Chapter 16: Babae sa nakaraan

112 10 0
                                    

Laxxus POV

SABADO ngayon at ako ay naghahanda para sa pamamalengke ng kakailanganin ko rito sa aking tinitirhan. Nakuha ko na rin kasi ang sahod ko kahapon at nag-advance na ako sa bayad ng upa. Itinabi ko rin ang iba para kapag nangailangan ako, may mapagkukuhanan pa rin.

Bumaba na ako at naabutan ko si Manang Nez na nag-aalmusal.

"Magandang umaga po, Manang Nez." bati ko sa kaniya.

Ngumiti ito sa akin, "magandang umaga rin, Laxxus. Sabayan mo na ako," pag-aya niya.

Napakamot ako sa aking batok, "hindi na po, pupunta rin po akong palengke, baka may ipag-uutos po kayo."

"Wala naman, hijo. Mag-ingat ka sa daan," bilin niya sa akin.

Lumabas na ako at tinahak ang iskinita palabas sa may kalsada. Mainit ngayon at halo-halo ang usok ng sasakyan sa lansangan. Marami rin nagtitinda sa gilid ng kalsada at napansin ko ang mga batang naglalako roon.

Ngumiti ako at muli na lamang naglakad patungo sa palengke. Habang naglalakad, tumitingin-tingin ako sa aking paligid at hindi ko na namamalayang may nabunggo na ako.

"Ouch!"

Nanlaki ang aking mata na tumingin sa babaeng nabunggo ko. "Pasensya na po! Hindi ko po sinasadya!" hinging paumanhin ko.

"Ayos lang, pasensya na rin." sagot nito sa akin.

Nagpatuloy na lang ako sa paglalakad hanggang sa makarating ako sa palengke. Namili ako ng gulay at isda. Ipapa-ref ko na lamang ito kay Manang Nez para may stock pa ako ng pagkain. Bumili na rin ako ng bigas.

Napadaan ako sa bilihan ng karne at nakita ko ang babae sa iskinita noong nakaraang gabi. Tinititigan ko siya nang mahagip nito ang aking mata at ngumiti na naman siya sa akin.

Nginitian ko na lamang siya. Tila wala lang sa kaniya ang ginawa ng kaniyang Ama-amahan noong isang gabi. Kasama niya ito ngayon na nagbebenta ng karne. Nakita kong lumingon ito sa aking gawi kaya agad akong napaiwas ng tingin.

Maglalakad na sana ako paalis ngunit isang tinig ang aking narinig mula kay Mara.

"Laxxus!" tawag niya sa akin.

Napahinto ako at muling tumingin sa kanilang kinaroroonan. Nakita ko ang masamang tingin ng kaniyang Ama at tiyak kong masasaktan na naman ito mamaya base na rin sa hitsura ng kaniyang mukha na may pasa at sugat.

Umiling na lang ako sa kaniya dahil sa takot na muli siyang gahasain ng kaniyang walang kwentang ama. Umalis na rin ako sa palengke at dumiretso na lamang ng uwi sa bahay.

Inilapag ko ang mga pinamili ko at hinanap ko si Manang Nez ngunit hindi ko siya natagpuan. Nagsaing na lang ako at nilinisan ang isdang binili ko para may ma-prito akong ulam.

Mabait si Manang Nez. Siya pa ang nagbigay sa akin ng mga kailangan ko sa kusina. Wala kasi siyang anak kaya itinuturing na rin niya akong parang tunay na anak. Para siyang si Aling Berna... kamusta na kaya sila?

Mapait akong napangiti nang maalala ang itinuring akong pamilya sa aming baryo. Hindi ko na rin sila makamusta dahil wala pa akong nabiling selpon. Siguro kailangan ko na rin pag-ipunan iyon upang makausap ko rin sila paminsan-minsan.

Isinalang ko na ang isda at sinimulan ko na rin gulayin ang gulay na binili ko. Habang naghihiwa, napatingin ako sa may pintuan nang may magbukas doon. Nakita ko ang pagpasok ng isang tao na hindi ko kilala. Naka-uniporme ito at tila galing sa paaralan.

"Shit! Aray!" tili ko dahil ngayon ko lang naramdaman na nahiwa ko na ang aking kamay. Mabilis akong nagtungo sa lababo para hugasan iyon at rinig ko ang pagtawa ng babae mula sa aking likuran.

"Ano kasi at naisipan mong tumingin habang naghihiwa ka," sabi ng babae.

Mabilis kong tinapos ang paghuhugas ko sa sugatan kong kamay bago pormal na humarap sa babae.

"Pasensya na po, nagulat lang po ako." sagot ko.

Ngumiti ito sa akin, "pamilyar ka..."

Itinuro ko ang aking sarili. "A-Ako po?" napakagat-labi pa ako habang sinisigurado kung ako ang tinutukoy niya.

Tumango-tango siya. "Ikaw... ikaw ang bata na nagligtas sa akin noon," sagot niya sa akin.

Kumunot ang aking noo. Hindi ko maalala kung ano ang sinasabi niya hanggang sa sinimulan niyang magkwento tungkol sa nangyari sa kaniya at sa pagligtas ko sa kaniya.

Nanuyo ang aking lalamunan, habang ikinu-kwento niya ang pangyayaring iyon at tila naging isang echo iyon sa aking tainga. Paulit-ulit at tila may ibinubulong ang aking utak kaya napapikit ako. Sinubukan kong kumalma para hindi mataranta.

"T-Tama na po..." pagtigil ko sa kaniya, "...huwag niyo na pong ipaalala!" sigaw ko na dahil talagang sumasakit ang aking ulo sa aking naalala.

Natigilan siya, may pagtataka sa kaniyang mukha. "A-Anong nangyari... sa iyo?" putol na tanong niya.

Naikuyom ko ang aking mga kamao, humugot ng isang malalim na hininga at malamig na tinitigan ang babae. "Wala... wala 'yon! Hindi ko na maaaring alalahanin pa iyon." malamig kong saad sa kaniya.

"Pero iniligtas mo ako noon," giit niya.

"Pinatay mo sila!" ganti ko sa kaniya. Bumigat na naman ang aking dibdib sa nakaraan na iyon.

Huminga ito ng malalim bago ito umalis sa aking harapan at umakyat sa pangalawang palapag. Napaupo ako sa sobrang bigat ng aking dibdib. Napatakip ako sa aking tainga at napapikit.

"H-Hindi... tama lang ang pangyayaring iyon," sambit ko.

Nang mahimasmasan ay doon lamang ako nabalik sa tamang wisyo. Naalala ko ang niluluto kong isda kaya mabilis ko iyon dinaluhan. Nasunog na pala kaya tinanggal ko na lang at nagluto ng panibago.

Iwinaksi ko ang lahat ng nasa aking isipan. Hindi na rin naman bumaba ang babae na iyon kaya naging panatag akong mag-isa. Kumain na rin ako at hinugasahan ang mga ginamit ko bago lumabas ng bahay.

Umupo ako sa may isang bato, tanaw ang mga batang naglalaro. Naalala ko noong bata ako, nagbebenta at hindi man lang ako makapaglaro ng maayos kasama ang mga bata sa amin. Hindi ko naranasan ang bagong gamit at sa pag-aaral, hindi man lang ako binibigyan ng papuri ng aking mga magulang.

Magulang? Inilabas ko ang aking wallet at kinuha roon ang kanilang munting larawan. Pinakatitigan ko iyon at may isang bahid ng luha ang tumulo sa aking mga mata. Ang hirap, sobrang hirap mabuhay ng walang magulang sa tabi ko. Walang mag-aalaga tuwing magkakasakit ako at lalong walang mag-aaruga sa akin papunta sa tamang direksyon kasi iniwan na nila ako ng maaga.

Ang bigat sa dibdib na hindi man lang nabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng aking magulang. Wala man lang inilabas na salita ang mga Pulis. Paano naman kasi, baluktot ang sistema ng hustisya sa Pilipinas.

"Balang araw... uuwi ako sa atin, para ibigay ang hustisyang nararapat sa inyong pagkamatay." bulong ko sa hangin.  "Ang kawalan ng hustisya ay balang araw makakamit niyo rin, Nay, Tay, pangako."




To be continued...

Defiant Youth Series # 12: Unwanted Justice (COMPLETED)Where stories live. Discover now