Chapter 26

10.5K 574 1.5K
                                    

070222 #HatemateWP Chapter 26

Di ko naman maalalang inumpog ko ang sarili ko sa pagkalaki-laking bato, pero sobrang sakit ng ulo ko pagkagising. Hinagip ko ang unan sa paanan ko at tinaklob 'yon sa mukha ko nang nag-ring ang alarm ni Je. Parang bawat tunog n'un ay hampas sa likuran ng ulo ko.

Di ko rin maalalang umakyat ako ng isang daang bundok last night, kaya hindi ko maintindihan kung bakit napakabigat ng katawan ko. Napahamak ba ako kagabi at napag-trip-an ng kung sinomang mga masasamang loob kaya pakiramdam ko nabugbog ako? Shet.

Well, it's not like may naaalala akong nangyari kagabi. Ano nga ba'ng nangyari?

Tinulak ko ang kumot paalis ng katawan ko dahil sobrang init. Kung hindi lang parang dini-drill ang magkabilang sentido ko at parang bali-bali ang pakiramdam ng mga buto ko, bumangon na ako at inunahan na si Je na maligo para mawala ang mainit at pawis na feeling.

"Billie?"

Nag-hum lang ako dahil miski lalamunan ko, masakit! Pati nga labi ko, parang sinemento dahil tuyong-tuyo. Grabe, ganito ba kapag brokenhearted? Ako na nga ang na-break-an ng heart, ako pa ang magsa-suffer nang ganito? Parang ang daya naman.

Kahit na ayaw ko, inalis ni Je ang unang tinakip ko sa ulo ko. Wala naman akong lakas para higitin 'yon pabalik sa 'kin. Malamig ang pakiramdam ng kamay niya sa leeg ko. Nilipat niya 'yon sa 'king noo. "Namumutla ka," puna niya.

"Ang sakit ng ulo ko," reklamo ko. "Di ko yata kayang pumasok." Na nakaka-guilty. Kareregalo lang sa 'kin ng bagong laptop, tapos a-absent ako? Ano ba 'yan, Billie. "'Wag mong sabihan sina Mommy, a? Okay na ako bukas, promise." Hinagilap ko ulit ang unan nang buksan ni Je ang ilaw ng kuwarto. Tagos na tagos kasi sa eyelids ko at ang sakit sa mata kahit nakapikit naman.

Sinilip ko ang thermometer na bastang siningit ni Je sa kili-kili ko. Inayos ko ang pagkakalagay n'un bago rumolyo paharap sa pader na sinasandalan ng kama ko. Gusto ko pang matulog.

"Hindi ka talaga papasok, ang taas ng lagnat mo e. Kagabi pa lang, halata ko nang magkakasakit ka," sabi ni Je pagkatunog at pagkaalis niya ng thermometer. Inalis niya ulit ang unang tumatakip sa mukha ko. Ugh. "Nahihilo ka ba? Ako na lang ang magsasabi sa profs kung bakit wala ka."

"Hindi. Ang liwanag. Alis ka pati sa tabi ko, sakitin ka e."

Narinig ko siyang nagbuntonghininga. Maya-maya lang, patay na ulit ang ilaw ng kuwarto. "Maligo ka muna bago kita iwan dito," utos niya. Hinigit niya nang tuluyan ang kumot kong nasa bandang binti ko pagkatapos ko siyang ilingan. "Hindi ako papasok kapag hindi ka maliligo," aniya habang tinutupi 'yon.

Napabuntonghininga na lang ako bago iangat ang dalawang braso ko para matulungan niya akong umupo. Siyempre magi-guilty ako kung hindi siya papasok nang dahil lang sa 'kin 'no. Nandamay pa 'tong broken heart ko ng perwisyo sa iba. Di naman ako ang nagpapaaral sa kaniya.

"Anong oras ako umuwi kagabi?" tanong ko bago umupo sa monobloc sa may kusina. Ang pait-pait pa ng dila ko. At kahit gusto ko nang maligo, sa isip ko lang 'yon gusto dahil tinatamad pa ako; mas gusto kong bumalik sa tulog.

"Basta gabi na," sagot ni Je habang may nilalabas sa ref. Sinilip ko ang laman ng plastic container na nilapag niya sa harap ko. Pizza. "Walang ibang kakainin diyan, pero kailangan mo nang uminom ng gamot bago ako umalis."

"Okay," sagot ko at sumubsob sa counter. Maya-maya lang ay narinig ko na ang pag-buzz ng microwave oven.

"E paano ka mamayang lunch? Wala ka talagang kakainin diyan sa ref," rinig kong sabi ni Je. Sumunod ang tunog ng electric kettle.

"Di ko alam," sagot ko. On normal days nga ayoko nang mag-isip, siyempre lalo na ngayong ang sakit ng ulo ko dahil sa lagnat na may heartbreak kirot pang kasama. "Bahala na."

Hatemate Part Two (Lovestruck Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon