04

12.2K 398 125
                                    

"Hindi mo tinanong 'yung pangalan?"


Nagkakape kami ngayon ni Claire at nagpapahinga sa balkonahe. Pangatlong araw ko na rito sa Villarreal at maayos naman ang buhay rito kasi peaceful tsaka tahimik. Sobrang ideal ng lugar kung tutuusin.


"Ba't ko naman itatanong?"


Inalala ko ang mukha ng lalaki no'ng nakaraang araw. Nakalimutan kong sabihin agad kay Claire kaya ngayon ko pa lang nai-kwento sa kanya.


Napailing ako sa ideyang makikita ko na naman siya sa susunod na mga araw. Sigurado akong makikita ko ulit siya lalo't nangako ako kay Claire na sasamahan ko na siya susunod. Sinabi ko pang pakikisamahan ko ang mga kaibigan niya pero tingin ko'y 'di ko makakasunod 'yung isa. Ayoko sa mga taong pilosopo.


"Ba't hindi?"


"Wala naman akong pakialam sa pangalan niya."


"Ay, galit!" tawa ni Claire. "Inaano ka ba ng kaibigan ko?"


"Wala."


Hindi na ako tinanong pa ni Claire tungkol do'n. Mabuti rin na hindi niya na ako kinulit pa na i-describe ang mukha ng lalaki kasi wala rin naman akong konkretong deskripsyon sa mukha niya.


Hindi ko naman sinasabing pangit siya. Gwapo naman siya at bagay sa kanya 'yung mga ear piercing na suot niya, pero hindi ko kakalimutan kung gaano ako naasar sa kanya. Gwapo siya, oo, pero nabawasan ang kapogian niya dahil wala siyang kwenta kausap.


Tahimik na naman ang araw. Medyo nahihirapan ako sa pag-aadjust lalo't sanay akong naglalaro lang at nakababad sa cellphone buong araw. Walang signal ng internet connection dito kaya 'di ako makapag-login sa mga social media accounts ko.


Pagkatapos kumain ng tanghalian, tumambay lang ako sa labas at humiga sa duyan sa ilalim ng puno. Lumabas na naman si Claire kasama ang mga kaibigan niya. Kahit pa namilit na naman siya kanina, hindi pa rin ako pumayag.


May social anxiety ako at hindi madali sa 'kin ang makihalubilo sa mga tao kaya kailangan kong dahan-dahanin at paghandaan ang pagsama kay Claire. Isa pa, nahihiya rin ako.


Humiga lang ako sa duyan at pinanood ang mga dahong sumasayaw sa hangin. Wala akong magawa. Hindi nagpunta si Sian sa bahay ngayon kaya wala akong makausap. Nitong mga nakaraang araw kasi ay medyo nakakasundo ko si Sian. Mabait naman siya at madaldal rin gaya ni Claire kaya ayos din siyang kausap.


"Ate Claire!"


Narinig ko ang palapit na boses ni Rhys. Natanaw ko siyang lumabas ng bahay na may dalang suklay at palingon-lingon, halatang hinahanap si Claire. Nang makita niya ako ay lumapit siya sa 'kin.


"Kuya, nakita mo ba si Ate Claire?"


Umiling ako. "Lumabas. Nakipagkita sa mga kaibigan niya. Bakit?"


Sumimangot siya. "Ipapatirintas ko sana 'yung buhok ko."

Sundowns of AprilOù les histoires vivent. Découvrez maintenant