SIX

206 21 65
                                    

May 1993

"Umalis na tayo," bulong ko kay Apple Pie habang nakatingin sa dalawang lalaki na naglalakad palapit sa'min.

"Ano ka ba? Relax ka lang. Para ka namang hindi laking-Maynila eh. Kilala ko nga si Lester 'di ba? Kuya siya ng kaklase ko," ganting bulong ni Apple Pie.

Hindi na ako nakasagot dahil nakalapit na silang tuluyan sa'min.

Naglalakad kami kanina sa dalampasigan ni Apple Pie para manguha ng mga seashell na naisipan kong gawing palamuti at ibenta. Hindi namin namalayan na nakalayo na pala kami sa main road at nasa Brgy. Alegre na kami. Maglalakad na sana kami pabalik nang tinawag si Apple Pie ng isang lalaki na mukhang mas matanda sa amin ng tatlong taon.

Nagpakilala siyang kuya ng kaklase ni Apple Pie. Ang sabi naman ni Apple Pie ay namukhaan niya nga raw si Lester at ang pinsan nitong si Benjo na may-ari pala ng maliit na chicken farm malapit sa dalampasigan. Maliit man ang private propety nila Benjo, walang masyadong tao sa bandang 'yon ng Brgy. Alegre dahil hindi na 'yon dinadaanan ng jeepney. Tahimik din ang paligid dahil pawang mga bakanteng lote ang sa parehong tabi ng chicken farm.

Inaya nila kaming umupo muna para makapagpahinga sa isang bangko sa loob ng property at naglabas pa sila ng isang litro ng Coca Cola mula sa malaking kubo.

"Hindi na kayo dapat nag-abala pa," nakangiwing komento ko nang tumabi sa'kin si Lester at si Benjo naman kay Apple Pie.

Tumawa si Benjo at sinalinan si Apple Pie ng softdrinks sa isang plastik na baso.

Ininom naman agad 'yon ni Apple Pie.

Tinanggihan ko naman ang binigay ni Lester sa'kin at nagpalusot na hindi ako mahilig sa matamis.

"Taga-Maynila ka pala? Ikaw 'yong pinag-uusapan nila na maganda 'di ba?" pambobola ni Lester sa'kin.

"Galing nga akong Maynila pero siguradong ibang tao ang ibig mong sabihin," sagot ko na naiilang na dahil sobrang lapit na ng bibig niya sa tenga ko.

"Bakit pala kayo napadpad dito sa Alegre?" tanong ni Benjo kay Apple Pie.

"Nangunguha kami ni Rae ng seashells."

"Talaga? Marami pa ako roon sa kubo. Kunin natin?" suhestiyon ni Lester kaya naman kinabahan na ako. Hindi ako tanga. May ideya ako kung ano'ng ibig sabihin ng paanyaya niyang 'yon.

"Hindi na! Marami na rin kaming nakuha o," sagot ko sabay pakita ng maliit na supot na hindi pa halos nangangalahati ang laman.

"Mas maganda ang koleksiyon ko sa loob," pamimilit ni Lester at hinila niya pa ako para tumayo.

Tumingin ako kay Apple Pie para humingi ng tulong pero takot din siyang nakatingin sa'kin na parang hindi alam ang gagawin.

Hinawakan siya ni Benjo sa kamay at parehong hihilain na sana kami papunta sa direksyon ng kubo nang biglang narinig kong may tumawag sa pangalan ko.

"Rae!"

Pare-pareho kaming lumingon sa dalampasigan at nakitang papasok sa kahoy na gate si Atlas. Matulin na naglalakad sa likod niya ang kaibigan niyang si Bernadette.

Bumitaw agad sa'min ni Apple Pie sina Lester at Benjo at umatras

"Kanina ko pa kayo hinihintay, ba't ang tagal n'yo?" tanong ni Atlas nang makalapit sa'min.

"Huh?" nauutal na tanong ni Apple Pie na mukhang takot pa rin.

"Kuya Atlas, wala po kaming ginagawa," paliwanag ni Lester na nakataas pa ang dalawang kamay.

Maangas na nakatingin si Benjo pero tahimik lang siya.

"Umuwi na tayo," sabi ni Atlas sabay hatak sa'kin palapit sa kaniya. Nakasunod na rin si Bernadette at siya naman ang umalalay kay Apple Pie.

Tahimik lang sina Benjo at Lester hanggang sa tuluyan kaming nakalabas sa chicken farm.

Pumara si Atlas ng tricycle para makauwi na kami.

"Bernadette, kita na lang tayo mamaya," sabi niya sa kaibigan niya nang binaba siya ng tricycle sa labas ng baranggay hall ng La Estrella.

Seryosong tumango lang si Bernadette at inirapan pa ako.

"Ayos ka lang ba?" tanong ko kay Apple Pie.

"Oo," tipid na sagot niya. Hindi na nga umimik si Apple Pie hanggang sa nakarating kami sa labas ng bahay nila.

"Kuya, salamat dumating ka."

Buntong-hininga lang ang tugon ni Atlas bago tuluyang pumasok si Apple Pie sa bakuran nila.

"Salamat..." tahimik na sabi ko sa kaniya habang nakatayo kami sa labas ng bahay namin.

"Ano 'yan?" tanong niya na nakatingin sa nag-iisang kabibe na hawak ko. Nakalimutan ko ang supot sa chicken farm.

"Mga seashells. Nangunguha kami ng kabibe kaya kami napadpad doon."

"Marami ako sa bahay."

Inaya niya akong pumasok sa bahay pero minabuti kong sumandal na lang sa puno ng mangga nila. Unti-unti akong nanghina nang napagtanto ang muntik ng mangyari kanina. Kung hindi dumating si Atlas...

Umupo ako sa kawayang bangko sa ilalim ng mangga at doon na nga ako nadatnan ni Atlas.

Inis niyang tinapon ang isang plastik na puno ng kabibe sa tabi ko. Siguro ay kanina pa siya nanggagalaiti at ngayon niya lang ipinakita.

"Sorry," ang tanging nasabi ko.

"How could you have been so naïve, Rae? Something could have happened to you and your friend!"

Tuluyan na akong napaiyak nang tumaas ang boses niya.

"Hindi ko naman sinasadya eh!"

"Ano'ng hindi sinasadya eh pumunta kayo roon sa Alegre kahit walang masyadong tao roon! Buti nga nagkataon na malapit ang bahay ng kaibigan ni Bernadette roon at nakita niya kayo nang pauwi na siya! Eh kung hindi niya kayo nakita at hindi niya ako natawagan? Ano?"

"Eh di salamat kay Bernadette! Huwag kang mag-alala at tatanawin kong isang malaking utang na loob sa inyong dalawa 'to!" sagot ko at tumayo na rin ako.

Nakakainis si Atlas! Alam ko naman kung bakit siya galit eh! Ang bobo nga naman namin ni Apple Pie para sumama kami roon! Pero—

Natigilan ako nang hinila niya ang braso ko para pigilin akong umalis.

"Rae... kung may nangyari sa'yo... " bulong niya.

"Sorry..." ulit ko na nakayuko.

I heard him sigh as he took the bag of seashells and pulled me to sit beside him.

"Alam nating dalawa na hindi ka na isip-bata pero kahit na gano'n, hindi maipagkakaila na bata ka pa rin..."

His voice was low and husky as he whispered those words without looking at me. We both stared at the rising moon instead. Is this how having a big brother feels like?

May malasakit kahit medyo masungit siya sa'kin. Pinapagalitan niya ako kung may kasalanan ako pero nililigtas niya rin ako kung nasa panganib.

Nakababatang kapatid ba ang turing niya sa'kin?

The Universe ConspiredTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon