PROLOGUE

39 9 0
                                    

Shifting Youth

2008

Sabay na inihulog ng batang si Jamie at Koikoy ang alay nilang bulaklak sa puting kabaong ng kanilang Lolo Primo. Nasa hukay na ito ngayon at ito na ang huling araw na makikita ng apong si Jamie ang pinaghihimlayan ng kaniyang mahal na Lolo.

"Paalam Lolo Primo. Mamimiss ko po kayo," sambit nitong nagpipigil ng kanyang luha.

Unti-unting nagkalat ang mga taong nakasuot ng puti na dumalo sa libing. Pauwi na ang ilan dito, ang pamilya naman ni Jamie ay naiiwan pa sa malaking silong na inilaan ng sementeryo.

Ang ina nito na kausap ang kanilang mga kamag-anakan. Ang ama nito na kausap ang ibang kalalakihan. Ang dalawa niyang nakatatandang kapatid na si Jasmine at Janine ay tahimik namang nagpapalinga-linga sa hindi kalayuan. Mga batang ang iba ay kapinsanan nila na naghahabulan. Mga malalapit na kaibigan ng kanyang Lolo at ng kanilang pamilya.

Narito rin ang ina ng batang si Koikoy na malapit ding kaibigan ng kanyang ama't ina. At si Koikoy na lagi nitong kasa-kasama na umiinom ngayon ng inuming sunkist sa tabi at naka-padekwatrong upo sa puting upuan.

Siya nama'y nasa harap pa rin ng puntod ng kanyang yumaong Lolo na sinementuhan na- muling nagpapaalam.

"Ang daya mo Lo. Ikaw magiging kakampi ko ang sabi mo e. Ikaw papayag sa mga gusto kong gawin na hindi pinapayagan nila Mommy at Daddy. Pero iniwan mo na ako," hinagpis ng kanyang isipan.

Malalim itong bumuntong-hininga saka naghanda sa kanyang pag-alis ngunit bago pa iyon ay narinig na niya ang sigaw ng kababatang katatapos lamang kumain.

"Hoy Jamie! Sumakay ka na raw! Maiwan ka pa d'yan!"

Siya si Koikoy, ang kababata nga ni Jamie, kaedad ngunit matanda ito sa kanya ng limang buwan. Magkaibigan ang kanilang mga magulang. Simula nang sila'y mag-aral ay hindi na sila pinaghihiwalay. Laging pinapares sa isa't-isa kung mayroong okasyon, sa eskwelahan man o sa okasyon ng pamilya.

Nagpaalam itong muli sa kanyang Lolo Primo saka sumabay kay Koikoy sa paglalakad patungo sa bus na nirentahan para sa malaking kamag-anakan ng kanilang pamilya. Dito rin nakasakay ang mga apo, gayundin ang ibang nakipaglibing na kapitbahay. Ang mga tiyuhin at tiyahin kasi nito ang nasa mga sasakyan.

Bago ito sumakay ay iniharang niya ang kanyang braso sa bukas na pinto ng bus at hinarap ang kababata. "Nanalo ako, ibigay mo na sa akin ang gusto ko," anitong napakalakas ng loob.

Napakamot sa ulo ang batang si Koikoy habang inis na tumingin kay Jaimie. "Oo na! Mamaya sa bahay!" wika nitong dismayado.

Ngumiti ang batang babae kaya naman natutuwa nitong inilahad ng malaki ang braso sa daraanan ng batang kaibigan. Pareho silang naupo sa bandang dulo. Si Koikoy na nakapuwesto sa may bintana at siya nama'y sa tabi ng lalaki. Ang kanya namang mga nakatatandang kapatid na si Jasmine at Janine ay nasa unahan ng mga ito.

Sa kanilang dalawa ay si Koikoy ang maituturing na mahina, iyon ang nakatatak sa kaisipan ng batang si Jaimie. Takot kasi ito sa kanya kung kaya't nauuto nito sa maraming bagay.

Sa paglipas ng minuto ay isinandal ni Koikoy ang kanyang ulo sa bintanang nasisinagan ngayon ng araw. Sa inis naman ng kanyang katabi ay binulyawan siya nitong iharang ang kurtina sapagkat nasisilaw din ito.

Inis namang ginawa ni Koikoy iyon ngunit nagpataklob ito sa kurtina habang nakasandal pa rin ang noo sa bintana.

"Sige ka, pag umandar itong bus mauuntog
'yang ulo mo d'yan," sambit ni Jaimie.

Back in time (On Hold)Where stories live. Discover now