Kabanata 20

168 9 0
                                    

#DSKabanata20


"LUTHER, HINDI NAMAN baldado si Claude para hindi mo na hiwalayan pa," saway ni Tita Gianna habang pinanonood si Luther na nakahawak ba sa siko ko habang pababa kami ng hagdan.

"Kaya ko naman, Luther," bulong ko sa kanya pero hindi pa rin siya nagpatinag.

"Nadapa lang naman siya. Hindi naman baldado si Claude, hijo," natatawang wika rin ni Manang Carmen na nilalapag ngayon ang almusal namin.

Tinignan ko lang siya na seryoso pa rin sa ginagawa niya. Hindi nila alam 'yung totoong ginawa ko nung isang gabi.

Hindi ako pumasok ng isang araw. Hindi ko rin hinawakan ang cellphone o kahit ano 'mang gadgets ko ng buong araw kahapon.

Nanghina ako ng sobra dahil sa ginawa ko. Hindi naman 'to 'yung unang beses na ginawa ko 'yon sa sarili ko, pero ngayon ko na lang ulit ginawa 'yon.

"The school contacted us. Mamayang gabi na pala 'yung retreat niyo. Nakapaghanda na ba kayo ng mga gamit niyo?" Tanong ni Tita Gianna.

Oo nga pala. Ngayong araw naka-schedule 'yung retreat namin. Kadalasan namang ginagawa 'to kapag graduating students. Mas napaaga lang 'yung amin dahil 'yung napiling date ng school namin dapat ay nakuha na ng iba.

Pabor din naman sa akin 'to. Kahit sa paraan lang na 'to, gusto kong makawala at makaiwas kay Jolo. Pakiramdam ko kapag nakita ko siya ulit ay baka tuluyan na akong sumuko.

"Yes, mom. I also helped Dalen in packing his stuff."

"Bakit ba laging Dalen tawag mo kay Claude, anak?" Kunot-noong usisa ni tita. Papalit-palit ang tingin niya sa aming dalawa.

Napalunok ako doon at dinaga ang dibdib ko. May napapansin kaya siya?

"Pangalan din naman niya po 'yon," balik ni Luther.

Tumango-tango naman si tita. "Well, you have a point."

"Just let the kids finish their breakfast, Gia. Baka ma-late sila sa pagpasok niyan," pigil ni Tito Philip.

Mahina akong natawa doon at tinuloy na lang din ang pagkain ko.

Mabilis naman kaming natapos at pumasok na rin. Pagdating namin sa classroom ay kaunti pa lang ang mga kaklase namin na nandoon. Maluwag na rin kasi kahit papaano ang schedule namin at kaunti na lang ang ginagawa kaya ang iba sa amin ay late na talaga pumapasok. Himala na nandoon na si Jasper pero inignora ko lang siya at dumiretso sa tabi ni Claire na tahimik na nagbabasa ng kung ano 'mang nasa cellphone niya.

"Claire," tawag ko.

Hindi naman siya naka-earphones pero para bang hindi niya narinig ang ginawa kong pagtawag sa kanya. Sinilip ko ang mukha niya at seryosong-seryoso lang siyang nakatutok ang mga mata doon.

"Ano ba 'yang binabasa mo, Claire?" Sabi ko at sinilip ang tinitignan niya pero bago ko pa 'man makita ang laman no'n ay pinatay na niya ang cellphone niya.

"Bakit ka ba nandito, Claude?!" Singhal niya.

Natigilan at natulala ako sa mukha niya dahil sa reaksyon niya. Nakakunot ang noo niya habang magkasalubong ang mga kilay niya.

"Nagtatanong lang naman ako . . ." mahinang usal ko. Nabigla ako sa reaksyon niya. Pakiramdam ko, ibang tao ang nakikita ko ngayon.

"Pumayag ba ako?!" Nanlalaki ang mga mata niya. Taas-baba din ang dibdib niya galing sa malalim niyang paghugot ng hangin.

Napalunok at napayuko ako dahil ramdam ko na ang titig ng ibang mga kaklase namin. Kinuha ko rin ang bag ko at umalis na lang sa tabi niya. Lumipat ako sa kabilang dulo para doon na lang umupo. Nilabas ko rin ang earphones ko. Nilakasan ko ang music na pinakikinggan ko at dumukdok sa mesa.

I admit. Hindi na kami gaanong nagkakausap ni Claire. Minsan ay tumatanggi pa ako kapag nagyayaya siya mag-milk tea kahit alam ko na 'yon lang ang time namin para makapag-bonding na magkaibigan. Hindi kasi siya gaano pwede lumayo sa school. Strikto ang pamilya niya at paminsan-minsan ay may nakasunod pa sa amin katulong nila.

Napapansin ko na rin noon pa, ilang araw nang makilala ko si Jolo, maikli na lang ang mga isinasagot niya sa akin. Minsan ay tango o iling lang ang sagot niya at parang hindi talaga siya interesadong kausapin ako. Dagdag pa na minsan ay nahuhuli ko siyang masama ang tingin sa aming dalawa ni Luther kapag nag-uusap kami o kaya si Jasper.

Pakiramdam ko, lahat ng tinatago niyang inis sa akin, lumabas ngayong araw.

Naramdaman kong may tumulo sa kamay ko. Kinapa ko ang mata ko at napansin na umiiyak na ako pero mabilis ko rin 'yon pinunasan dahil napansin kong may katabi na ako.

"L-Luther?" Nagtatakang ani ko. Napansin ko rin ang bag niya na nakasabit sa gilid ng mesa niya. "Magkatabi kayo ni Lucas 'di ba?"

"Dito muna ako," sagot niya at dumukdok na rin.

Natigilan ako sa isinagot niya. Sinulyapan ko si Lucas na tahimik na naglalaro sa cellphone niya habang katabi ang isang kaklase namin. Ibinalik ko ang tingin ko kay Luther at unti-unti akong napangiti. Bumalik ako sa kaninang pwesto ko at tinanggal ang isa sa earphones ko.

Nilagay ko 'yon sa tainga niya at hindi na siya muling tinignan pa.

LUMIPAS ang oras at hanggang uwian, hindi pa rin ako sinusulyapan ni Claire. Hindi ko rin siya makausap dahil noong break time naman, walang lingon siyang lumabas ng classroom. Kaya pagkalabas na pagkalabas ng huling teacher namin para sa araw na 'to, nilapitan ko na siya agad.

"Claire—"

Pero bago pa 'man ako matapos sa sasabihin ko, nilagpasan niya ako at lumabas na sa classroom. Napabuga ako ng hangin at napaiwas ng tingin sa mga kaklase namin na nakakita no'n.

"Tara na," yaya ko kay Luther.

Sabay kaming bumaba at dumiretso sa parking lot ng school. Malapit na kami sa sasakyan niya nang bigla kong gustong maihi. Nilagay ko muna ang bag ko sa passenger seat at nilingon siya.

"Wait lang, Luther. CR lang ako."

Mabilis akong umalis doon at dumaan na lang sa fire exit ng school namin para makapunta sa pinakamalapit na CR. Pumwesto na ako sa isa sa mga urinal.

Sinara ko na ang zipper ko at ang belt pagkatapos pero pagharap ko sa pinto ng CR ay nakatayo na doon si Jolo. Nakangisi sa akin habang magkakrus ang dalawang kamay sa dibdib niya.

"Tapos ka na bang taguan ako?"

Lumunok ako bago nag-iwas ng tingin.

"Hindi kita iniiwasan."

"Talaga?" Balik niya. "Sige. Hindi mo naman pala ako iniiwasan, kaya pumunta ka ulit sa pub mamaya. Kailangan kita."

Taas-noo ko siyang binalingan dahil sa sinabi niya. "Ayoko na."

Saglit akong napapitlag nang tumawa siya nang malakas. Nakahawak pa siya sa tiyan niya.

"Nagpapatawa ka ba, Claude? Alam mo naman siguro ang hawak ko?" Sarkasmong aniya. "O gusto mo nang malaman ng lahat kung gaano ka kahayok sa lalaki?"

"Alam ko," kinuyom ko ang kamao ko, "pero wala na ang pakialam. Ikalat mo, ipagsabi mo sa iba. Bahala na! Basta . . . ayoko nang maging sunud-sunuran sa'yo. Ayoko ng babuyin mo ako."

Mabilis akong lumapit sa kanya at tinabig siya sa pinto. Hindi pa 'man ako nakakalayo mula sa CR ay narinig ko ulit siyang nagsalita.

"Tignan natin kung hanggang saan ka kayang dalhin ng tapang mo."

Deafening Solitude [Defiant Youth Series #9]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon