Chapter 1: Pagkabata

342 19 1
                                    

Flashback...

Laxxus POV

MARAMING mga bata ang nakikipag-patintero sa mga sasakyan sa lansangan bitbit ang tsinelas na sira sira at kinakatok ang mga mamahaling sasakyan para manlimos. Sa murang edad, namulat ako sa kahirpan at tanging kinabubuhay ng aking mga magulang ay ang pagkapit sa patalim na minsan ko nang tinutulan.

Nakaupo, tanaw ang mga bata na tuwang-tuwa sa perang napagkakitaan nila samantalang ako ay kumakalam ang sikmura at malapit nang dumako ang tanghaling tapat. Naisipan kong manlimos sa ibang tao na dumadaan sa harap ko ngunit ako lamang ay iniiwasan at minsan pa ay sinisipa para lamang tumabi sa kanilang daraanan.

Tiniis ko ang pag-upo roon kahit ang araw ay sadyang tirik na. Nais ko lamang makakita ng pera para may maitawid ang kakainin namin sa hapunan. Lumipas ang ilang minuto, nagulat ako nang may maglagay ng pera sa aking hawak na lata.

Inangat ko siya nang tingin ngunit ngumiti lamang ang matandang lalaki at nagpatuloy na sa paglalakad. Tinignan ko ang laman ng aking hawak na lata, papel iyon at tumataginting na isang daan. Tila naging hugis puso ang aking mata kaya nagtatakbo ako pauwi at dumaan sa tindahan nina Aling Berna.

"Pabili po, Aling Berna!" sigaw ko.

Dumating naman agad ito kaya sinabi ko ang gusto kong bilhin. Bumili ako ng dalawang sardinas, tatlong itlog at tatlong noodles.

"Ito lang ba ang bibilhin mo, Laxxus?" tanong nito sa akin habang inaabot ang aking pinamili.

Tumango ako bilang sagot, "may sukli pa po ba ako? Kung mayroon pa po, ibibili ko po ng limang kendi, Aling Berna."

"O siya sige, ito na ang limang kendi," sabi nito at binigay ang kendi.

"Maraming salamat po," pasasalamat ko.

Umalis na ako sa kaniyang tindahan at nakangiting umuwi sa aming barong-barong na bahay. Nadatnan ko si nanay na nakapamewang at tila hinihintay ako. Pilit akong ngumiti dahil sigurado akong pipingutin na naman nito ang aking tainga kapag nakita ang dala ko.

"Saan ka na naman galing bata ka?" bungad niya sa akin.

Napakamot na lamang ako sa aking ulo. "Nanay, huwag ka naman magalit," ani ko sa kaniya. "Ito, may dala akong panghapunan natin," pakita ko sa plastik na dala.

Kumunot ang kaniyang noo na tila nagtataka kung saan ko na naman nakuha ang perang pinambili ko.

"Hindi ba at sinabi ko sa iyong huwag na huwag kang magnanakaw?!" sigaw niya sa akin.

"H-Hindi... hindi ako nagnak-" naputol ang aking sasabihin nang mabilis itong nakalapit sa akin at piningot ang aking tainga.

"Hindi kita pinalaking ganiyan, Laxxus! Humanda ka sa aking bata ka!" bulyaw niya habang pinipingot ang aking tainga. Naibagsak ko pa ang mga pinamili kong uulamin mamayang gabi.

Napaiyak na lamang ako nang hilain ako ni Nanay sa loob ng bahay at pinaluhod ako sa sahig. Kumuha siya ng sinturon sa sira-sira naming tukador at inihampas sa akin.

"N-Nanay..." iyak ko, "t-tama na po, masakit na." nahihirapan kong dugtong.

Habang inihahampas sa akin ang sinturon ay siya namang pagdating ng aking Ama na nakakunot ang noo at tila lasing na naman.

"Anong ingay 'yan, Erlinda?" tanong nito habang patungo ito sa kusina.

Humagulgol lang ako. Sigurado ako na si Tatay naman ang mananakit sa akin kapag nalaman niya ang ginagawa ko. Ngunit wala akong masamang ginagawa dahil galing sa limos ang perang pinambili ko. Wala akong magagawa dahil hindi naman nila ako pinapakinggan.

"Ang anak mo, Berto, umuwi na may bitbit na panghapunan at baka galing sa pagnanakaw naman ang perang ginamit niya," paliwanag ni Nanay.

Tumingin ako sa aking ama na ngayon ay nagpupuyos sa galit mula sa kaniyang narinig.

"Turuan mo ng leksyon ang anak mo!" ani nang aking Ina at ibinigay ang sinturon kay ama. " Isa ka pa, bakit lasing ka na naman?" tanong niya.

"Wala kang pakialam, Erlinda." malamig na sagot nito, "at ikaw bata ka, halika rito!" sigaw niya sa akin ngunit hindi ako tumalima sa kaniyang sinabi bagkus hinila ako nito at tuluyang inihampas sa akin ang sinturon.

Sobrang sakit ang bawat hampas na natatamo ko at tiyak kong magkakasugat ako nito kinabukasan. Patuloy akong humagulgol at nagmamakaawa na itigil nila ang pananakit sa akin ngunit wala silang pinakinggan hanggang sa magsawa si Tatay na ihampas sa akin ang sinturon.

Umiyak ako nang umiyak sa sobrang sakit na aking nararamdaman. Nanginginig ang aking buong katawan na gumapang patungo sa aking silid at doon humagulgol. Tinignan ko ang bawat bakat ng paghampas ng sinturon sa aking binti. Ang iba ay dumudugo na rin dahil tila tumama ang bakal niyon.

Naririnig ko naman ngayon ang pag-aaway ng aking magulang. Rinig ko ang kalabog sa kabilang silid.

"Hindi ka ba titigil sa pakikipag-inuman mo, Berto! Hindi ka na naawa sa anak mo na siya ang kumikita ng pera para may makain tayo tatlong beses sa isang araw!" sigaw ng aking Ina.

"Hindi ko sinabing magnakaw siya para lang may pagkain sa pesteng pamamahay na ito!" gigil na sigaw rin ng aking Ama.

Hindi ba sila titigil? Hindi pa ba sapat na sinaktan nila ako? Bakit kailangan pa nilang mag-away para lang pagtalunan ang mga bagay na dapat sila ang gumagawa.

"Ikaw dapat ang naghahanap ng trabaho pero paano ka nga ba makakakuha ng disenteng trabaho kung wala ka naman pinag-aralan katulad ko." sarkastikong usal ng aking Ina.

"Ikaw rin naman ay walang pinag-aralan, Erlinda. Pareho lang tayong kumakapit sa patalim para lang mabuhay ang pamilyang ito."

Napabuntong-hininga na lamang ako sa aking silid. Sinubukan kong sumilip sa maliit na butas para obserbahan kung sasaktan ng aking Ama ang aking Ina. Nakita kong sinampal siya ni Ama ngunit hindi umimik si Ina.

"I-Imbes na nasa paaralan ang anak mo, nariyan siya't na-ki-ki-pagpatinetero sa mga sasakyan sa kalye para lang kumita dahil ang walang kwenta niyang Ama walang maipakain sa kaniya," matapang na saad ni Ina.

Batid ko ang pagluha nito dahil kita ko kung paano ito bumagsak sa kaniyang pisngi. Naaawa ako sa aking Ina na kahit sinasaktan niya ako ay hindi ko naman maaatim na makita siyang sinasaktan ng aking Ama.

Inaamin ko, nag-aaral ako ngunit lumiliban lamang ako sa klase paminsan-minsan upang kumita ng pera para may pambaon ako kinaumagahan. Na-i-inggit ako sa aking mga kamag-aral dahil hatid sundo sila ng kanilang magulang. May maayos na damit, maayos na sapin sa kanilang paa at magagara ang kanilang bag. Samantalang ako, ni minsan hindi ako binilhan ng aking magulang ng ganoon dahil nga sa hirap ng pamumuhay namin.

Inaasar ako ng aking mga kaklase ngunit hindi ko na lamang sila pinapakinggan at pinapansin dahil wala rin naman patutunguhan kung papatulan ko pa sila. Tama naman sila dahil kahit siguro kumapit ako sa patalim para mabuhay ay hindi pa rin ako aangat at yayaman.



To be continued...

Defiant Youth Series # 12: Unwanted Justice (COMPLETED)Where stories live. Discover now