Chapter 1

60 5 3
                                    

"'NAY? NARITO na kami!" Palinga-linga ako sa loob ng kabahayan habang ipinapatong ang aking shoulder bag at ang susi ng pinto sa ibabaw ng tukador. Tahimik, madilim, at ang tanging nakasinding ilaw ay ang lampshade sa kabilang sulok ng salas, siyang ikinakunot ko ng noo.

Kami lang ni Nanay ang nakatira rito simula't sapul. Kapag siya lang ang mag-isa, kahit pa sa katirikan ng araw ay hindi niya pinapatay ang ilaw sa kusina. Lalong hindi niya papatayin ang ilaw roon gayong napakalalim na ng gabi.

Dios Mio... Iyong pakiramdam na bigla akong kinudlit ng pag-aalala, mabilisan kong binura sa isip ko; pinilig ko ang aking ulo.

Marahil ay nakatulog lang si Nanay kakahintay sa amin.

Sapat na sanang rason iyon para pumanhik sa hagdan at puntahan ang silid ni Nanay.

Pero hindi pa rin ako mapalagay. Maliit ang bahay namin; sinadya ko ring lakasan ang pagtawag sa kanya; imposibleng hindi niya ako narinig.

Mayroong pagmamadali ay hinugot ko mula sa bulsa ng suot kong skirt ang aking cell phone, saka pinagpipindot ang screen niyon habang naglalakad patungong hagdan.

"Pauwi na ako, 'nak. Pakisabi kay Cas na hintayin ako kung mauuna kayo sa bahay. Ingat kayo sa pag-uwi."

Tumindi ang kunot sa noo ko. Iyon ang huling mensaheng ipinadala ni Nanay bago niya ako tinawagan kanina; aayusin niya raw ang mga kuko ni Azon sa kamay at paa.

Narito lamang din sa bahay nakapuwesto ang parlor ni Nanay, pero minsan ay nagkakaroon ng emergency—sa kuko ni Azon, katulad ngayon. Alas onse na ng gabi. Isang oras na ang lumipas mula nang ma-recieve ko ang huling mensahe niyang iyon. Malapit lamang ang bahay ni Azon. Sa kabilang barangay lang. Dapat ay kanina pa siya nakauwi.

Lumingon ako kay Cas na nasa salas. "Upo ka muna, mahal. Silipin ko lang si Nanay sa taas."

"Go on. Take your time." Tumalima siya sa sinabi ko. Nadama ko hanggang sa aking kinatatayuan iyong bigat ng katawan niya noong tuluyan siyang makaupo. Mabigat na rin ang mga mata niya pero nakangiti pa rin naman. Ang mga iyon ang para sa akin ay asset ni Cas. Deep-set ang mga mata niya na kapag ngumiti ay lumilitaw ang mangilan-ngilang linya sa sulok ng mga iyon.

Pagod at inaantok na pero gusto niya pa ring maghintay.

Sa ganitong oras kasi ay karaniwang tulog na kaming dalawa. Iba ngayong araw dahil nagkaroon ng kaunting selebrasyon sa opisina ni Cas. Na-promote siya bilang art director. Sinundo niya ako sa trabaho at hinintay na matapos ang working hours ko para makadalo sa salo-salong iyon.

Siyempre, ako na girlfriend niya, proud at supportive; kahit mas gugustuhin kong mag-date na lang kaming dalawa ay sumama pa rin ako. Mahalagang araw iyon para kay Cas, at ayaw ko iyong sirain.

"Gusto mo bang puntahan na lang natin kila Azon?"

Hindi ko na nagawang itapak ang paa ko sa unang baitang ng hagdan.

Nakangiti si Cas.

Makahulugang ngiti.

Mayroon na talaga akong nakakapa sa aura niya na hindi ko mawari mula pa kanina. Determinado siyang makausap si Nanay. Palabas pa nga lang kami ng building matapos ang selebrasyon ay sinabi niya agad na kapag nakarating na kami sa bahay ay gisingin ko si Nanay kung sakaling tulog na—siyang hindi karaniwang makikita sa ugali niya.

Ilag si Cas kay Nanay.

"Mayroon ba akong hindi alam?" Naghurumentado na ang puso ko.

Umismid siya saka nagde-kuwatro ng upo. Ngumiti pa siyang lalo. "Wala naman."

Hindi ko naibuga ang hanging hinigop ko. Nagtaas-baba rin ang dibdib ko. Pero ngumiti pa rin ako kay Cas saka umiling na pumanhik ng hagdan, may pagmamadali.

Mantovani Maids: CaterinaWhere stories live. Discover now