CHAPTER 10: Is he really a gay?

133 16 7
                                    

Everlee's POV

Maingat kong isinarado ang pintuan ng banyo at bumungisngis, wala naman, may naiisip lang ako.

"Hoy."

Napatalon ako sa gulat at napahawak sa aking dibdib sa biglaang paglitaw ni Kohen sa gilid ko. Maayos naman ang hitsura niya pero para siyang tomboy kung makatayo, idagdag pa ang nakasampay na tuwalya sa kaniyang balikat at nakataas ang kilay niyang nakatingin sa akin.

"Bakit ka ba nanggugulat?" singhal ko at pinakalma ang aking puso na sobrang lakas ng pagkabog.

Humakbang ito palapit sa akin at umangat ang kaniyang kaliwang kamay sabay itinapat iyon sa pader. Nakorner niya na ako. "Anong ginawa mo sa katawan ko at bumubungisngis kang lumabas sa banyo? May ginawa ka bang kalokohan?" aniya sa seryosong boses na agaran kong dinepensahan sa pamamagitan ng pag-iling.

"Aish, ano namang gagawin ko sa katawan mo? Iyong-iyo lang 'tong katawan mo, inaalagaan ko lang naman 'to dahil nakakahiya sa'yo," sagot ko pero pinaningkitan niya ako ng mata na para bang hindi siya naniniwala sa sinasabi ko.

"Sigurado ka? Patingin." Naramdaman kong dumapo ng kanan niyang kamay sa baywang ko pero napigilan ko siya bago niya pa man hilain pababa ang suot kong jogging pants.

"Ano ka ba naman? Hindi mo pwedeng tignan dahil mga mata ko ang gamit mo at ayokong makakita ng kalaswaan ang mata ko." Iwinakli ko ang kamay niya at itinaas pa ang saplot kong pang-ibaba.

"Ang dami mong arte. Gusto ko lang icheck ang katawan ko," singhal niya at muling hinawakan iyon pero muli ko siyang pinigilan at inilingan.

Hindi ba nakakaintindi ang isang 'to?

Inirapan niya ako hanggang sa inilapat niya na rin ang kaniyang kanang kamay sa pintuan kaya tuluyan niya na akong nakorner at wala akong nakikitang pwedeng lusutan, lalo na't mas maliit siya kaysa sa akin.

"Fine, hindi ko na titignan. Pero pwede bang sabihin mo sa akin kung anong nangyayari sa'yo at hindi mo maalis ang mga mata mo kay Eleanor kahapon?" sambit niya at tumingkayad hanggang sa magkapantay na ang aming mukha. "'Wag mo sabihing in love ka sa gorilla na 'yun?"

Mabilis na nag-init ang mga tainga ko dahil sa narinig— hanggang sa hindi ko napigilan ang sarili ko na bumungisngis na ikinakunot ng noo ni Kohen.

"Halata ba? Pasensya na, ngayon lang kasi ako nakakilala at namangha sa ganu'n kaguwapong lalaki," pag-aamin ko habang pinagsusundot ang mga hintuturo ko.

Muling lumitaw sa isipan ko ang napakaguwapong mukha ni Eleanor. Ang dimple niyang malalim na mas nagpapadagdag sa pagiging magandang lalaki niya, at ang boses niyang nagpapatalon sa puso ko sa tuwing binabanggit niya ang pangalan ko... okay, hindi ko pangalan ang 'Kohen' pero parang ganu'n na rin ang dating dahil iyon ang ginagamit kong pangalan sa harapan ng lahat.

"Ano bang pinagsasasabi mo?" Napangiwi ako dahil sa biglaang pagbulyaw ni Kohen sa mismong harapan ko. Pinagmasdan ko ang mukha niya at nakitang nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin ng diretso sa akin, grabe, nakakatakot siya.

"Hindi ka pwedeng maging ganiyan sa harapan niya, tandaan mong kailangan mong umarte bilang ako. Mahalaga ang pagkatao ko rito kaya 'wag kang gumawa ng usap-usapang bakla ako, maliwanag ba?" saad pa niya subalit nakatingin lang ako sa kaniya hanggang sa umiral ang pagiging baliw ko at nginisian siya.

"Bakit, hindi ba?" pang-aasar ko kaya halos magsalubong na ang kaniyang kilay. "Ayaw mo kay Farrah dahil naaasar ka sa kagandahan niya hindi ba? Akala mo rin ba ay hindi ko napansin ang pagtitig mo kay Harold kahapon? Ikaw ha, bakla ka diba?"

Turn Into Prince [On-Hold]Where stories live. Discover now