07

139 8 5
                                    

Minsan, naiisip ko rin kung ano ba ang mga nagawa kong kasalanan… kung bakit ito nangyayari sa akin. Kung bakit hindi ko maintindihan ang mga nangyayari. Napunta ba ako sa isang lugar at hindi nakapagtabi-tabi po? Pero sabi niya, hindi naman daw siya maligno o engkanto.

Hindi ko na alam kung anong paniniwalaan ko. Nangyari lang naman ang lahat ng kababalaghang ito simula nang magpakita siya sa akin… nang kausapin niya ako.

“Bumalik na sana sa normal ang buhay ko,” mahinang sambit ko habang nakatingin sa altar ng simbahang ito. Kanina pa ako nandito sa loob ng simbahan, nakaupo at nagpapalipas ng oras. Maaga pa kaya kakaunti ang tao. Hindi pa nga 7AM. Aalis din ako kapag 7:30AM na kasi may trabaho pa ako.

Napalingon ako sa bagong dating na babae. Nakapencil skirt siyang kulay itim at kulay pulang long sleeves. Nakabukas ang unang botones para hindi siya masakal. Ang sexy niya ring tingnan sa 4 inches heels niyang pula. Ang puti niya at ang haba ng itim niyang buhok. Hindi lang naman ako ang napapatingin sa kanya--pati na rin iyong ibang matatanda rito.

“Hi,” bati niya sa akin nang mapansin niyang nakatingin ako sa kanya. Umupo siya sa tabi ko at saka tumulala sa altar. Then nag-sign of the cross at pumikit. Mukhang nagdarasal siya habang nakapikit.

Yumuko na lang ako at saka tiningnan ang wrist watch ko. Ang tagal pa. Ayokong dumating na maaga roon kasi ayoko munang makasalamuha si Sir Alon. Galit siya sa akin… ayoko sa taong galit sa akin.

“I can do this,” bulong ng katabi kaya napaangat ang tingin ko sa kanya. Nilingon niya rin ako tapos ngumiti nang matamis. “Sorry. I’m just nervous,” aniya na bahagya kong tinanguan. Muli kong binalik ang tingin sa wrist watch ko. “First job interview ko kasi ngayon. They said that red is a color of luck. So sana matanggap ako.”

“Kaya mo ‘yan. Maging totoo ka lang sa lahat ng sagot mo,” sagot ko kasi iyon din ang ginawa ko noong first job interview ko. Kaya nga tawa nang tawa noon si Sir Alon. Parang tuwang-tuwa pa siya sa akin. Pero ngayon, galit na siya.

“Thank you. Pero syempre, ang iba, gusto rin na binobola ang kompanya nila kahit experience lang din ang hanap ko,” sagot niya.

Tumango ako, “sabihin mo rin iyan.”

Bumungisngis ka, “I’ll do that. Tsaka big company rin kasi ito. Mas maganda na doon ang first experience ko.”

“Sige, goodluck,” paalam ko. Nagthank you pa siya bago ako tuluyang umalis. Napatingala ako sa kalangitan nang makalabas ako sa simbahan. Maaliwalas ang langit. Magaan ang loob ko kasi hindi uulan. Walang mangyayaring kakaiba.

Huminga ako nang malalim bago nagsimulang maglakad papunta sa sakayan ng jeep kaso hindi pa ako nakakailang hakbang nang may mabanggaan akong isang matandang babae. Nahulog iyong hawak niyang mga tindang kandila.

“Sorry po,” wika ko at saka siya tinulungang pulutin iyong mga kandila. Buti at hindi naman naputol ang mga ito. Kung nagkataon, bayaran ko pa ‘to. Nagulat ako nang bigla niyang hinawakan ang palapulsuhan kong may mga sugat pa. Hindi pa ito magaling kaya napangiwi ako at napatingin sa kanya. Ang higpit ng hawak niya.

“Lumayo ka sa kanya. Gagamitin ka lamang niya,” mahinang wika niya kaya nangunot ang noo ko habang nanlalaki ang mga mata. “M-mag-iingat ka,” dugtong niya na parang biglang kinabahan tapos nagmadali na siyang maglakad papalayo sa akin dala ang mga kandila niya.

Hindi kaagad ako nakatayo dahil hindi matanggal ang mga tingin ko sa matanda. Minsan talaga, weird na silang kumilos. Maraming ganito sa palibot ng simbahang ito. Pero ngayon, iba ang dating sa akin ng mga sinabi niya lalo pa’t nitong mga nakaraan lang ay may mga kababalaghang nangyayari sa akin.

Curse Of The Rain (COMPLETED)Where stories live. Discover now