84

80 4 4
                                    

Ang daming tanong na hindi nasagot, ang daming muntik ng masagot, ang daming nangyari... ang daming pahirap. Kung pagkakamali ang isumpa si Bughaw, tinatanggap ko ang sumpang binigay sa akin. Sabay kaming magdusa sa kasalanang siya lang naman ang gumawa.

Pero hindi ko hahayaang mabuhay akong nagdurusa. Buhay ako tulad ng mga tao. At tulad nila, may habang-buhay pa ako para maging masaya at gawin ang mga bagay na gusto ko. Iiwan ko lahat ng may kinalaman sa kanya... Lulubayan ko ang mga Acosta, lulubayan ko ang espiritu ng hangin.

Napatigil ako sa pagbabasa nang may humawak sa ilong ko gamit ang tissue tapos iniwan niya itong nakadikit sa ilong ko. Kinuha ko ang tissue tapos nakita ko rin si Luningning na nakatingin sa akin. "Pahinga ka rin 'pag may time," naka-pokerface na sabi niya.

"Walang time," sabay lamukos ko sa tissue at tinapon ko ito sa basurahan. Kumuha ako ng bagong tissue at pinunasan ang dugo sa ilong ko. Ilang beses naman na 'tong nangyari sa akin, 'yong nanonosebleed ako dahil sa puyat at kulang sa tubig. Mas gusto ko kasing gawing busy ang sarili ko kaysa bangungutin ng nangyari noon. Ayokong isipin ang mga iyon. Magpapakasubsob na lang ako sa pag-aaral at pagtatrabaho.

"Then find time," sabi ni Luningning sabay sara sa libro ko pero pinigilan ko siya. "Sige na, sa Sunday. Date naman tayo."

"Ayokong uminom." Iyon din naman kasi ang gusto nilang gawin ni Ligaya. Sobra na ako sa kape--ayokong masobrahan sa alak.

"Ulan, seriously, ano ba talaga ang nangyari? Bigla ka na lang nagbago."

Tinuro ko ang libro ko habang walang emosyong nakatingin sa kanya, "kailangan kong mag-aral. Nakakaistorbo ka na."

Kita ko ang gigil sa mga mata niya at kung paano siya magpigil ng inis sa akin. Iniiwasan ko lang naman sila kasi minsan, ang kulit nila. Tinatanong nila ako kung anong problema ko samantalang ayokong sabihin iyon. Hindi ba nila nararamdaman na hindi ako komportable? Na ayoko nga! Bakit ba ang kulit nila?

"Iwasan mo ang kakakape at kakapuyat mo. Low blood ka na. Baka matuyuan ka ng utak. Concern lang naman kami sa 'yo," mahinang sabi niya na puno ng hinanakit sabay lakad palayo sa akin. Napayuko ako at napahilot sa sintido.

Kailangan kong mag-aral.

Kapag kakaunti ang ginagawa sa office, sinisingit ko ang pag-aaral ko. Kaya ko naman kung walang mang-iistorbo.

Saktong 4PM ay lumabas na ako ng office. Nakatitig ako ngayon sa pinto ng elevator kasi nakikita ko roon ang sarili ko. Totoo nga ang sabi nila... nagbago na ako physically, emotionally and mentally. Pero ako pa rin naman si Ulan.

Nangingitim lang ang paligid ng mga mata ko dahil sa puyat. Namumutla na rin ang kulay ko. Madalas na akong naka-long sleeves dito sa office at hindi na rin ako palasoot ng skirt. Hindi na ako komportable roon kaya palagi na akong naka-pants.

Medyo nagulat ako nang bumukas ang pinto tapos bumungad sa akin si Asul na medyo nanlalaki ang mga mata pero ilang saglit lang din ay ngumiti siya nang malawak tapos pumasok na. Tumabi pa siya sa akin.

"Hay salamat, uwian time," ngiting-ngiting sabi niya sabay tingin sa reflection ko pero nakatingin lang din ako sa kanya. Palagi talaga siyang masaya--o baka nagpapanggap. "May bagong bukas na arcades na malapit lang. Baka gusto mong sumama?" Hindi ako sumagot. Alam naman nilang no ang sagot ko palagi. "Sabi ko nga," natatawang sabi niya tapos may kinuha siyang phone at kinalikot iyon.

Humigpit din ang yakap ko sa mga libro ko lalo na nang may pumasok na tatlong lalaki. Mukha naman silang desente at kaedad namin... pero hindi ako komportable.

Umatras ako, siniksik ang sarili sa gilid tapos lumapit pa rin sa akin si Asul. "Tiningnan mo. Maganda ba?" Pinapakita niya sa akin ang mga edited pictures na ginawa niya. Mukhang mga book cover iyon kasi may title na nakalagay. "Ginagawan ko ng book cover si Luningning kasi mahilig pala siyang magsulat tapos published author na pala siya. Ako kasi, mahilig mag-edit. Alam mo 'yon, kulay-kulay para masaya ang buhay. Favorite ko ang Asul. Kapangalan ko pa." Tumawa siya kahit walang nakakatawa. "Lalo na 'yong bughaw na kalangitan."

Curse Of The Rain (COMPLETED)Where stories live. Discover now