Eyes

92 6 1
                                    

ISLA

"Saan sila nagpunta pagkatapos kumain dito?" sabik kong tanong kay Ate Maria lunes ng madaling araw.

"Aba, malay ko, Isla! Ano'ng gusto mong gawin ko? Pati 'yon tanungin ko? Basta ang alam ko lang ay umalis sila."

"Eh kahapon? Linggo 'yon kaya walang pasok si Sir Angelo. Bakit siya umalis kahapon?"

"Hindi ko rin alam! Hay, naku! Tumigil ka na nga riyan kay Sir Angelo. Ang aga-aga, siya ang pinag-uusapan natin!"

TINALIKURAN AKO ni Ate Maria upang ituon ang atensyon sa pag-aayos ng sarili sa harap ng salamin. Gusto ko pa sanang magtanong ngunit nagbanta na ang mga mata niya. Ngumuso at tumahimik na lang ako.

Tuwing lunes, alas kuwatro pa lang ng madaling araw ay nandito na ako sa bahay ng mga Montalvo. Kaming dalawa ni Ate Maria ang in-assign ni Nana Myrna sa paglilinis, paglalaba, at kung anu-ano pang leg work na hindi niya kayang gawin. Kaya naman, pinipili kong pumasok nang maaga dahil mamayang alas otso'y papasok na ako sa school at hindi na makatutulong sa kanila.

Ito rin ang libreng oras para makapagkuwentuhan kami. Noong sabado at linggo kasi, hindi niya masyadong nasasagot ang tawag ko kaya hindi ko ma-monitor si Sir Angelo. Bukod sa may trabaho siya, may school project akong ginawa no'ng sabado, at abala ako sa pag-aalaga kay Mama.

"Ah, nga pala!" biglang sambit ni Ate Maria sabay tingin sa akin mula sa salamin. "Alam mo ba, no'ng sabado, umuwi si Sir Angelo na parang galit."

Kumunot ang noo ko. "Galit? Baka naman akala mo lang galit siya. Palagi namang mukhang galit 'yon..."

Bahagya siyang natawa. Pinlantsa niya muna ng palad ang buhok upang bumaba ang mga tikwas bago tinalikuran ang salamin upang balingan ako.

"Oo nga, pero iba no'ng sabado! Binati namin siya ni Nana Myrna pagdating pero hindi niya kami pinansin! Okay lang sana kung ako, pero si Nana Myrna? Alam mo namang close sila, 'di ba?"

Si Nana Myrna, hindi papansinin ni Sir Angelo? Imposible nga 'yon. Sa aming lahat, si Nana Myrna lang ang close ni Sir Angelo. Kung ituring siya ng mga Montalvo, parang kasama na siya sa pamilya.

Kung gano'n nga ang ginawa ni Sir Angelo, ibig sabihin mainit nga ang ulo nito. Pero bakit kaya? Si Savannah lang naman ang kasama niya noong weekends. Dapat nga good mood siya, 'di ba?

"Alam mo, tingin ko nag-away sila ni Ma'am Savannah!" hula ni Ate Maria. "Kaya siguro 'yon galit noong umuwi kasi nag-away sila habang nasa byahe."

Nag-away? Bakit kaya? Kung totoo man ang sinabi ni Ate Maria, sana magkaayos na sila. Ayaw kong nakikitang galit o malungkot si Sir Angelo.

Natigilan kami ni Ate Maria nang biglang bumukas ang pinto ng maids quarter. Sumilip mula roon si Nana Myrna na kanina pa nakaayos at nag-aasikaso sa kusina.

"Ano pa'ng ginagawa n'yo riyan? Gising na si Sir Thomas kaya tulungan n'yo na ako roon!"

Nataranta kami ni Ate Maria kaya agad kaming lumabas ng kuwarto at sumama kay Nana Myrna. Natataranta kami parehas pero magkaiba kami ng dahilan. Siya, natataranta dahil huli na kami kumilos. Ako, natataranta dahil makikita ko na naman si Sir Angelo.

"Oh, Isla, ilagay mo na itong mga plato roon. Hindi pa bumababa sina Sir Angelo at Ma'am Eliana kaya bilisan mo. Ikaw naman, Maria, tulungan mo akong isalin ang mga ulam at kanin sa platter."

Iyon nga ang ginawa namin ni Ate Maria. Habang abala sila sa mga pagkain, ako naman ang kumuha ng mga pinggan at kubyertos upang ilagay sa lamesa.

Sa kaba, kinailangan ko pang sumilip muna bago lumabas ng kusina. Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Parang gusto ko siyang makita na ayaw. Gusto ko siyang makita dahil dalawang araw ko siyang hindi nakita, pero ayaw ko rin dahil naiisip ko na magkasama silang dalawa ni Savannah noong mga panahong 'yon.

Tango's UniformTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon