Chance

89 9 5
                                    

ISLA

HINDI AKO makatulog. Napagod ako sa trabaho buong araw kaya inasahan ko na sa paghiga, makatutulog agad ako. Ngunit hindi.

Paano ako makatutulog kung sa bawat pikit, nakikita ko ang mukha ni Sir Angelo?

Alam ko na noon na talagang malamig siyang makitungo sa akin, pero hindi ko alam na may mas ilalamig pa pala 'yon. At ngayong gabi, damang-dama ko 'yon.

Bakit kaya? Nag-away kaya sila ni Savannah? Mukhang imposible dahil sa tuwing magkasama sila, mukhang wala naman silang problema.

"Isla, matulog ka na.." boses ni Ate Maria mula sa tabi ko habang pikit ang isang mata. Mukhang naistorbo ko yata siya. "Ako ang hindi makatulog dahil sa mga buntong-hininga mo, eh."

Tumitig ako sa kanya at ngumiti. "Sorry po. Opo, matutulog na."

Pinilit kong matulog sa gabing iyon kahit ang hirap. At kahit puyat, nagawa ko pa ring pumasok nang maaga kinabukasan.

Kunot ang noo habang nakahalukipkip si Nora nang pumasok sa classroom. Hindi ko na sana papansinin ang hindi niya yata magandang gising ngunit pabagsak siyang umupo sa kanyang upuan at humarap sa akin.

"So, ano ang papel mo sa engagement party ng lalaking pinakamamahal mo?"

Ako naman ang kumunot ang noo dahil naguluhan sa sinabi niya. Anong engagement party?

Mukhang nakuha niya ang lito sa mukha ko kaya agad niyang binuksan ang bag at nilabas mula roon ang isang mamahaling sobre. Padabog niyang nilapag 'yon sa desk ko kaya napatitig ako roon.

Nang mabasa ang pangalan nina Savannah at Sir Angelo, agad kong kinuha ang sobre at nilabas ang sulat. Napalunok ako nang unti-unting mabasa ang imbitasyon para sa pamilya ni Nora.

"Sabihin mo sa akin kung ano ang magiging papel mo para magkaroon ako ng rason sumama sa party na 'yan. Ano? Bisita ka rin ba o pagsisilbihan mo ang mga bisita?"

Maingat kong binigay kay Nora ang sobre at tipid na ngumiti sa kanya. "Ano ba'ng pinagsasasabi mo? Syempre pagsisilbihan ko ang mga bisita sa gabing 'yan."

Hindi ko alam na may engagement party pa palang kailangan mangyari bago ang kasal nila. At bakit hindi ko alam ito gayong nasa puder ako ng mga Montalvo? Naiintindihan kong sa katapusan pa ng buwan mangyayari ang party, ayon sa imbitasyon, ngunit hindi ba dapat pinaghahandaan na ito ni Nana Myrna ngayon pa lang?

"Pwes, pupunta ako sa party."

Bahagya akong natawa. "Bakit? Balak mo bang hindi pumunta?"

Siguradong magarbo ang party na 'yon kaya imbitado ang pamilya ni Nora. At mahilig sa party ang kaibigan ko kaya nakapagtataka na sa tono ng boses niya, parang sumagi sa isip niya ang hindi pagdalo.

"Oo. Kung bisita ka rin, hindi ako pupunta kasi pipilitin kitang huwag pumunta. Pero dahil magtatrabaho ka sa gabing 'yan, pupunta na lang ako para masiguro kong hindi ka hahagugol kapag nakita mo silang dalawa."

Gustong kong matawa roon. Hahagulgol? Ano'ng karapatan ko? At bakit ko naman gagawin 'yon? Hindi ko naman pag-aari si Sir Angelo. At isa pa, tama na ang isang beses na umiyak ako dahil sa kanya. Hindi naman dapat iniiyakan nang maraming beses ang isang taong hindi naman naging sa 'yo.

"Tss." Umirap si Nora sa sobre at padabog na pinasok iyon sa kanyang bag. "May pa-ganito pa silang nalalaman eh hindi naman sila nagmamahalan!"

Pumikit ako nang mariin, hindi na kinaya ang kanyang mga sinabi.

Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ganito siya umasta. Hindi ko maintindihan kung bakit kahit ako ang may nararamdaman para kay Sir Angelo, siya ang pinakaapektado.

Tango's UniformTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon