Avoid

117 9 7
                                    

ISLA

TAHIMIK KAMI ni Sir Angelo buong byahe. Wala akong lakas ng loob kausapin siya dahil bukod sa hindi maganda ang mood niya, nahihiya pa ako sa kanya.

Ilang araw na ang nakalipas simula noong nag-usap kami tungkol sa paghatid sa akin ni Yohan. Bumagabag talaga sa isip ko 'yon dahil huli na nang mapagtanto na nakakahiya pala ang mga sinabi ko!

"Uy, nakita ko kayo kanina ni Sir Angelo sa kusina! Bakit hawak mo ang kamay niya?" pang-aasar ni Ate Maria pagpasok namin sa maid's quarter.

Yumuko ako. "Wala. Nagpaliwanag lang ako kasi mukhang galit si Sir Angelo."

"Galit? Bakit, ano na naman ang ginawa mo?"

"Ginabi kasi ako ng uwi. Tapos nalaman pa niya na hinatid ako ng kaklase ko. Mukhang nagalit yata siya dahil siguro iniisip niya na... gumala ako?"

Kumunot ang noo ko habang iniisip iyon. Sa totoo lang, hula ko lang 'yon. Hindi ko talaga alam kung bakit nagalit si Sir Angelo. Pero wala naman akong ibang naiisip na dahilan kundi 'yon lang. Iniisip ko na iniisip ni Sir Angelo na gumala ako kasama ang mga kaklase.

"Nagalit siya kasi gumala ka?" natatawang tanong niya. "Kung gagala ka, huwag kang magpapahuli. At isa pa—"

"Hindi naman ako gumala!" depensa ko. "Na-traffic lang talaga kami ni Yohan sa bya—"

"Ano?!" Nanlalaki ang mga mata niya sa gulat nang balingan ako. "Hinatid ka ulit no'ng manliligaw mo?"

Pumikit ako nang mariin, naiinis nang talaga dahil paulit-ulit na lang siya sa paratang na hindi naman totoo.

"Hindi ko nga po manliligaw—"

"Sandali!" Tinigil ni Ate Maria ang pag-aayos sa mga damit upang harapin ako nang maayos. Kinagulat ko 'yon, lalong-lalo na nang makita sa mga mata niya na tila may napagtanto siyang hindi ko malaman. "Sinabi mo na nagpaliwanag ka kay Sir Angelo kung bakit ka ginabi, 'di ba? Bakit? Ano ba'ng tinanong niya sa 'yo?"

Tinagilid ko ang aking ulo nang maguluhan sa mga sinabi niya. Ano ba'ng iniisip niya?

"Tinanong niya ako kung bakit ngayon lang daw ako. Nabanggit ko kasi sa kanya na kanina pa tapos ang klase ko. Tapos sinabi ko rin na na-traffic kami ni Yohan—"

"Tapos nagalit siya?"

"Oo.." nag-aalangan kong sagot dahil nalilito ako kung para saan niya tinatanong ang bagay na 'yon.

Unti-unting umangat ang gilid ng kanyang labi habang malisyosang tumitig sa akin.

"Baka nagselos 'yon, Isla!" pang-aasar niya na labis kong kinagulat. "'Yong itsura n'yo pa naman kanina, mukha kayong magjowa na nag-aaway."

"Ate Maria!" sigaw ko upang takpan ang ingay ng halakhak niya. "A-Ano ba'ng sinasabi mo? Nakakahiya! Tumigil ka na at baka may makarinig sa 'yo!"

Hindi niya ako pinansin. Tumawa lang siya at muling tinuloy ang ginagawa.

Hindi nga lang iyon nawala sa isipan ko hanggang sa mga sumunod na araw. Sa tuwing binabalikan ko ang nangyari, unti-unti kong napagtatanto na nakakahiya pala ang mga sinabi ko! Nakakahiya pa na sinabi ko na tatanggi na ako sa susunod na mag-aya si Yohan na ihatid ako.

Bakit ko sinabi 'yon? Puwede namang hindi na kasama 'yon! Ayan tuloy, baka iniisip ni Sir Angelo na iniisip ko na nagseselos siya! Nakakahiya!

Sa sobrang kahihiyan, ginawa ko ang lahat para maiwasan siya kahit papaano. Gusto kong maramdaman niya na lahat ng ginagawa ko ay trabaho lang talaga. Walang halong kahit ano. Hindi niya dapat maisip na may iba pang kahulugan ang mga actions ko.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 29, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Tango's UniformTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon