THIRTY- ONE

175 10 19
                                    

1975

Andres Salvador's POV

"Pabayaan mo na ang babaeng 'yon, Andres! Marunong siyang umalis kaya't dapat ay marunong din siyang bumalik!" galit na saad ni Nanay.

"Nay, hindi natin alam kung bakit ba talaga umalis si Mila. Baka may nangyaring masama sa kanya."

"Anak, gumising ka nga sa katotohanan! Magmula nang nagpakasal kayo ay hindi na naging masaya ang asawa mo rito."

Na silid namin ni Mila kami ni Nanay, nakatingin sa bakanteng bahagi ng kabinet kung saan nakalagay ang mga gamit ng asawa ko kaninang umaga lang.

Matagal ko nang mahal si Milagros. Bata pa lamang kami ay alam ko na sa sarili ko na siya ang gusto kong makasama habang buhay. Ilang beses akong pinagsabihan ng mga magulang ko, lalo na ni Nanay dahil noon pa man ay ayaw na niya kay Mila.

Paano ko ipapaliwanag sa anak ko na wala na ang Mama niya? Paano ko sasabihin na iniwan ni Mila, hindi lang ako kun'di pati na rin ang sarili niyang anak?

At saan siya pumunta? Wala na silang ibang kamag-anak dito sa La Estrella. Isa pa ay mahihirap din ang ibang kaanak nila na nasa Iloilo kaya't wala ring tatanggap sa kanya, lalo na at hindi naman siya malapit sa kanila.

Maari kayang bumalik siya kay Don Leandro? Imposible. Maraming ibang babae si Don Leandro at higit sa lahat hinding-hindi siya seseryosohin ng hayop na 'yon. Kahit lumuhod pa si Milagros para maging babae ng taong 'yon ay mapapahiya lamang siya.

"Pabayaan mo na si Mila, Andres..." udyok uli ni Nanay bago siya lumabas ng kuwarto.

Gano'n na lang ba kadali para kay Milagros ang iwanan kami ni Atlas? Sa humigit-kumulang dalawang taon na nagsama kami bilang mag-asawa ay ibinigay ko ang buong pag-unawa at pagmamahal ko sa kanya. Kahit alam kong hindi sa akin si Atlas ay matagal ko nang natanggap 'yon. Pero bakit hindi pa rin siya tuluyang naging maligaya sa piling ko? Saan ako nagkulang? Ang ibig sabihin ba ni Mila, hanggang ngayon hindi niya pa rin pala ako natutunan na mahalin?

"Papa!"

Pinilit ko ang sariling ngumiti nang nakita ang anak ko, may dalang laruang kotse. Wala ako buong araw dahil namamasada kaya sabik kaming dalawa na matapos ang araw para kahit papaano ay magkaroon ng oras para maglaro.

"Laro na tayo?" tanong niya bago lumapit at hinila na nga ako.

Kung mayroon man akong ipinagpapasalamat, 'yon ay ang hindi pagdala ni Mila kay Atlas kung saan man siya pumunta. Ang aking anak ang tanging kaligayahan ko. Kaya naguguluhan ako lalo kung bakit walang alinlangan na tinalikdan ni Milagros ang bata.

1976

"Ano'ng plano mo ngayon?" usisa ni Nanay.

Isang taon na ang nakakaraan mula nang iniwan kami ni Mila at sa unang pagkakataon ay nakatanggap kami ng balita tungkol sa kanya.

"Sigurado po ba kayong si Juliet ang nakita niyo, Nang?" tanong ko kay Nang Sylvia.

Mariin ang tango na isinagot niya sa'kin. "Hindi ako puwedeng magkamali, Andres. Binati ko pa nga si Juliet at kinumusta kung saan na sila nakatira."

Mabilis na dumaan ang isang taon na wala si Milagros sa buhay namin. No'ng una ay halos hindi ako makapaniwala pero dumating ang panahon na napagtanto kong kaya naman pala namin na wala siya. Siguro napagod na rin ako sa pagmamahal sa aking asawa na ni minsan ay hindi yata nakuhang suklian ang pag-ibig ko.

Pero ibang usapan ang bagay na kahit ano man ang kasalanan niya, ina pa rin siya ng anak ko. Karapatan ni Atlas na lumaki na kumpleto ang pamilya. Kaya kung maaari ay gusto kong mahanap si Mila.

"Luluwas ako ng Maynila, Nay. Hahanapin ko si Mila sa bahay ng Ate Juliet na," desididong pahayag ko.

