34

8.9K 272 588
                                    

"Sigurado ka na ba?"


Bumitaw siya sa yakap niya sa 'kin at tumitig sa mga mata ko na para bang hinahayaan niya akong basahin ang buong kaluluwa niya.


"Kailan ba ako hindi naging sigurado sa 'yo, Jiro?"


Nanuyo ang lalamunan ko sa tanong niya. Gusto kong matuwa, tumalon, at umiyak dahil sa saya, pero 'di ko magawa kasi alam kong walang magagawa ang pagmamahal namin sa isa't isa para maisalba kami.


Yumuko at ako napangiti nang mapait. Nanatili akong gano'n bago siya tiningnan. Puno ng pag-asa ang mga mata niya na para bang hinihintay niyang sumagot ako. Nabasa niya ang pag-aalinlangan ko kaya nagsalita siya.


"Hindi kita pinipilit na sumagot, Jiro. Sinasabi ko lang na mahal kita, hindi mo ako kailangang mahalin kung hindi mo pa ako mahal. Kaya kitang hintayin. Kayang-kaya ko."


Mas masakit pala kapag napakarami mong gusto sabihin sa isang tao pero hindi mo magawa kasi hindi pwede. Gusto kong sabihin sa kanya kung gaano ko siya kamahal, pero alam kong kapag sinabi ko 'yon sa kanya ay mas mahihirapan lang kami.


Tanging ngiti ang naging tugon ko. Nanatili sa kanya ang mga mata ko, nagbabaka-sakaling mabasa niya ang mga salitang hindi ko kailanman masasabi sa kanya. Sinuklian niya naman ako ng ngiti tsaka niya ako niyakap ulit.


"Mahal na kita, Jiro. Hindi ko alam kung makakaya ko ba kapag nawala ka," bulong niya.


Sumikip ang dibdib ko sa kung paano niya ako niyakap. Na para bang gaya ko ay hinihigpitan niya ang hawak niya sa 'kin at parang alam niyang aalis ako. Gusto kong umiyak na lang pero pinilit ko ang sarili kong ngumiti. Sayang ang araw kung iiyak ako.


"Kaya mo naman siguro akong hintayin, 'di ba?"


"Basta ikaw, mahal," sagot niya.


"Kahit gaano katagal?"


"Kahit gaano katagal."


Hindi ko alam kung paano ko kinaya ang hapong 'yon. Habang nakatingin ako sa mukha niyang punong-puno ng pag-asa ay unti-unti akong pinapatay ng konsensya ko. Hindi ko siya kayang saktan at kailanman ay wala akong balak na saktan siya, pero kailangan at hindi ko maintindihan kung bakit.


Panghahawakan ko ang sinabi niyang kaya niya akong hintayin kahit gaano katagal. Sana nga ay kaya niya kasi ako, kakayanin ko. Hihintayin ko kung kailan kami pwede. Kahit pa habang buhay ko siyang hintayin, gagawin ko.


Kinagabihan ay nakaupo kami sa balkonahe ng kwarto, umiinom at kaharap ang dagat. Marami kaming mga bagay na napag-usapan. Kinwento niya sa 'kin kung paano niya ako nagustuhan, kung kailan siya unang kinabahan kapag nakikita niya ako, kung kailan siya unang nagselos at paano niya pinilit na matulog noong mga gabing takbo ako nang takbo sa isip niya.


Hindi ko naman mapigilan ang mga ngiti ko habang pinapanood siyang magsalita. Kailanman ay hindi ko naisip na aabot kami sa puntong ganito. Akala ko dati ay hanggang tingin lang ako sa kanya sa malayo at akala ko ay wala akong pag-asa sa kanya. 

Sundowns of AprilWhere stories live. Discover now