Right & Wrong

91 8 1
                                    

ANGELO

MALAKAS ANG halakhak ni Major Cacho pagkatapos kong magsalita. Nasa dulo na ng dila ko ang sawayin siya ngunit mas pinili ko na lang manahimik at umiling. Kinuha ko ang isang baso ng alak at agad itong ininom.

Hindi ko siya masisisi dahil nakatatawa nga naman ang sitwasyon ko. Kung titingnan, parang mga eksena sa pelikula at nobela ang mga pangyayari. May dalawang taong kailangan ikasal dahil sa kagustuhan ng mga magulang. Masarap tawanan pero hindi ko magawa.

"Sabi ko na nga ba! Sabi ko na nga ba!" paulit-ulit na sinasabi ni Major Cacho habang pinaglalaruan ang yelo sa basong hawak niya. Hindi tulad ko, maingat at dahan-dahan niyang ininom ang alak doon. "Ramdam ko na, eh. Ayaw mo kasing maniwala sa akin."

Hindi ako nagsalita. Sapat na siguro ang paraan ng pagkuwento ko kanina para maintindihan niya na dismayado ako sa lahat ng ito.

"Pinapunta mo ba ako rito para alukin ako na mag-ninong sa kasal mo?" biro niya na hindi nakatatawa.

Nagsimula na ang break ko. Ngunit bago ako umalis, hinanap ko muna siya para may makausap manlang ako tungkol sa nararamdaman ko. Nabigo nga lang ako dahil naging sunod-sunod ang utos sa kanya. Naging abala rin ako dahil pinamamadali sa akin ang trabaho bago ako mag-break.

Ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon na makausap siya. Nang malaman niya sa headquarters na naka-break ako, tumawag at nagtanong siya kaya pinapunta ko siya rito sa bahay.

Ngumisi siya nang walang makuhang sagot sa akin. Naglagay siya ulit ng alak sa kanyang baso bago sinandal ang likod sa upuan. "Huwag kang mag-alala. Kahit hindi mo sabihin, magni-ninong pa rin ako—"

"Ayaw kong ikasal."

Natigilan siya sa narinig. Nakatitig lang siya sa akin kaya umiwas ako ng tingin.

Ang totoo, kaya ko siya pinapunta rito para tanungin niya ako kung tama ba ang desisyon ko. Gusto kong may magtanong sa akin kung gusto ko ba ito. Wala akong ibang maisip na gagawa no'n kundi siya lang. Hindi man kami malapit na magkaibigan gaya nila ni Papa, gusto ko pa ring maniwala na kahit isa lang, may taong magsasabi sa akin na mali ang lahat ng ito.

"Kung gano'n, bakit hindi ka tumutol?"

Nag-angat ako ng tingin sa kanya nang mahimigan ang seryoso niyang boses. Nawala na ang palabiro niyang mukha ngunit hindi nawala ang ngisi sa kanyang labi, tila naghahamon.

"Tumutol ako," diretso kong sinabi. "Hindi lang ako pinayagan—"

"Dahil kailangan ka ni Savannah?"

Tumango ako. Bumuntong-hininga naman siya bago nilapag ang hawak na baso sa lamesa. Hinarap niya ako kaya umayos ako ng upo, handang makinig sa sasabihin niya.

"Ilang taon ka na ba?"

Kumunot ang noo ko. Ano'ng kinalaman ng edad ko rito?

"Matagal na tayong magkasama, Angelo." Umayos siya ng upo upang makausap ako nang maayos. "Kahit wala kang sinasabi, alam ko kung paano ka mag-isip. Alam ko kung paano ka magdesisyon. At sa maniwala ka man o hindi, lahat ng iyon ay hinangaan ko sa 'yo. Kaya lang, sumablay ka sa isa."

Nanatiling seryoso ang tingin ko sa kanya. Malayo na ang tingin niya ngayon. Nakatingala siya upang pagmasdan ang kulay kahel na langit.

"Hindi ko maintindihan kung bakit hanggang ngayon, hindi mo pa rin kilala ang sarili mo. Bakit hanggang ngayon, hindi malinaw sa 'yo ang totoong nararamdaman mo." Ngumiti siya at umiling, tila natatawa na nalulungkot. "O baka naman malinaw talaga, ayaw mo lang maniwala."

Natulala ako sa kanya. Marami akong hindi naunawaan pero nakaramdam ako ng sari-saring emosyon doon. Hindi man siya maabot ng pang-unawa ko, naiintindihan naman ito ng puso ko.

Tango's UniformTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon