Sunset

82 6 3
                                    

ISLA

NAGING MABILIS ang pagkalat ng balita sa Santa Lila tungkol sa magiging kasal ni Sir Angelo. Wala pa mang nagaganap na pormal na anunsyo, alam na ng lahat ang tungkol sa kasal dahil sa pamilyang Monzon. Mahirap din naman isikreto 'yon lalo na para sa kanila dahil kilala ang pamilya nila sa bayang ito.

Kasabay ng paglaganap ng balita, iba-iba ring reaksyon ang nakita at narinig ko mula sa mga tao kahit saan ako magpunta.

"Ayos lang! Bagay naman sila! Parehas mayaman ang pamilya."

"Oo nga! At isa pa, kahit hindi mayaman ang pamilya nila, bagay talaga sila."

"Tss. Sigurado akong arranged marriage 'yon!"

"Ha? Uso pa ba 'yon? At tingin mo talaga papayag ang binatang Montalvo? Sundalo 'yon! Hindi 'yon basta-basta mapapasunod kung ayaw niya talaga."

Isang mabigat na buntong-hininga ang pinakawalan ko dahilan upang matigil sa kuwentuhan ang mga ginang.

"Puwede pong mamaya na ang tsikahan? Bibili po ako ng gulay. Magkano itong kangkong at okra?" walang ganang tanong ko sa tindera.

Umirap siya bago nagsalita. "Bente lang."

Nagsalubong ang dalawang kilay ko. "Ang mahal naman—"

"Oh edi sa kabila ka bumili!"

Nagulat ako nang isigaw niya 'yon. Gusto ko sana siyang pagsabihan ngunit inabala na niya ang sarili sa mga kausap kanina. Palihim akong umirap bago umalis. Sana walang bumili sa mga tinda niya! Napakasungit!

Nawala lang ang iritasyon ko nang balikan ang pinag-uusapan nila. Nanatili na tuloy roon ang isipan ko.

Isang linggo na ang nakalipas simula nang kumalat ang balita tungkol sa kasal ni Sir Angelo. Nagtatalo ang iba't ibang emosyon sa akin sa tuwing naiisip ko ang tungkol doon. Mabilis na nga para sa akin ang relasyon nila, dumagdag pa itong kasal.

Ngunit habang lumilipas ang mga araw, unti-unti ko nang natatanggap ang lahat. Kung dati'y hirap pa akong unawain at tanggapin ang tungkol sa relasyon nila, ngayo'y parang nagiging madali na lang ito sa akin kapag naiisip kong nagmamahalan sila.

Gusto ko si Sir Angelo. Kahit hindi kami parehas ng nararamdaman, hangad ko ang kaligayahan para sa kanya. Gano'n naman talaga ang taong nagmamahal, 'di ba? Marunong magbigay at magpaubaya. Marunong dapat maging masaya kahit sino pa ang piliin niya.

"So, paano na? Move on ka na?" nakangising tanong ni Nora. Alam ng mga kaklase ko na gusto ko si Sir Angelo at nagtatrabaho ako sa kanila, ngunit si Nora lang ang nasasabihan ko ng detalye tungkol sa nararamdaman ko.

Ngumiti ako. "Anong move on? Hindi naman naging kami."

"Hindi nga, pero may feelings ka. Nasaktan ka pa rin." Humalumbaba siya sa kanyang desk habang nakatitig sa akin. "Sigurado ka bang hindi arranged marriage 'yon?"

Muntik na akong matawa ngunit pinigilan ko. Anong klaseng tanong 'yon?

"Hindi naman ginagawa 'yan ni Sir Angelo."

"Paano ka naman nakasisiguro? Ngayon lang naman 'to nangyari sa kanya."

Umiling pa rin ako, matindi ang paninindigan sa aking sagot. "Hindi arranged marriage 'yon. Nagmamahalan sila kaya sila ikakasal. At isa pa, matagal na silang may relasyon kaya bakit ka pa nagtataka? Saan ba patutungo ang lahat ng ito? Hindi ba't sa kasal?"

Ngumuso siya at kumunot ang noo. Inalis din niya ang tingin sa akin upang pagbigyan ang sarili mag-isip sa isang bagay na hindi naman dapat pinag-iisipan.

Tango's UniformTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon