Wedding

92 7 2
                                    

ANGELO

BAKIT KAYA kahit kontrolado natin ang mga bagay-bagay, nakagagawa pa rin tayo ng mga kilos na taliwas sa gusto nating mangyari?

Matagal ko nang sinabi at paulit-ulit pinaaalala sa sarili na wala dapat akong pakialam kay Isla. Na kung may gusto siya sa akin, ano naman? At kung wala naman siyang gusto, mas mabuti.

Pero bakit kaya kahit ilang beses kong sabihin 'yon, palagi kong nahuhuli ang sarili na tumataliwas sa gusto kong mangyari?

Kung tatanungin ako ngayon tungkol sa nararamdaman ni Isla sa akin, alam ko ang sasabihin ko. May gusto siya pero ako, wala. Iyon ang laman ng utak ko. Iyon ang sasabihin ng bibig ko dahil gano'n ang iniisip ko. Kontrolado ko ito.

Pero kahit isipin at sabihin ko 'yon, ibang-iba ito sa kilos ko. Alam ko dahil palagi kong nahuhuli ang sarili na gano'n. Wala nga akong pakialam pero bakit nararamdaman kong gusto kong makialam?

Kung may gusto siya sa akin, wala akong pakialam. At kung magkagusto siya sa iba, dapat wala rin akong pakialam. Dapat.

Lumipas na ang ilang araw pero sariwang-sariwa pa rin sa isipan ko ang nakita noong sabado. May kasama siyang lalaki sa mall. Gano'n ba ang ginagawa niya kapag wala siyang pasok? Gumagala siya kasama ang ibang lalaki? O baka gano'n na talaga ang ginagawa nya kahit mayroon siyang pasok? Bago umuwi rito, umaalis muna siya kasama ang lalaking 'yon?

Ilang araw tuloy akong walang gana sa lahat dahil lang doon. Mas lalong ayaw ko siyang makita. Ayaw ko siyang makausap. Ayaw ko siyang pansinin.

Pero...

"Isla!"

Hindi ko maipaliwanag ang kaba nang makitang muntik na siyang malaglag sa hagdan para lang habulin ako. Ilang araw kong inisip na ayaw ko siyang makita o makausap, pero dahil lang sa matinding pag-aalala, parang bulang nawala lahat iyon.

'Di bale nang mawala, basta mahawakan ko siya at masigurong hindi siya mapahamak. 'Di bale nang matibag ang tinayo kong pader, huwag lang siyang masaktan. 

Hah! Isang bagay na taliwas na naman sa gustong mangyari ng utak ko. Bakit nga kaya kahit pagmamay-ari mo parehas ang puso at utak, hindi mo ito kailanman mapagkakasundo?

Tinuon ko ang atensyon sa training. Pinilit ko talaga para mawala sa isip ko si Isla. Kung puwede lang hindi umuwi mamaya, gagawin ko para lang tuluyan siyang mawala sa isip ko.

Sa ilalim ng mainit na sikat ng araw, nilulunod kami ni Major Cacho sa mahihirap na training. Maayos na ang pakiramdam ko ngayon kaya nakahahabol na ako sa mga kasamahan ko.

"Mali! Isa pa! Ulitin n'yo ang pagtawid doon!" sigaw ni Major Cacho sa amin.

Matalahib ang piniling lugar para sa training kaya bukod sa pagod, kalaban din namin pangangati ng katawan, madulas na daan, at walang kasiguraduhan na baka may makasama kaming hayop sa gitna ng pagsasanay. Hindi rin namin kabisado ang lugar kaya nangangapa pa kami.

"Atienza, huwag mong bitbitin nang ganyan ang baril mo!" saway ni Major Cacho nang mapansin ang isa naming kasamahan na mali ang pagkakahawak sa baril. Medyo nagulat ako nang mapagtantong nakatutok ang nguso no'n sa itaas na maaari niyang ikapahamak.

"Sorry, sir. Hindi ko po napansin," ani Atienza habang hinahanap ang tamang paraan ng paghawak sa baril.

Hapon nang matapos ang training namin. Sobrang pagod ako kaya nang magkaroon ng pagkakataon magpahinga, gusto kong sulitin iyon. Hindi pa kami puwedeng bumalik sa kuwarto kaya uupo sana ako sa ilalim ng puno ngunit biglang lumapit sa akin si Atienza.

"Montalvo, tawag ka ni Major Cacho sa loob ng tent."

Napatingin tuloy ako sa tent. Bakit kaya ako gustong makausap ng komandante?

Tango's UniformTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon