PAIT NG PAGBAWI

86.2K 1.5K 87
                                    


Naglalakad si Sandra sa isang malawak na bukiring puno ng iba't ibang bulaklak. Nakangiti. Nakapikit. Hinahaplos ng sariwang hangin ang kanyang mukha.

Napatingala siya sa bughaw na langit. Unti-unting napalitan ng takot ang kanyang mga ngiti nang dahan-dahang nangitim ang mga ulap. Nagsimulang magdilim ang paligid. Hanggang sa may naaninag siyang isang binatang papalapit.

"Sandra! Sandra!"

Naririnig niya ang boses ni Jessica. "Tulungan mo siya Sandra! Huwag mong saktan ang lalaking iniibig ko!"pagmamakaawa nito.

Papalapit nang papalapit sa kanya ang lalaki. Inaabot nito ang isang kamay. Hanggang sa may tumulong dugo sa noo nito. Nangilabot siya sa nakita. Tumakbo. Ngunit hinabol siya ng binata.

Nadapa siya at inabutan siya ng lalaki. Inilapit nito ang duguang mukha sa kanyang. Hanggang sa naramdaman niyang pumapatak an ang dugo sa kanyang pisngi.

Nawala ang binata. Bumangon siya sa pagkakadapa. Pinahid ang dugo sa kanyang mukha. May nakita siyang isang maliwanag na lugar.

Pinuntahan niya ito at nakita dito ang isang batang umiiyak. Nag-angat ito ng mukha at umiiyak na tumitig sa kanya. Unti-unti itong nagiging kamukha ni Jessica. "Ibalik mo siya sa akin Sandra.... Ibalik mo siya..."

"AAAAAAAAAAA!!!"

Nagising si Jerome sa sigaw ng katabi at agad na napaupo. Nagulat ito nang makita ang namumutlang dalaga. Nanginginig. Tulala. Tumutulo ang luha. Butil-butil ang pawis sa noo.

"Anong nangyayari? Nanaginip ka ba Sandra?"

Hindi sumagot ang dalaga. Nanlalaki ang mga mata nito at nanginginig sa takot.
Niyakap niya ito nang mahigpit. Wala ito sa sarili. Tila hindi nararamdaman ang mga yakap niya. Tulala lamang habang tumutulo ang luha. Punung-puno ng takot ang mga mata. Paulit-ulit niya itong niyakap at hinalikan sa noo ngunit nanatili itong tahimik at nanginginig. Pinainom niya ito ng tubig ngunit pa rin natauhan ang dalaga. Hindi pa rin ito tumitingin sa kanya.

Bumangon si Sandra. Kinakagat ang mga kuko ng nanginginig na kamay. Pabalik-balik siyang naglakad sa loob ng kuwarto. Hindi niya maipaliwanag kung bakit biglang bumabalik ang dating epekto sa sarili ng masamang panaginip. Hindi siya makapagisip ng tuwid. Hindi niya makontrol ang takot. Isa lang ang paraan para makalimutan ito. Babalik siya sa dating kinagawian. Kailangan niyang magsulat!

Lumabas siya sa kuwarto. Pilit naghahanap ng anumang masusulatan. Binuksan lahat ng mga cabinet. Iniisa-isa ang mga istante. Nanlalaki ang mga mata. Natataranta. Nagmamadaling maghanap. Itinatapon ang anumang mahawakan na hindi pwedeng pagsulatan.

Biglang kinabahan si Jerome sa kakaibang ikinikilos ni Sandra. Sinusubukan niya itong pigilan at pilit pinapakalma ngunit tila hindi siya nito nakikilala. "Sandra anong nangyayari sayo?"

Hindi pa rin tumitingin sa kanya ang kausap. Patuloy lamang ito sa paghahalungkat. Nang walang anumang makita ay sinabunutan nito ang sarili.

"Kailangan kong magsulat....kailangan kong magsulat...KAILANGAN KONG MAGSULAT!!!!"

"SANDRA! SANDRA!!!!!Anong nangyayari sayo?"

Napatingin si Sandra sa sumigaw. Nanlalaki ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya. Niyuyugyog nito ang kanyang mga balikat. Si Je- jerome? Unti-unti niyang nakikilala ang binata. Kasama niya pala si Jerome.

"Je-jerome?"

"Sandra...." Niyakap siya ng mahigpit ng binata.

"Je-jerome. Na-natatakot ako."

Fast BreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon