THIRTY-FOUR

185 11 34
                                    

Rachelle Valencia's POV

Nakumbinsi agad ni Kuya Andres ang mga magulang ko na siya na ang bahala sa paghatid-sundo sa akin papunta sa botika sa bayan. Palagay ko ay pumayag sina Nanay at Tatay dahil may ideya rin sila tungkol sa mga chismis tungkol kay Don Leandro.

Ilang taon na rin mula nang pumanaw ang asawa niya at hindi imposible na mag-asawa siya ulit dahil bata pa naman siya. Pero kung iniisip nila na magkakaroon siya ng interes sa'kin ay imposible yata 'yon.

"Kuya Andres, hindi mo naman ako kailangan na sunduin eh," protesta ko nang nadatnan siyang naghihintay sa'kin sa labas ng botika nang uwian na.

"Alam ko," tipid na sagot niya, malamig na nakatingin sa likuran ko.

Nilingon ko si Don Leandro na kausap ang taga-sarado niya ng botika. Sa taas din kasi ng parehong gusali ang opesina niya at kadalasan ay umaalis siya sa botika sabay sa aming mga trabahante.

Isang linggo na mula nang magsimula ako sa botika pero hindi pa rin ako halos sanay na hinahatid at sinusundo ni Kuya Andres sa trabaho. Nakakahiya rin kasi pagkatapos niya akong sunduin sa hapon ay bumabalik pa siya sa pamamasada.

"Ayoko lang naman na maabala ka."

Kumaway ako kay Ma'am Dorothy na pasakay na rin ng jeepney papunta sa salungat na direksyon ng papunta sa'min.

Pagsakay naming dalawa sa jeep niya ay tahimik lang na nagsimulang magmaneho si Kuya Andres.

"Kaya ko naman umuwi na ako lang. At saka, sabi ni Sir, kung nais ko raw, puwede raw niya akong ipahatid sa drayber niya."

Biglang bumaling sa'kin si Kuya na galit yata sa sinabi ko.

"Uhmmm tumanggi naman ako!" agad na sagot ko. "Ang gusto ko lang naman sabihin ay hindi mo kailangan na abalahin ang sarili mo."

Isang buntong-hininga lang ang binigay niya at nagsimula na siyang magpasakay ng iba pang pasahero.

Naging mas mapagbantay pa lalo si Kuya Andres nang lumipas ang mga araw. Minsan kapag tanghali ay bigla na lang siyang sumusulpot at inaabutan ako ng pagkain na pinasuyo ni Nanay.

"Andres, nanliligaw ka ba rito sa dalaga namin?" pangaasar ni Ma'am Dorothy.

Agad na umiling si Kuya at tumawa na para bang isang nakakatawang biro ang posibilidad na magkagusto siya sa'kin. Hindi na siya ulit naghatid ng pagkain.

Kapag sinusundo niya ako paghapon pagkatapos ng araw na 'yon ay hindi na rin siya bumababa mula sa jeepney at kumukuha na rin siya ng pasahero mula sa sakayan na 'yon.

Tingin ko ay kaunti na lang, tuluyan na siyang titigil sa pagsundo sa'kin.

Isang maulan na umaga ay halos walang pasahero kaya naman bakante ang jeep niya nang sinundo niya ako sa bahay para ihatid sa botika.

Halos hindi niya sagutin ang bati ko kahit magkatabi naman kami sa front seat.

"Kuya, galit ka ba sa'kin?" mahinang tanong ko.

"Ba't naman ako magagalit sa'yo?" ganting-tanong niya.

"Hindi ko rin alam... Pakiramdam ko lang, umiiwas ka."

Lumakas lalo ang ulan kaya binuksan niya ang plastik na pantakip sa mga bintana. May payong ako kaya ipinagamit ko sa kanya 'yon habang ginagawa ang mga dapat gawin pagbaba niya ng jeep pero nabasa pa rin siya.

Inilabas ko na rin ang panyo ko galing sa bulsa para punasan ang tubig-ulan sa mukha niya pero iniwas niya ang pisngi niya.

"Rachelle," pagalit na sabi niya.

The Universe ConspiredTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon