Chapter 3

46 6 2
                                    

CHAPTER 3

YNA

MULA NANG GABING MAMATAY SI NANAY hanggang sa makarating ako sa istasyon ng bus, makailang ulit kong napagtagumpayan, maski paano, na hindi umiyak sa harap ng mga tao. Kahit noong mabasa ko ang nakapaskil sa windshield ng aking sasakyan papunta kay Dad sa Tarlac ay napagtagumpayan ko rin.

Pero nang makalulan ako sa bus at tuluyang makaupo, nang makalapat ang aking noo sa bintana ay nawala na ako sa sarili; doon na bumuhos ang mga luha ko.

Tinangka ko pang pigilan, pero sa huli ay sumuko rin ako. Maigi na rin marahil na umiyak ngayon para una, pagdating ko kay Dad ay wala na akong mailalabas pa; pangalawa, baka sakaling gumaan din ang bigat sa dibdib ko.

Mangyayari ang una, batid ko. Pero ang pangalawa, mukhang nagkamali ako. Lumipas kasi ang ilang saglit ay tumindi pa ang bigat sa dibdib ko. Hindi na rin tumigil ang pag-iyak ko hanggang sa dumami ang mga pasahero at umusad ang sasakyan. Nagawa ko namang itago ang mga hikbi ko. Ang hindi ko lang maitago ay iyong pagsinghot at pagsinga sa pumupuno sa ilong ko.

Wala namang maisisisi sa akin kung bakit ako ganito sa kasalukuyan. Gulong-gulo na ako at takot na takot din. Kaya nga pagkaalis ko mula sa birthday party ni Megan, kumuha lang ako ng ilang piraso ng damit sa bahay, at agad nang tumungo sa bus station. Kinita-kita ko nang masisiraan ako ng bait kung magtatagal pa ako sa bahay—nang mag-isa.

Lalo akong naluha sa naisip. Lalo ring lumakas ang pagsinghot at pagsinga ko. Pero huli na nang matukoy kong hindi nagugustuhan ng katabi ko ang ingay na aking ginagawa sanhi ng pag-iyak.

Hindi ko matukoy kung babae o lalaki ang katabi ko. Nakasubsob na kasi ang aking mukha sa hindi kalakihang bag na dala-dala ko. Ang dama ko lang ay ang presensiya niya, pati na rin ang sunod-sunod na pagbuntonghininga at pagpalatak niya.

"Sir," wika ng boses-lalaki, mukhang bata pa. Marahil ay siya ang katabi ko. "Baka puwedeng palit tayo ng puwesto? Ang ingay po kasi dito sa pinagpuwestuhan ko."

Saksakan din ng arte itong lalaking ito. Gusto ko pa sanang kontrolin ang sarili ko. Hindi ko na nagawa; dali-dali akong napalingon sa kanya.

Bata pa nga. Matanda lang siguro sa akin ng ilang taon. Matangkad. Clean cut ang gupit ng buhok. Pati mukha niya ay clean cut din—kakaahit lang. Malaki ang mga mata. Pango at malaki ang ilong.

Samakatuwid, pangit na nga ang mukha, pangit pa ang pag-uugali.

"Pasensya na, iho," sagot ng ginoong nakaupo sa kabilang upuan na katapat ng hanay ng puwesto namin. "Kasama ko kasi ang bunso ko. 'Kita mo naman at tulog na tulog ang bata at nakapatong pa ang ulo sa kandungan ko."

Pabagsak na ipinatong ng lalaking katabi ko ang ulo niya sa head rest ng upuan. Bumuntonghininga at pumalatak siyang muli, hindi lang isa kundi tatlong beses. Nang siguro ay mapansin niyang nakaharap ako sa kanya, dahil hindi rin naman ako nag-abalang iwasan siya kung sakaling humarap siya sa akin, nilingon niya ako.

Hawak-hawak ang kahuhugot ko lang na tissue mula sa kahong binili ko kanina sa istasyon, walang pakundangang suminga ako—singang malakas na bahagyang inilapit ko pa ang mukha ko sa mukha niya. Piniga-piga ko pa ang ilong ko nang maubos ang laman niyon.

Napangiwi ang lalaki, pero akmang bubuka ang bibig niya. Hindi na niya natuloy dahil sa isang kamay na tumapik sa balikat niya—kamay mula sa likurang upuan. Kamay siguro ng babae—malaking babae. Maputi kasi at makinis. Hindi rin maugat pero malaki ang palad.

Napatingala ako. Nakatayo na siya. Bumagsak naman ang baba ko, at huli na para isara kong muli ang aking bibig dahil tinapunan na niya ako ng maikling tingin.

Mantovani Maids: CaterinaDonde viven las historias. Descúbrelo ahora