ko na rin po si Mila."

Tumango si Don Leandro at lumabas na ngunit hindi bago mapansin ko ang malagkit na tingin niya sa dibdib ko.

Disinuebe pa lang ako pero hindi na iba sa akin ang reaksyon ng mga lalaki sa'kin. Kinse anyos pa lamang ako ay marami na akong manliligaw. Pinakamasugid sa kanilang lahat ang kapitbahay naming si Andres. Sayang lang at galing din 'yon sa mahirap na pamilya katulad ko. At saka ayaw sa'kin ng nanay niya.

⭐🌙

"Ilagay mo ang bandeja riyan sa lamesa," utos ni Madam.

"Ho?" tanong ko na nalito sa tinuran niya.

"Ang lagayan ng pagkain," paliwanag niya sa isang pagod na tinig.

Eh bakit kasi hindi niya na lang diniretso. May pa bandeja-bandeja pa siyang nalalaman!

"Bago ka lang dito, ano?" tanong niya sa'kin. Mariin siyang nakatitig sa'kin, inoobserbahan ang bawat kurba ng katawan ko.

"Magda-dalawang lingo na po, Madam," sagot ko.

Nakalimutan niya na yata na pinakilala ako sa kanya ni Nang Trining nang araw mismo na nagsimula ako rito. Nasaan na ba ang isipan ng babaeng ito?

"Milagros ang pangalan mo?"

Hindi ko inaasahan na maaalala niya ang pangalan ko.

"Opo, Madam."

Sumenyas siya sa'kin para lumapit ako sa kanya.

"Ang bata mo pa. Buti at pinayagan ka ng mga magulang mo na magtrabaho rito."

"Ulila na po ako, Madam," tahimik na tugon ko. Hindi ko maiwasan ang manibago sa asal niya. Akala ko ay tamad siya at hindi mahilig makihalubilo sa mga tao kaya't nandito lang siya palagi sa silid niya pero mukhang may sakit siya.

"Gano'n ba?"

Iyon na ang huling sinabi niya bago ngumiti nang bahagya at itinuon ang pansin sa bukas na bintana. Maganda ang sinag ng araw dahil umulan kahapon kaya hindi masilaw.

"Madam, gusto niyo po bang lumabas at magpainit?"

Nahiya ako bigla sa suhestiyon ko. Kung gusto niyang lumabas ay wala namang pumipigil sa kanya.

Hindi ko mabasa ang ekspresyon sa mukha niya nang bumaling ulit sa'kin.

"Kung ayaw n'yo po, ayos lang naman po," dali-daling sagot ko. Hindi mo alam ano'ng puwedeng gawin ng amo mo. Baka mamaya mainis siya at palayasin ako.

"Maari mo ba akong samahan, Mila?"

The Universe ConspiredTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon