08

10.8K 408 293
                                    

"Good morning."


Nasamid ako sa kapeng iniinom ko nang paglabas ng bahay ay nakita ko si Dandy na nakaupo sa duyan. Napaso ang dila ko kaya natawa siya.


Kunot-noo ko siyang tiningnan. "Bakit nandito ka? Ang aga pa."


"Ano naman? Ang sungit mo, ha."


Naglakad ako palapit sa kanya hawak ang tasa ko at umupo sa upuang kahoy sa gilid ng duyan. Simula nang maparito ako ay nasanay na akong maaga gumising kaya kahit alas siete pa lang ngayon ay gising na ako.


Inalok ko siya ng kape pero ayaw niya raw. Hindi raw kasi siya mahilig sa kape kasi ayaw niya sa lasa. Tahimik lang kaming umupo at walang ni isang nagsasalita sa aming dalawa. Sa sobrang tahimik ay halos kaluskos na lang ng mga dahon ang maririnig.


Tumayo ako nang maubos ang iniinom kong kape para magdilig ng halaman. Pinasadahan ko ng tingin si Dandy na nakapikit lang ang mata habang nakahiga sa duyan. Hindi naman siya tulog, nakapikit lang. Nahahalata ko.


Napatitig ako at masinsinang inaral ang mukha niya. Magulo ang buhok niya pero maganda pa ring tingnan. May dangling chain earrings siya na bagay sa kanya. Cool siyang tingnan tapos mukhang mayabang. Makapal ang kilay niya at may pagka-Latino ang mukha. Nakaka-inggit ang mukha niya.


Soft kasi ang facial features ko. Hindi naman sa pagmamayabang pero madalas akong tawaging cute kaysa gwapo. Makapal ang kilay ko, brown ang kulay ng mga mata kapag nasisinagan ng araw at kagaya ni Dandy ay magulo rin ang buhok ko. 'Di kasi uso sa 'kin ang magsuklay.


Umangat ang isang kilay ko nang makitang dumilat si Dandy. Nang magtama ang mga mata namin ay 'di siya nagsalita. Nanatili lang ang mga mata niya sa 'kin at walang kung anong ekspresyon ang mukha niya.


Habang siya'y tila walang balak na alisin ang tingin sa 'kin, ako naman ay natataranta at mabilisang inalis ang tingin sa kanya dahil sa hiya. Hindi ko siya kayang tingnan sa mata nang matagal.


Hawak ang hose, inabala ko na lang sarili ko sa pagdidilig ng mga halaman ni Lola. Alam kong nakakairita si Claire paminsan-minsan pero ngayon ay parang gusto kong narito siya para mag-ingay at kausapin si Dandy.


Ramdam na ramdam ko ang mga tingin sa 'kin ni Dandy habang nagdidilig ako kaya kinakabahan ako. Kung iba ang nakatingin, wala akong magiging problema, pero dahil siya ang nakamasid sa 'kin ay parang nakakatakot na magkamali.


Wala akong lakas para magsalita kaya nakayuko lang ako at pilit na pinapalis ang nararamdamang kaba. Hindi ko alam kung ba't ako kinakabahan. Dahil ba 'to sa kape kaya ako ganito? Tahimik na lang akong nagdadasal na sana'y alisin niya na lang ang tingin niya o 'di kaya'y matulog na lang siya.


"Pwede bang tumigil ka?" 


Tumawa siya. "Tumigil saan? Wala naman akong ginagawa, ah?"


"Mayroon," sabi ko. "Nakatingin ka."


"Bawal ba?"

Sundowns of AprilWhere stories live. Discover now