Isla

283 13 1
                                    

ISLA

"Kung kuntento ka na sa kung ano'ng mayroon ka ngayon, bakit ka pa nagsisikap mabuhay? Bakit ka pa nagtatrabaho? Bakit ka pa nag-aaral?"

TANONG IYON ng professor ko kanina sa isang kaklase na ang sagot sa recitation ay kuntento na raw siya sa kung ano'ng mayroon siya. Hindi para sa akin ang tanong pero ako yata ang pinakanadala roon. Habang iniisip ko kasi 'yon, may isang taong tumatakbo sa isipan ko.

Humalakhak si Nora nang pagkatapos kaming i-dismiss ng professor, pinasok ko agad ang aking mga gamit sa bag. Dahan-dahan ang kilos niya samantalang ako'y parang may hinahabol na oras dahil sa pagmamadali.

Hmm, totoo namang may hinahabol akong oras! Kailangan maunahan ko siyang dumating!

"Mauna na ako," paalam ko habang inaayos ang pagkakalingkis ng bag sa balikat. "Bukas na lang ulit!"

Tumawa na naman si Nora at bago pa ako makalayo, bigla siyang sumigaw na halos ikalubog ko sa lupa. "Sige, good luck sa panliligaw mo!"

Napuno ng tawanan ang buong classroom kaya mas binilisan ko pa ang paghakbang palabas.

Hindi malaki ang unibersidad dito sa Elena dahil kaunti lang ang offer na course. Gusto ko nga sanang mag-take ng business management ngunit walang gano'n dito kaya education na lang ang kinuha ko.

At dahil maliit nga ang unibersidad na ito, hindi mahirap sa 'kin ang makalabas agad.

Sa tapat ng eskuwelahan, naghihintay roon ang mga tricycle na pinipilahan ng mga estudyante. Ayaw kong pumila dahil nagmamadali ako kaya kailangan kong gawin ang dating gawi.

"Pst! Pogi!" tawag ko sa estudyanteng dapat ay sasakay na sa tricycle. Natigilan siya nang mapagtantong sa kanya ako nakatingin at siya ang tinutukoy ko. "Saan ka bababa?"

"S-Sa bayan.." nag-aalangan niyang sagot.

Ngumuso ako nang mapagtantong hindi madadaanan ang pupuntahan ko. Kapos 'yon, pero dahil desperado akong umuwi...

"Puwedeng makisabay? Kailangan ko na kasi talagang umuwi. Pagagalitan na ako ng nanay ko."

Kumunot ang noo niya. "S-Sa bayan ka rin ba bababa?"

"Hindi, pero sasabay pa rin ako. Sige na, please?"

"Hoy, ano ba?!" sigaw ng tricycle driver sa aming dalawa. "Sasakay ba kayo o hindi? Istorbo kayo sa pila!"

"O-Opo, sasakay na po! T-Tara na, miss." Pinauna niya akong sumakay kaya ngumisi ako at nagmadaling pumasok sa loob. Sumunod naman agad siya sa akin.

"Pasensya na, manong!" pasigaw kong sambit kay manong driver habang nasa byahe. Masyado kasing malakas ang tunog ng makina ng tricycle niya kaya kailangan kong sumigaw. "Huwag nang mainit ang ulo. Nakasisira ng araw 'yan!"

Umiling lang ang driver at hindi na nag-abalang patulan ang mga sinabi ko. Sunod ko namang binalingan ay ang katabi kong lalaki. Nakatingin siya sa akin na para bang isa akong math problem na kailangan niyang i-solve.

"Saan ka ba nakatira?" tanong niya nang hindi na mapigilan. Alam kong 'yon ang tumatakbo sa isipan niya kanina pa dahil halatang-halata sa mga mata niya.

"Sa bahay ng mga Montalvo. Kilala mo 'yon?" walang pag-aalinlangan kong sagot. Ayos lang naman na malaman niya kung saan ako pupunta dahil kung kilala niya 'yon, alam ko na agad kung ano ang magiging reaksyon niya.

Unti-unting nanlaki ang mga mata niya, gaya ng inasahan. "K-Kina Captain Thomas Montalvo ka nakatira?"

Ngumisi ako, proud na proud. "Yes! Doon nga!"

Tango's UniformTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon