Right Time

88 8 1
                                    

ISLA

ABALA KAMING mga kasambahay dahil sa bisita ng mga Montalvo.

Tatlo ang dumating pero isa lang ang nakilala ko. Madalas ko kasi itong makita dahil palagi nitong kasama si Sir Thomas.

Ngunit ang dalawang babaeng kasama nito, ngayon ko lang nakita.

Natutukso akong magtanong kay Nana Myrna kung sino ang mga 'yon, ngunit ayaw kong istorbohin ang ginagawa niya. Aligaga siya kaya alam kong hindi siya makakausap nang maayos.

"Ngayon ko na lang ulit nakita 'yong anak ni Colonel Monzon, ah!" pabulong na sambit ni Kuya Macario kay Nana Myrna. Wala siya dapat dito ngunit nagpresinta siyang tumulong para maghanda ng pagkain.

Napalingon ako sa kanilang dalawa. Abala si Nana Myrna sa pagtikim sa niluluto, habang si Kuya Macario nama'y naghuhugas ng mga kasangkapang nagamit.

"'Di ba nangibang bansa 'yon? Ngayon lang ba 'yon umuwi?"

Winasiwas ni Nana Myrna ang hawak na sandok sa harap ni Kuya Macario. "Hay naku, Macario! Hindi ko alam! Tumigil ka na nga sa pakikiusyoso mo!"

"Kuryoso lang naman, eh." Ngumuso si Kuya Macario habang isa-isang sinasalansan ang mga nahugasan sa lalagyan nito. "Bata pa kasi 'yon no'ng huling pumunta rito. Naaalala ko no'n, araw-araw 'yon nandito. Ang akala ko nga magiging sila ni Sir Angelo, eh!"

Natigilan ako sa paghahanda ng mga kubyertos. Napansin 'yon ni Kuya Macario kaya agad niyang tinakpan ang bibig at umiling.

"Naku, nandito ka pala, Isla!" aniya kahit alam naman niyang kanina pa ako nandito.

Nilingon na rin ako ni Nana Myrna. Sandali kaming nagtitigan bago niya binaling muli ang atensyon kay Kuya Macario. Tinampal niya ang balikat nito kaya napabalikwas si Kuya Macario.

"Aray naman!"

"Tumigil ka na nga sa pagiging tsismoso mo!" saway ni Nana Myrna. "Kapag narinig ka nila, siguradong mapagagalitan ka ni Sir Thomas!"

Ngumisi si Kuya Macario. "Hindi 'yon! Close kaya kami ni Sir Thomas!"

Umiling na lang si Nana Myrna bago muling hinarap ang niluluto. Muli ko namang binalik ang atensyon sa pagkuha sa mga kubyertos upang maihain na sa lamesa. Kaya lang, habang ginagawa ko 'yon, hindi nawala sa isip ko ang mga sinabi ni Kuya Macario.

May hula na ako kanina kung sino ang dalawang babaeng dumating kasama ni Colonel Monzon. Malakas ang kutob ko na asawa at anak niya 'yon.

Hindi iyon nangyayari sa maraming beses na bumisita siya rito kaya gustong-gusto kong magtanong kay Nana Myrna kung ano'ng mayroon. Bakit sinama ni Colonel Monzon ang buong pamilya niya sa bahay ng mga Montalvo? Kung tungkol sa trabaho ang pag-uusapan nila, bakit kailangan kasama ang buong pamilya?

Malapit ko nang malimutan ang mga tanong na 'yon kanina ngunit dahil sa mga sinabi ni Kuya Macario, muli na naman itong naglakbay sa utak ko. Nadagdagan pa nga!

Ang anak ni Colonel Monzon at si Sir Angelo? Bakit sila pinagpapares ni Kuya Macario?

Sa lahat ng tanong sa isipan ko, iyon ang gusto kong masagot. Nasasabik akong malaman ang lahat kaya naging mapagmatiyag ako buong gabi.

Sa tuwing may inuutos si Sir Thomas kay Nana Myrna, ako ang nagpe-presinta para makalapit sa kanila. Alam kong mahahalata ni Nana Myrna ang balak ko kaya sinasakto ko ang paglapit sa tuwing may kailangan siyang gawin.

"Naubos na ang juice. Magtimpla ka ulit, Isla!" utos ni Nana Myrna pagdating sa kusina, dala ang pitsel na wala nang laman.

Tumango agad ako. "Opo. Ako na rin po ang magdadala roon. Hindi pa po kasi tapos 'yong dessert na ginagawa n'yo."

Tango's UniformTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon