ANG COFFEE SHOP

100K 1.7K 157
                                    



Kaharap ng may-ari at ng serbidora si Sandra. Nakatitig ang mga ito sa dalagang bitbit ang papel na may nakasulat na 'Wanted Helper'. May magandang mukha, hanggang tenga ang buhok, nakasuot ng pulang bonnet, naka kulay asul na denim jacket, itim na t-shirt, itim na leggings na may nakaibabaw na medyo sira-sirang maong na short, pulang rubber shoes at nakasuot ng body bag.

"Sigurado ka bang mag-aapply ka bilang helper?" tanong ni Mr. Juancho Castro, ang may-ari na siya ring kahero ng coffee shop.

"Oho," nakangiting sagot ni Sandra.

"Marunong ka bang maghugas ng pinggan, mamalengke, magluto at maglinis?" tanong ulit ng nagdududang may-ari.

"Oho, marunong po ako."

" Bakit gusto mo ng ganitong trabaho? Ano ba ang tinapos mo?"

"High school lang po. Bata pa po kasi ako nang maulila at hindi ko po nakayanang pag-aralin ang sarili ko. Sa ngayon po ay mag-isa pa rin ako sa buhay. Kailangan ko ho ng mapagkakakitaan para kahit papaano ay may makain po ako," nagpapaawang sagot ng dalaga.

"Sige na boss tanggapin nyo na. Mag-isa na lang pala sya sa buhay. Kawawa naman. Maganda at bata pa naman baka mag-isip yan mag-apply sa mas madaling kumita ngunit masamang trabaho," biglang lambot na pahayag ng serbidora samantalang kanina lang ay pinagdududahan din ang aplikante.

"Sige tatanggapin kita pero maaring pansamantala lang. Titingnan ko muna kung papaano ka magtrabaho."

"Talaga! Naku, salamat po huwag ho kayong mag-alala masipag po akong tao!"

                                                            -----

"ANO MAGTATRABAHO KA BILANG HELPER??!!! Sandali lang Sandra. Ano bang nangyayari sayo? Nang mapunta ka ba dito sa New York ay naiwan mo sa eroplano ang utak mo?" kunsumidong bulalas ni Jessica habang kausap sa telepono ang kaibigan.

"Kailangan ko ang trabahong ito. Wala ka bang tiwala sa akin?"

"Teka nga Sandra, aminin mo nga sa akin! Ano ba talaga ang ipinunta mo dito sa New York?"

Matagal bago sumagot si Sandra. "Magsulat ."

Natigilan si Jessica. Wala sa sariling ibinaba niya ang telepono nang hindi nagpapaalam sa kausap. Hindi pa rin nagbabago ang kanyang kaibigan. Wala palang naging pagkakaiba...siya pa rin ang dating Sandra na kilala nya.

Napaisip siya nang malalim. Hindi siya mapakali sa nalaman. Pabalik-balik siyang naglakad sa kanyang opisina. Nang makitang papaakyat si Mylene, agad siyang kumalma at nagkunwaring masaya.

                                                                 -----

Maghahating gabi na ay nasa kalye pa rin si Sandra. Namasyal siya pagkagaling sa inaplayang trabaho. Naisip nyang pag-aralan ang hitsura ng lungsod sa gabi. Nais niyang makita nang malapitan ang iba't ibang kulay na ilaw na napagmamasdan nya lamang mula sa kanyang unit.

Dikit-dikit ang mga nagliliwanag na billboards. Magkakasunod ang mga clubs. Maraming naglalakad na mga magaganda at nagseseksihang mga babae mula sa mga bars at cabaret. Mayroon namang mga sopistikada at sopistikadong mga pumipila para manood ng mga pagtatanghal sa teatro.

Matapos madaanan ang mga maliliwanag na establisyemento ay napadaan naman siya sa isang madilim na pasilyo. Marumi ang lugar, may mga plastik ng basura na nagkalat sa tabi. May mga pailan-ilang natutulog na mga pulubi na nakasuot ng makakapal at marurungis na damit katabi ng mga basura. Nang malapit niya ng malampasan ang madilim na lugar ay biglang may lumapit sa kanyang dalawang lalaki.

Fast BreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon