CHAPTER 9: Kilig

124 24 1
                                    

Everlee's POV

"Hindi..."

"Mali..."

"Hindi ganiyan!"

"Tangina!"

Natigil ako sa paggalaw at tinignan si Kohen. Ihinilamos nito sa kaniyang mukha ang kaniyang mga palad at sinuklay rin pataas ang kaniyang buhok. Kanina pa siya ganiyan at ngayon ay bakas na sa mukha niya ang matinding stress.

"Sinabi ko naman kasi sa'yong hindi ko kaya!" reklamo ko at tumayo na ng maayos. "Ayoko na, pagod na ako."

"Seryoso? Ikaw pa talaga itong pagod e ako nga itong halos limang oras ka nang tinuturuan pero simpleng pagkrus lang ng hita ay hindi mo pa magawa at ilang beses ka pang natutumba!" singhal niya sa akin kaya naman naupo muna ako sa sahig upang ipahinga ang katawan ko.

"Oo na, pasensya na kung hindi ako talented gaya mo," panunumbat ko at hinilot ang aking balikat. Kasalanan ko ba kasing parehong kaliwa ang aking paa?

Sa limang oras naming pagsasanay, dalawang oras niyang inulit-ulit ang pagsayaw para malinawan ako sa gagawin ko, habang sa akin 'yung isang oras at lahat ng iyon ay palpak... ni isang galaw ay wala akong nakuhang tama, at ang huling dalawang oras? Well, oras 'yun ng panenermon ni Kohen at pagrereklamo ko.

"Nakakaasar ka, alam mo ba 'yun?" singhal nito kaya naman tinignan ko siya, bakas nga sa mukha niya na naiinis siya sa akin. Kanina pa naman. "Lahat ay ginagawa ko para maturuan ka pero hindi ka nagseseryoso. Hindi naman mahalaga rito kung marunong kang sumayaw o hindi! Disiplina ang kailangan mo," pangangaral niya sa akin.

Mukha siyang teacher na pinapagalitan ang estudyante niyang hindi alam ang sagot sa one plus one. Pinagmasdan ko lang si Kohen at hindi umimik. Aminado akong lagi kong iniisip na hindi ko kayang gayahin ang mga galaw niya. E nakakapressure rin kasi ang ginagawa ko. Biruin mo, gagayahin kong sumayaw ang hinahangaan ng karamihan. Aish, siguro ay iyon ang kahinaan ko.

Nabasag ang katahimikan sa pagitan namin nang pumasok sa studio si Ashlin. "Everlee, kailangan mong magbihis dahil may meeting ka kasama si Eleanor," pamamalita nito kaya naman nanlaki ang mata ko.

"Akala ko ba walang ganito? Hindi pa ako pwedeng lumabas gamit ang katawan ni Kohen, hindi ba?" natataranta kong anas pero nagkatinginan lang ang magpinsan kaya pinagmasdan ko silang dalawa.

"Sasamahan ko kayo para mabantayan ko ang kilos mo," sagot ni Kohen kaya naman napangiwi ako.

Hindi na ako nakaangal dahil inutusan na ako ni Kohen na maligo na agaran ko namang ginawa, matapos iyon ay nagpalit na rin ako ng damit. Pagkalabas ko ay maayos na rin ang suot ni Kohen kaya naman sabay kaming naglakad palabas ng bahay at sumakay sa isang van.

"Sigurado ka bang ayos lang 'to?" pabulong kong tanong kay Kohen habang nakaupo kami sa bandang likuran ng driver, nakaupo naman sa passenger's seat si Ashlin na abala sa pagtipa sa kaniyang selpon.

"Hindi. Kaya nga ako sumama," malamig na sagot ni Kohen at humalukipkip sabay ipinikit ang kaniyang mata.

"Anong hindi? Hindi mo ba kilala 'yung Eleanor? Wala ka man lang bang maibibigay na tips para sa kung anong ikikilos ko?" aligaga kong saad na ikinamulat ng mata ni Kohen at sinulyapan ako. Nakatingin lang ito sa akin kaya naman tinaasan ko siya ng kilay. Iniangat niya ang kaniyang kamay upang ayusin ang buhok ko.

"Magtipid ka sa pagsasalita at panlamigan ng tingin ang lahat," anas niya na tipid kong tinanguan at saktong huminto ang van.

"Paano manlamig?" pahabol kong tanong kaya naman nasapo nito ang kaniyang noo.

Turn Into Prince [On-Hold]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon