Chapter 2

360 16 15
                                    

Chapter 2

Hindi pa siya nakakapasok sa tarangkahan ng kanilang bahay, rinig na rinig na ni Mia ang pagtatalak ng kaniyang ina. Mainit na naman ang ulo nito dahil wala pa siyang naibibigay na pera.

Sa susunod na linggo pa ang sweldo niya kaya wala pa rin siyang naibibigay sa ina.

Kinsenas katapusan siya sumasahod pero dahil minsan ay kailangan na kailangan talaga nila ng pera, in-a-advance niya ang sahod niya sa kaniyang manager.

“Naku, Mia! Ka-ka-advance mo sa akin. Baka wala ka na talagang swelduhin.” Iyon ang palaging naririnig niya sa kaniyang manager pero patuloy pa rin siya nitong binibigyan ng advance na sahod.

Sa tuwing maririnig iyon sa kaniyang manager, kakamot na lang sa ulo si Mia at ngingiti rito.

Gusto ko na talagang yumaman. Bakit naman kasi hindi ako pinanganak sa marangyang pamilya? Edi sana ang inaatupag ko lang ngayon ay ang pagsusulat ko.

“Ate Mia!” Sinalubong si Mia ng mahigpit na yakap ng kaniyang bunsong kapatid. Iniwanan nito ang walis tambo pati ang kalat na winawalis niya. Kinuha nito ang dala niyang supot.

Ang laman niyon ay pansit na binili niya sa kanto bago lumiko papunta sa bahay nila.

“Wow, Ate! Ang sarap naman nito.” Inaamoy-amoy muna iyon ni Bia bago dinala sa hapag-kainan nila. Sumunod siya sa kapatid para magmano sa ina dahil ang kaniyang ina ay nakaupo na roon.

“Kaawaan ka ng Diyos.”

“‘Nay, malayo pa lang ako ay naririnig ko na ang boses mo. Ano na naman ho ba ang nangyari?” pagtatanong niya sa ina.

“Paano iyang mga kapatid mo. Wala man lang ni isa sa kanila ang nagsaing. Alam naman nilang pinuntahan ko ang nagpapalabada sa akin.”

Huminga ng malalim si Mia. “Baka naman kasi may mga ginagawang importante, ‘Nay. Kumain ka na lang ho ng dala kong pansit. Ako na ang bahala sa sinaing.” Katwiran niya para sa mga kapatid.

Pero hindi naman niya alam kung mayroon ngang importanteng ginagawa ang mga ito.

Ubos ang energy ni Mia ngayon dahil sa daming bumibili sa grocery store. May break time naman sila pero inilalaan ni Mia iyon para kahit papaano ay may maisulat siya.

Ayaw niya kasing paghintayin ang tatlong readers niya dahil baka mawala pa iyon kapag matagal siyang mag-update.

Galing din siya sa isang pubhouse company. Nagbabakasakaling tanggapin ang manuscript na ipinasa niya. Ayaw niyang umasa pero lumalamang talaga ang pag-asang nararamdaman niya kaysa sa pag-o-overthink.

Pakiramdam niya kasi ay iyon na talaga ang oras na hinihintay niya. Na malapit nang magningning ang kaniyang sariling tala.

Wala namang impossible kung aasa siya. At habang umaasa siya ay dapat haluan niya rin iyon ng pagpupursige at tiwala sa sarili.

Hindi na nagsalita pa ang ina. Binigyan niya muna ito ng plato at kubyertos. Naglapag din siya sa mesa ng baso at isang pitsel ng tubig.

Para ang poproblemahin na lang ng kaniyang ina ang pagkain ng pansit at pag-inom ng tubig kapag nauhaw siya.

Nang matapos siya sa pag-aasikaso sa ina, inayos na niya ang bigas para may makain na sila. Naitapik pa niya sa kaniyang noo ang kaniyang kanang palad dahil malapit na namang maubos ang kanilang bigas.

Mukhang kailangan na naman niyang mangutang sa tindahan ni Aling Edsing. Kailangan na rin niyang ihanda ang sarili sa panenermon nito dahil sa daming utang nila sa tindahan nito.

Mag-a-alas nuwebe na ng gabi ng makakain sila. Tahimik silang kumakain dahil wala ni isa sa kanilang magkakapatid ang gustong bumasag ng katahimikan.

***

CDS 1: Unwritten Serenade of LoveWhere stories live. Discover now