THIRTY- TWO

176 11 21
                                    

Andres Salvador's POV

1976

Hindi ako mapakaniwala na dalaga na si Rachelle. Parang kailan lang ay nakikipaglaro pa siya kay Atlas pero ngayon ay dalagang-dalaga na kahit nang nakaraan lang siya nag dise-sais.

Istrikta akong inoobserbahan ng landlady ng boarding house niya kaya nininerbyos tuloy ako kahit na nagsabi na ako na halos kapatid na ang turingan namin sa isa't isa.

"Kuya Andres, kanina ka pa ba naghihintay?" bati ni Rachelle pagkababa niya ng hagdan.

"Ayos lang," sagot ko at mabilis na tumayo para makaiwas sa mariing titig ng landlady niya.

Nakahinga ako nang malalim nang nakalabas na nga kami. Sa isang banda ay napanatag ang loob ko na responsable ang landlady ni Rachelle. Sa kabila naman ay pakiramdam ko para siyang dragon!

"Ayos ka lang ba, Kuya. Pasensiya ka na kay Tita Amor. Gano'n lang talaga 'yon. Kaya nga malaki ang tiwala nila Nanay sa kanya."

Tumawa ako at umiling.

"Sa'n mo ba gustong pumasyal, Kuya? Nakapunta ka na ba sa Luneta?" magiliw na tanong niya.

Medyo namumula si Rachelle at tingin ko ay sabik din siya na makalabas at makagala. Masipag din kasi siya mag-aral at tingin ko ay hindi madalas na mamasyal o magliwaliw.

"Ikaw ang bahala, Rachelle. Basta 'wag mo akong ililigaw ha!"

Kumain muna kami sa isang sikat na fast food sa Maynila at pagkatapos ay niyaya niya akong pumunta sa pinaka-sikat na parke sa Pilipinas.

Maganda nga ang Luneta Park. Malapad iyon at napapaligiran ng mga puno at iilang monumento at hardin. Naglipana rin ang mga nagbebenta ng pagkain, lobo at kung ano-ano pa. Biyernes kasi ng hapon at maraming pamilya ang namamasyal.

"Sayang hindi mo kasama si Atlas, Kuya," puna ni Rachelle nang nakitang nakatingin ako sa mga batang naglalaro.

"Oo nga eh. Siguradong lalaki ang mga mata ng batang 'yon pag nakita ang mga gusali rito sa Maynila, Rachelle. Ikaw, nahirapan ka ba nang nagsimula kang mag-aral dito?"

Napaisip muna siya bago sumagot. Lumitaw ang dalawang biloy sa nakangiting bibig, at kumunot ang kaunti ang noo.

"Hmmm, hindi ko ikakaila na talagang nanibago ako, Kuya. Lalo na nang kinailangan na akong iwan nina Nanay at Tatay. Pero madali naman akong nasanay sa buhay sa Maynila. Dala na rin siguro na mas lagi naman akong nasa eskuwelahan kung wala sa boarding house."

Ilang buwan pa lang naman si Rachelle sa Maynila pero tingin ko ay kayang-kaya niyang alagaan ang sarili. Mula noon ay responsable siyang anak. Kaya naman halos lahat ng nakakakilala sa kanya sa La Estrella ay gusto si Rachelle.

"Baka naman may nobyo ka na rito," pang-aasar ko sa kanya kahit alam ko naman na wala. Masunurin siyang bata kaya tingin ko ay hindi niya aabusuhin ang tiwala ng mga magulang.

Mas lalo siyang namula at medyo napabalikwas ako sa gulat.

"Teka, may nobyo ka na?" seryosong tanong ko.

"Wala! Pero... pero mayroon akong mga kaklase na nanliligaw," amin niya.

Nabahiran ako ng pagtataka sa pagkakatanto na hindi ko gusto ang naging sagot ni Rachelle. Dala lang din siguro ng pagmamalasakit ko sa kanya bilang kapatid pero... bakit parang hindi.

"Sasagutin mo ba?" usisa ko.

Mabilis siyang umiling na tila ba ayaw niyang pagdudahan ko ang sinseridad ng sagot niya. "Hindi ko naman gusto 'yon!"

"Kung gano'n, kung gusto mo, sasagutin mo?"

Alam naming dalawa ang dapat na isagot niya pero dahil ayaw niyang magsinungaling ay hindi siya nakapagsalita.

"Sana 'wag mong kalimutan ang mga pangaral ng mga magulang mo," marahang paalala ko sa kanya.

"Wala pa sa isip ko ang pakikipag-relasyon, Kuya. At isa pa, isip bata pa 'yong mga nanliligaw sa'kin..."

Naglakad-lakad kami tungo sa isang pabilyon harap ng isang tila maliit na lawa. Palubog na ang araw kaya medyo malamig na rin. Hindi ko akalaing kanina pa kami magkasama ni Rachelle.

Sa isang iglap ay napuno ako ng inggit kay Rachelle na bata pa at magsisimula pa lang na mabuhay. Kung tutuusin ay sampung taon lang naman ang agwat namin. Pero bakit nanghihinayang ako na para bang isang habang buhay ang nasa pagitan namin?

Nang sumunod na araw ay magkasama ulit kaming namasyal ni Rachelle. Sa Harrison Plaza sa Malate kami namili ng iilang pasalubong para sa anak ko.

"Kasya po ba ito kay Atlas, Kuya?" tanong niya, hawak-hawak ang magkaparis na damit at shorts na pangbata.

"Tingin ko, tamang-tama lang ang sukat sa kanya," sagot ko.

"Kung gano'n, ang mas malaki pa nang kaunti ang piliin natin para mas matagal niyang puwedeng gamitin," sabi niya na tila ba napagisipan niya nang maigi ang bagay na 'yon. Mahal ni Rachelle si Atlas kahit noon pa man. Wala rin kasi siyang nakababatang kapatid kaya mahilig siyang pasyalan ni Atlas at kung minsan ay dinadala pa niya sa bahay nila.

Nahuli ko ang sarili na nakangiti habang nakasunod kay Rachelle na patuloy lang sa pagpili ng iba pang gamit at laruan para sa anak ko. Ni minsan hindi namin nagawa ni Mila 'to para sa anak namin.

"Kuya Andres, dito!" tawag ni Rachelle, at napagtanto ko naiwan na pala ako habang nakamasid lang sa kanya palayo.

Gabi na nang sa huli ay naihatid ko rin siya sa boarding house. Nakapagpaalam naman siya kaya't hindi na napagalitan.

"Ano'ng oras ang alis mo bukas, Kuya?" tanong niya.

"Alas otso ng gabi,"

"Kung gano'n, gusto mo bang magsimba sa Baclaran? Puwede tayong magsimba sa umaga. Iwan mo na muna rito ang mga gamit mo at pagkatapos mananghalian ay saka ka na pumunta sa pier."

Nang sumunod na umaga ay ginawa nga namin ang suhestiyon ni Rachelle. Makapangyarihan daw ang mga dasal na inaalay rito sa simbahang ito, lalo na kung mag-sisindi ka rin ng kandila.

"Naniniwala ka ba?" tanong ni Rachelle nang inabutan nga ako ng kandila.

Umiling ako at napangiti nang nakita ang dismayadong mukha niya.

"Dapat maniwala ka," mahinang saway niya sa'kin.

"Sabi mo eh..."

Pinikit ni Rachelle ang mga mata niya kaya napansin ko agad ang mahaba at nakakaakit niyang mga pilik-mata. Para siyang anghel.

"Ano'ng pinagdasal mo?" tanong ko.

"Sekreto. Hindi dapat sabihin, baka hindi magkatotoo," pilyang tugon niya.

"Huh? Bulalakaw yata ang tinutukoy mo," ganting biro ko.

Tila ba hinahatak ang oras kapag hindi mo gustong maging mabilis ang takbo ng panahon. Dumating kaagad ang sandali kung saan kailangan ko nang umalis.

Sabik ako na makita ang anak ko dahil siguradong hinahanap na ako no'n. Ngunit bakit tila may nadarama akong lungkot sa oras ng pag-iwan sa aking kababata sa Maynila.

"Ihalik mo ako kay Atlas, ha? Pakisabi na rin sa mga magulang ko na ayos lang ako rito," habilin niya.

"Sasabihin ko ba na may mga nanliligaw na sa nag-iisang anak nila?" tanong ko.

Halos hindi ako makahinga habang hinihintay ang sagot niya.

"Wala... wala silang dapat ipag-alala dahil... wala akong minamahal dito."

Mahina ang boses ni Rachelle pero dinig na dinig ko 'yon. Simpleng sagot sa simpleng katanungan. Kaya bakit ako nakaramdam ng kakaibang galak?

The Universe ConspiredTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon