Chapter 4: Inception

19 3 0
                                    

Isang linggo pagkatapos ng nangyaring gulo sa mansyon ng mga Allard, bumalik sa tahimik ang buhay ng lahat.

Noong una ay ikinagalit pa ng marquess ang naging padalos-dalos na desisyon ng asawa subalit nang makita ang mga naging pagbabago ng anak, hindi na din nito inungkat pa ang mga nangyari.

Kasabay ng pagtahimik ng manor, muling kumuha ng bagong tagapagturo ang ama ni Lorelai.

Bagamat naging usap-usapan ang nangyari sa akademya at iba pang tahanan ng mga maharlika, nagawa parin nilang malinis ang pangalan ng pamilya at makakuha ng bagong guro sa loob lang ng isang linggo.

Hindi katulad noong mga naunang pangyayari, mas naging payapa ang takbo ng mga klase.

Hindi rin naman nawalan ng interes si Lorelai lalo na at wala siyang ibang ginagawa sa halos kabuuan ng mga araw.

Sa umaga ay nag-aalmusal siya kasama ang buong pamilya bago pumunta sa silid-aklatan para sa klase etiqueta.

Pagkatapos ng ilang oras ay nagtutungo siya sa kuyang nageensayo ng espada sa bakuran para manuod at makalanghap ng sariwang hangin.

Hindi rin naman nagtatagal at babalik sila sa loob para magtanghalian at kalaunan ay babalik sa mga klase.

Ang tunay na pahinga niya lang ay kapag papalubog na ang araw.

Ganito ang naging takbo ng buhay niya sa loob ng isang buwan. Maikling panahon pero kung tutuusin ay parang isang iglap lang sa kaniya.

Sa kasalukuyan ay walang mga problema. Ngunit alam niyang may kulang at hindi niya pwedeng basta nalang isawalang bahala ang nararamdaman.

Kaya nang linggo bago ang ika-anim niyang kaarawan, naisipan niyang simulang magplano.

Kasama sa planong iyon ay pageensayong magtali gamit ang bago at maliliit niyang daliri.

***

"Ha ha ha. Hindi ba't sinabi ko naman sa iyong madali niyang matatalo ang anak ng viscount. Higit pa ang potensyal ng anak mo kaysa sa inaakala mo Stella," pagmamalaki ng marquess sa gitna ng hapag.

"Balmond, nag-aalala lang naman akong magkasugat si Raffiel," sagot naman ng marchioness nang magkasalungat ang kilay.

"Mama, ayos lang na magkasugat ako basta para sa dangal ng mga Allard, " sabat naman ng kuya ni Lorelai kaya hindi na nagdahilan pa ang ina.

"Siya nga pala Lorelai, hindi ka masasamahan ngayon ng mama mo dahil may importante kaming lakad. Ayos lang ba sayong ang personal mo nalang na katulong ang kasama mong mamili ng damit?"

Pagiiba ng marquess sa usapan. Hindi naman siya tumanggi sa alok ng ama.

"Nalalapit na ang kaarawan mo, may gusto ka bang regalo?" Dagdag pa nito. Sa tanong na iyon lang siya nagkaroon ng pagkakataong sabihin ang gusto.

"Nais ko pong magensayo sa paggamit ng espada," aniya nang nakayuko at gamit ang mahinang boses.

Walang ibang nagawa ang mag-asawa kung hindi ang magkatitigan.

"Lorelai, bata ka pa at isa pa, isa kang babae. Alam kong magbabago pa ang gusto mo kapag lumaki ka na," pagdadahilan ng ama niyang walang alam kung gaano katagal na siyang nabubuhay.

"Hindi po ba mas mabuting matuto ako ng mas maaga? " Paliwanag pabalik ni Lorelai.

"Anak, hindi dapat nag-aaral na makipaglaban ang mga babae, trabaho iyon ng mga maginoo. "

Sixth Incarnation [Hiatus]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon