DI LANG IKAW ANG NAHIHIRAPAN

85.8K 1.5K 121
                                    


"Kailangan lang pala ay maaksidente ka para paglaanan ka na ulit ng oras ng boyfriend mo," komento ni Vicky matapos umalis ang bumisitang nobyo ng kasamahan.

Kapapasok lang ulit ni Sandra sa trabaho. Nagpagaling muna ito ng mahigit isang linggo dahil sa naging pilay sa paa bunga ng aksidente.

"Nagsisisi na si Clark sa nangyari. Tsaka ako naman talaga ang may kasalanan dahil hindi ko iningatan ang sarili ko."

"Bakit nga ba hindi ka napuntahan agad ni Clark sa bakasyon niyo?"

"May nasunog kasi silang isang malaking warehouse."

"Hay kaya naman pala. Ang hirap pala talaga ng sitwasyon niyo. Ikaw naman kasing bata ka lagi ka na lang pabaya sa sarili. Pag ganyang alam mong walang mag-aalaga sayo dapat umiiwas ka sa mga delikadong bagay. Eh sino naman ang nagmagandang loob na tulungan ka?"

Tumahimik  si Sandra. Ilang saglit munang naghanap ng isasagot. "May napadaan na isang lalaki at nakita ako sa paanan ng bangin."

"Nininerbyos talaga ako sayong bata ka! Paano na lang kung walang nakakita sayo? Hindi ko kayang isipin ang pwedeng mangyari. Huwag ka munang magkikilos masyado ha. Ako na muna ang bahala sa mga mabibigat na trabaho."

"Wag kayong mag-alala Miss Vicky. Kaya ko na ho."

Pumasok sa kusina si Sandra upang ipagpatuloy ang naantalang trabaho nang dumating ang boyfriend. Hindi pa man siya nagtatagal dito ay muli siyang tinawag ng kasamahan.

"Sandra! Sandra! Halika dito!"

Nagmadali siyang lumabas ng kusina.Nanlalaki ang mga mata ng kasamahan habang nakatingin sa labas ng shop. "Totoo ba ang nakikita ko? Pinupuntahan na ulit tayo ni Jerome Hernandez?" ika nito habang bumaba si Jerome ng sasakyan.

Hindi siya makasagot. Maging siya man ay nagtataka sa biglaang pagpunta ng kapitbahay. Napatingin sa kanya ang kasamahan na tila pinag-aaralan ang reaksiyon niya.

"O, isipin mo ha...may boyfriend ka na!" paalala nito sa kanya.

Lumapit si Jerome sa counter at kaswal na tumingin sa kanya. Binigyan siya nito ng tipid na ngiti ng tipid. Abot-tenga naman ang ngiti ni Vicky habang hinihintay ang order ng lalaki..

"Mukhang matagal yatang hindi kayo nakapasyal dito sa amin Sir Jerome!"

"Pasensiya na Miss Vicky sobrang higpit kasi ng schedules ko nitong mga nakaraang buwan," wika ng binata nang may kakaibang tamis ang pagkakangiti.

Namula at kinilig si Vicky nang banggitin ng sikat na basketball player ang kanyang pangalan. Hindi akalaing matatandaan ito ng isang Jerome Hernandez.

"Hayaan nyo pag maluwag ang oras ko ay dadalasan ko ang pagdalaw sa inyo," nakangiting wika ng binata na halatang sinasakyan ang kakiligan ng serbidora.

Tumalon lalo ang puso ni Vicky sa narinig. "A-Anong order niyo Sir Jerome?"

"Ano bang isa-suggest mo? Ah, alam ko na bigyan mo ako ng specialty drinks nyo na ikaw mismo ang gagawa. Gusto kong malaman kong gaano ka kasarap magtimpla."

"Kayo naman Sir Jerome, sige na nga ako na ang pipili para sainyo!" malambing na sambit ni Vicky habang napapahagikhig sa kakiligan.

Nakakunot ang noo at nakahalukipkip na tinititigan ni Sandra si Jerome. Nagdududa siya sa kakaibang ikinikilos nito. Kinukutuban siya sa biglaang pagiging palakaibigan nito kay Miss Vicky. Napatingin ulit sa kanya si Jerome ngunit parang balewala lamang sa binata ang mga mapanghusgang titig niya sa halip ay kaswal lang ulit itong ngumiti sa kanya. Nag-atubili siyang bumalik ng kusina. Gusto niyang pakiramdaman ang galaw ng lalaki. Nanatiling nakatayo lamang ito sa counter at patuloy na nakikipagkuwentuhan sa kasamahan habang hinihintay ang order. 

Fast BreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon