Chapter 2: Eskwelahan

239 18 0
                                    

Flashback...

Laxxus POV

NASA paaralan ako ngayon, nakikinig sa bawat diskusyon ng aming guro. Tumingin ako sa apat na sulok ng silid aralan, ang iba kong kaklase ay may kaniya-kaniyang ginagawa. Walang pakialam sa mga sinasabi ng guro.

Tumingin ang guro sa akin at tinawag ako. Natigilan ang mga kaklase ko nang pasagutin sa akin ng guro ang nasa pisara. Tumayo ako ngunit rinig ko ang bawat bulungan ng mga kaklase ko.

Nilalait nila ang aking suot dahil paulit-ulit kong isinusuot iyon tuwing papasok ako. Kulang kasi ako sa uniporme kaya pinagtiya-tiyagaan ko itong isa na halos butas butas na.

"Mga bata, huwag niyong laitin si Laxxus dahil masama iyon," wika ng guro namin.

"Teacher, bakit kasi paulit-ulit ang damit niya hindi katulad sa amin na maraming damit," sambit ng kaklase kong babae.

Hindi naman ako katulad nila na marangya ang pamumuhay. Hindi ako makabili ng damit na sinusuot nila, hindi ako kasing linis nila araw-araw.

"May kaniya-kaniya tayong karangyaan, Vina. Hindi lahat ay katulad niyo na nakukuha ang kagustuhan," paliwanag ng guro kay Vina. "Laxxus, sagutin mo na iyan, hijo," wika ni Bb. Marga.

Sinagot ko ang nasa pisara. Mahirap man ako at maruming tingnan, kaya ko naman makipagsabayan kung katalinuhan ang basehan. Hindi na baleng salat ang pamumuhay basta wala akong tinatapakang tao, ayos na iyon sa akin.

"Tularan niyo si Laxxus mga bata, dapat ganito rin kayo ka-aktibo sa ating klase," pangaral ni Bb. Marga.

Bumalik ako sa aking upuan at muling nakinig sa mga pangaral ni Bb. Marga. Matapos ang ilang oras na klase ay saktong tanghalian na. Kinuha ko ang baunan ko sa aking bag. Binuksan ko iyon at inilabas ang aking pagkain na sinangag at pritong isda.

Habang kumakain, ramdam ko ang bawat titig sa akin ng mga kaklase ko maging ang pagsilay ng ngisi sa kanilang labi na tila pinagtatawanan ang pagkain ko. Napayuko na lamang ako dahil sa hiya. Hindi ko napansin na lumapit sa akin ang isa kong kaklase at umupo sa aking tapat.

"Ito o, hati tayo sa baon ko," wika niya. Ngumiwi lamang ako. "Tanggapin mo na, Laxxus." pamimilit niya.

Wala akong nagawa kung hindi ang ngumiti sa kaniya ng pilit at nahihiyang kinuha iyon sa kaniyang kamay.

"Maraming salamat,"

Ngumiti lamang siya sa akin at sabay kaming kumain ng tanghalian. Hindi ko lubos maisip na mayroon pa lang tao na hindi mapanghusga sa mas hindi nakakaangat sa kanila. Naisip ko tuloy ang iba kong mga kaklase na marahil ay ganoon ang pag-uugali dahil kulang sa aruga ng magulang.

Nang matapos ang tanghalian ay nagmadali akong umalis sa kaniyang harapan. Liliban ako sa klase para manlimos o di kaya'y magbuhat ng gulay sa palengke para may pera akong babaunin bukas. Mabilis akong lumabas sa paaralan na hindi nagpapaalam sa aking guro.

Hindi pa ako nakakalayo nang biglang may rumaragasang sasakyan ang dumaan sa aking harapan. Natumaba ako sa gilid ng kalsada at dahan-dahang tinignan ang aking binti na ngayon ay dumudugo na. Umangat ang tingin ko sa sasakyang mabilis kung magpatakbo at nakita kong nakahinto ito ngayon at nakadungaw sa aking kinaroroonan.

Ibinaba nito ang kaniyang salamin at tinitigan ako bago siya bumaba ng sasakyan at naglakad patungo sa akin.

"Nasaktan ka ba, bata?" tanong niya sa akin.

Mayaman siya base na rin sa kaniyang pananamit at suot na alahas. Hindi siya mukhang matanda dahil parang nasa bente sais anyos lamang ito kung titignan.

"A-Ayos lang po, sir," sagot ko.

Lumuhod ito sa aking harapan at kinuha ang aking binti ngunit agad ko iyong napigilan. "Huwag na po... m-masakit po kasi at kaya ko naman pong linisin," mahinang sambit ko.

Bumuntong hininga na lamang siya at may dinukot sa kaniyang bulsa. "Ito pera, bata." sabay abot niya sa pera sa akin, "Ipagamot mo iyan at pasensya na, nagmamadali lamang ako at may hinahabol na importante," paliwanag niya. Hindi ko tinanggap ang pera subalit pilit niya iyon isinuksok sa aking palad.

"H-Hindi na po, sir... pasensya na po," paumanhin ko.

Ngumiti ito sa akin, "huwag mo nang tanggihan, bata. Ang katulad mo ay dapat nasa eskwelahan lamang, siguro'y nangangailangan ka ng pera para sa iyong magiging hapunan?" patanong na saad niya.

"I-Iwan niyo na po ako, sir. Habulin niyo na po ang importanteng sinasabi niyo kanina at baka po mahuli pa ang lahat," wika ko. Ngumiti ako sa kaniya, "maraming salamat po sa perang ito, hindi na po ako magpupuntang palengke o manlilimos sa kalye para lang may pangkain at pangbaon sa araw-araw."

"Walang anuman, bata."

Umalis na ito. Naiwan lamang ako roon sa gilid ng daan habang benebendahan ang sugat sa aking binti. Nang matapos ay tinignan ko ang pera na inilapag ko sa aking bag kanina. Binilang ko iyon at higit limanlibo ang halagang iyon.

Nagpasalamat na lamang ako sa Poong Maykapal kaya agad akong bumalik sa loob ng paaralan kahit ako ay late na sa klase. Mabuti na lamang at hindi ako napagalitan kaya nakinig na lamang ako.

Todo yakap ako sa aking bag nang sumapit ang uwian. Ayaw kong may mawala roon kaya mabilis akong tumakbo pauwi sa aming bahay. Hindi alintana sa akin na ako ay pawisan basta may maibalita lamang ako sa aking Ina ngunit pag-uwi ko ay wala siya roon maging ang aking Ama.

Itinago ko na lamang ang aking bag sa aking silid at hinintay silang maka-uwi ngunit pasado alas otso na ay wala pa rin sila. Lumabas ako kahit malamig at umaambon para lamang itanong kay Aling Berna kung napansin nila ang aking magulang.

"Aling Berna, nakita niyo ba si Nanay at Tatay?" tanong ko nang makita ko siyang nagsasara sa kaniyang maliit na tindahan.

"Pasensya ka na, Laxxus ngunit hindi ko nakita ang magulang mo sa buong maghapon," sagot niya sa akin.

Bagsak ang balikat kong umalis sa tindahan ni Aling Berna. Lumakas na rin ang tila ambon lamang kanina kaya pagdating ko sa bahay ay basang-basa ako. Nagbihis ako at tinungo ang kusina. Mabuti na lamang at mayroon pang noodles at itlog roon na maari kong kainin.

Kumain ako nang mag-isa noong gabing iyon habang umuulan. Hindi ko na hinintay pa ang aking magulang at naisip kong naghanap lamang siguro ng ibang trabaho sa kabilang bayan. Nahiga na ako sa aking silid at tumingala sa kisame, ang kamay ko ay nasa aking noo.

Napaisip na naman ako. Hanggang kailan kaya magiging ganito ang buhay ko? Hanggang kailan ko kayang tiisin ang pananakit ng magulang ko? Oo at hindi pa naghihilom ang lahat ng sugat ko mula noong nakaraan at napansin iyon ni Bb. Marga kaya kinausap niya ako ngunit itinanggi kong sinasaktan ako ng aking magulang.

Bakit kasi ipinanganak akong mahirap? Hindi ko na ba mararanasan ang karangyaan? Papasukin ko na lamang ba ang ilegal na trabaho para lang kumita ng pera? Sa naisip kong mga katanungan, ni isa ay walang sagot na pwedeng mapunan.

Salat sa buhay, hindi maaaring mayaman lagi ang iyong babagsakan. Sabagay, kaya naman umangat kahit galing ka sa hirap ngunit dapat matutong lumingon sa pinanggalingan.

"Hayaan mong dumating, Laxxus, huwag mong pangarapin." bulong ko sa aking sarili bago ipikit ang aking mata't hindi namalayan ang aking pagtulog.



To be continued...

Defiant Youth Series # 12: Unwanted Justice (COMPLETED)Where stories live. Discover now