Malalim ang buntong-hininga ni Nanay na para bang alam niya na na ganoon nga ang magiging pasya ko.

"Sayang hindi ko siya natanong tungkol kay Mila, Andres. Pasensya na, halata rin kasi na umiiwas si Juliet."

"Hindi po, Nang Sylvia. Malaki na po ang naitulong n'yo sa akin," agad na sagot ko. Unang taon sa kolehiyo ng nag-iisang anak ni Nang Sylvia na si Rachelle. Sa Maynila ito nag-aaral at kung hindi pa dinalaw nina Nong Edgardo at Nang Sylvia ang anak para doon mag-Pasko ay hindi pa kami makakahanap ng kahit isang tao na may koneksyon sa asawa ko. Sa Divisoria raw niya nakita si Juliet.

Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at isang linggo lang ang nakalipas ay nakaluwas na ako ng Maynila.

Dahil hindi naman ako pamilyar sa lungsod ay kung saan-saan ako nakarating at kung sino-sino ang napagtanungan para lamang matunton ang Divisoria kung saan may maliit na puwesto raw ang ate ni Mila.

Nang sa wakas ay nahanap ko si Juliet ay hindi naman maganda ang balita niya.

"Nagmeryenda ka na ba? Sandali lang ha," sabi niya ay nag-utos ng bata para ibili kami ng tinapay at softdrinks.

"Ate, didiretsohin ko na po kayo. Nandito ako dahil hinahanap ko si Milagros," seryosong saad ko.

"Andres, wala rito si Mila! Kung hindi mo pa nga sinabi sa'kin ngayon na mag-asawa na kayo at may anak pa ay hindi ko talaga malalaman," sagot niya.

"Hindi po ba siya nagpakita sa inyo?"

"Nagpakita. Nabigla na nga lang kami ng asawa ko nang sumulpot siya sa labas ng bahay namin nang nakaraang taon. Hindi ko lubos akalain na may plano pa siyang makipagugnayan sa'kin. Hindi naman lingid sa'yo na hindi kami malapit sa isa't isa."

Dumating na ang pagkain at hinayaan ko muna siyang asikasuhin ako habang nag-iisip kung ano pa ang maari kong itanong sa kanya.

"Ang totoo niyan, Andres, nahihiya lang akong sabihin sa'yo ang totoo dahil asawa mo pala si Mila. Pero... nakaalis na siya ng bansa."

Tila nanghihingi ng dispensa ang tono ni Ate Juliet. Ni minsan ay hindi sumagi sa isip ko na maaring gawin ni Mila 'yon pero ngayong narinig ko na mismo sa ate niya ay hindi rin ako nabigla.

"Saan po siya pumunta?" tanong ko kahit alam ko na yata ang sagot.

"Sa Japan."

Bago ako umalis ay nag-iwan ako ng litrato ni Atlas para kay Ate Juliet. Alam kong hindi siya interesado sa pamangkin pero nagbabakasakali pa rin ako na balang-araw ay magparamdam ulit si Mila sa kapatid niya. Hindi ko siya hihikayatin na bumalik sa'kin pero sana lumingon din siya sa anak niya.

Ito na ang huling pagkakataon na hahanapin ko si Milagros. Panahon na rin para pabayaan ko siyang habulin ang buhay na talagang nais niya. Dahil maliwanag pa sa sikat ng araw na higit ang buhay na nais niya sa kaya kong ibigay.

Mahirap ngunit marangal ang buhay na inalok ko pero hindi 'yon naging sapat. Mas pinili niya pang maging babaeng nag-aalok ng panandaliang aliw sa ibang bansa kaysa sa simpleng buhay kasama ng pamilya niya.

Pagod akong bumalik sa mumurahing lodging house na nahanap ko para may matuluyan habang nasa Maynila. Mainit at masikip sa lugar na 'yon pero hindi na importante 'yon basta't may masisilungan.

May tatlong araw pa ako bago ang alis ng barko pauwi sa Iloilo pero hindi ko na alam kung ano pa ang gagawin.

Bigla ay naalala ko ang pera na ipinaaabot nila Nang Sylvia at Nong Edgardo sa anak nila. May ibinigay silang adres kung saan tumutuloy si Rachelle at malapit lang daw 'yon sa lodging house ko kaya't hindi na ako mahihirapan na hanapin 'yon.

The Universe ConspiredTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon