Kwentong Bayan kasama ang Buod

36 1 0
                                    

                        "Kung Bakit Umuulan"

                     Isang Kuwentong Bayan

Noong unang panahon, wala pang mundo, wala pang araw at buwan, wala pang oras, at wala pang buhay o kamatayan. Mayroon lang dalawang diyos, si Tungkung Langit, at ang kaniyang kabiyak na si Alunsina.
"Tingnan mo, mahal, lilikhain ko ang santinakpan para sa iyo!" pagmamalaking sabi ni Tungkung Langit.
"Hayaan mong tulungan kita, kaya ko ring lumikha, " ang sabi ni Alunsina.
"Huwag kang mag-alala, mahal, ito ang regalo ko sa iyo: ang mga bituin, ang mga planeta, ang buwan, ang mga ulap, at ang hangin."
"Pero makapangyarihan din naman ako, dahil isa akobg diyosa," bilong ni Alunsina.
Ngumiti lang si Tungkung Langit at niyakap si Alunsina. Pagkatapos, tumindig siya nang matikas, huminga ng malalim, at sumigaw ng pagkalakas-lakas sa kawalan.
Lahat ng sabihin ni Tungkung Langit ay nagkatotoo. Kumalat ang sinag ng bagong likhang araw. Kumislap kislap ang mga bituin. Umikot ang mga planeta at lumiwanag ang buwan. Humangin ng pagkalakas-lakas.
At naulit ito ng naulit. Mahal na mahal ni Tungkung Langit si Alunsina, kaya ayaw niya itong mapagod. Ayaw niyang gumamit ng kahit isang daliri si Alunsina upang lumikha ng kahit isang bagay.
"Mas gugustuhin kong maupo ka na lang, magpahinga, at maging maganda," ang sabi ni Tungkung Langit kay Alunsina.
Ngunit sawa na si Alunsina sa ganoong klaseng buhay. Naramdaman niyang parang wala siyang silbi bilang diyosa. Gusto niyang lumikha.
"Huwag kang mag-alala," sabi ni Tungkung Langit sa kaniyang iniibig, "wawakasan ko ang iyong pagkabagot. Lilikha ako ng ... oras!" At nagsimula nga ang oras.
Kasamang nalikha ng oras ang alaala ... at naalala ni Alunsina ang panahong wala pang laman ang kalawakan, nang hindi siya nakalikha ng kahit ano. "Gusto kong lumikha!" sabi ni Alunsina.
Isang araw, patagong sinundan ni Alunsina si Tungkung Langit. Nang makita siya ni Tungkung Langit, agad siyang tinanong: "Bakit ka narito? Bakit mo ako sinusundan?"
"Gusto kong lumikha! Diyos din ako tulad mo!" sabi ni Alunsina.
"Nababagot ka ba uli, mahal? Huwag kang mag-alala, lilikhain ko ang kulog at kidlat para sa iyo!"
Lumiwanag at dumagundong sa buong kalangitan dahil sa kulog at kidlat. Nagulat ang buong santinakpan. Nagtago ang araw, ang buwan at bituin. Kahit ang hangin ay tumigil sa pag-ihip! Pero hindi natinag si Alunsina. Nakatayo lang siya doon, nanonood, nakakunot ang noo.
"Sawa na akong panoorin ka lang lumikha ng planeta at araw at bituin! Sawa na akong naririto lang, nakaupo, walang ginagawa! Kaya kong lumikha! Isa rin akong diyosa!"
Pero hindi siya pinakinggan ni Tungkung Langit. Umalis siya at lumikha pa ng maraming bagay sa kalawakan. Akala niya ay nagpapapansin lang si Alunsina.
Hindi na nakayanan ni Alunsina ang lungkot sa kaniyang puso, kaya lumayas siya sa kanilang tirahan. Pag-uwi ni Tungkung Langit, gulat na gulat siya ng makitang walang apoy sa kanilang kalan, walang pagkain sa kanilang mesa. At wala na rin ang kaniyang Alunsina.
"Alunsina! Alunsina!" Hinanap ng hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang asawa, ngunit hindi niya ito matagpuan. Tinawag niya nang tinawag ang pangalan ni Alunsina, ngunit walang binalik ang hangin kundi alingawngaw.
Lumipas ang mahabang panahon, at nagsawa rin sa paglikha si Tungkung Langit. Araw-araw, hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang iniibig. Ngunit wala siyang nakita.
Isang araw, sumilip si Tungkung Langit mula sa isang ulap. Hinawi niya ang mga ulap at sa kaniyang gulat, naroon ang kaniyang asawang si Alunsina. "Anong ginagawa mo diyan, mahal? Matagal na kitang hinahanap!" Tumingala si Alunsina. Kitang kita sa kaniyang mukha ang kaligayahang matagal nang hinahangad ni Tungkung Langit.
"Nilikha ko ang daigdig. Ang daigdig na may puno at halaman, isda at mga ibon. Nilikha ko ang mga bundok, ang langit, ang karagatan. Nilikha ko ang buhay, dahil isa rin akong diyos." At nagpatuloy si Alunsinang lumikha.
Nasaktan si Tungkung Langit. Ang kaligayahang nakita niya sa mukha ng kaniyang asawa ay hindi dahil sa pagkakita sa kaniya.
Mula noon, hindi na bumalik si Alunsina sa kalangitan. Paminsan- minsan, sinusubok siyang pabalikin ni Tungkung Langit sa pamamagitan ng paglikha ng kulog at kidlat. Ngunit hindi na babalik muli si Alunsina.
Mula noon, upang mabisita ni Tungkung Langit ang kaniyang dating asawa, kailangan niyang mag-anyong ulan. Ulan na didilig sa daigdig na nilikha ng kaniyang iniibig, si Alunsina.

                                         ↑

     ••••••••• Ito ay mula sa Libro •••••••••









Ito ay buod na gawa ko. Ito'y hango sa libro

                                        ↓

BUOD NG ISANG KUWENTONG BAYAN NA PINAMAGATANG "KUNG BAKIT UMUULAN"

Noong unang panahon, mayroon lamang dalawang mag-asawang diyos, sina Tungkung Langit at Alunsina. Sila lamang dalawa dahil wala pang mundo, wala pang araw at buwan, wala pang oras, at wala pang buhay o kamatayan. Gustong tulungan ni Alunsina si Tungkung Langit sa paglikha ng mga tulad na lamang ng paglikha ng mga bituin, mga planeta, buwan, mga ulap at ang hangin pero dahil mahal na mahal siya ni Tungkung Langit ay ayaw siya nitong mapagod. Ayaw ni Tungkung Langit na gumamit ng isang daliri si Alunsina upang lumikha ng kahit isang bagay. Gusto niyang maupo lang si Alunsina na ang tanging gawin ay magpahinga't magpaganda. Sa kabilang banda naman ay ayaw o sawa na si Alunsina sa ganoong klaseng buhay na kung saan iniisip na niya na diyosa nga siya pero walang silbi naman dahil hindi niya ginagamit sa ano mang bagay ang kaniyang kapangyarihang taglay. Akala ni Tungkung Langit na simpleng pagkakabagot lamang ang nararamdaman ng kaniyang asawa kaya lumikha siya ng oras pero kasabay ng oras ay ang alaala. Naalala ni Alunsina ang panahong wala pang laman ang kalawakan, nang hindi siya nakalikha ng kahit na ano hanggang sa maging buo na ang kaniyang desisyon na gusto rin niyang lumikha. Isang araw, patagong sinundan ni Alunsina si Tungkung Langit at dahil sa may kapangyarihan ito ay agad niya itong nakita. Paulit ulit na sinasabi ni Alunsina na gusto rin niyang lumikha dahil diyos rin siya tulad nito pero palaging iniisip ni Tungkung Langit na nababagot lamang ang kaniyang asawa. Nang likhain ni Tungkung Langit ang kulog at kidlat ay nagulat ang buong santinakpan. Nagtago ang buwan at bituin. Kahit ang hangin ay tumigil rin sa pag-ihip pero hindi natinag si Alunsina sa liwanag at pagdagundong sa buong kalangitan sa halip ay nakatayo lamang siya, nanonood, habang nakakunot ang noo. Ano man ang sabihin niya ay hindi siya pinakikinggan ni Tungkung Langit dahil akala niya ay nagpapapansin lamang ito sa kaniya. Hindi na nakayanan ni Alunsina ang lungkot sa kaniyang puso kaya lumayas siya sa kanilang tirahan. Isang araw, pag-uwi ni Tungkung Langit ay laking gulat niya ng makitang walang apoy sa kanilang kalan, walang pagkain sa kanilang mesa, higit sa lahat, wala na ang kaniyang Alunsina. Hinanap niya ng hinanap si Alunsina ngunit hindi niya ito matagpuan. Tinawag niya nang tinawag ang pangalan ni Alunsina ngunit walang binabalik ang hangin kung hindi tanging alingawngaw. Lumipas ang mahabang panahon at nagsawa rin si Tungkung Langit sa paglikha. Araw araw ay hinahanap niya ang kaniyang iniibig pero wala siyang makita. Isang araw ay sumilip si Tungkung Langit mula sa isang ulap. Nang mahawi na ang ulap ay laking gulat niya ng makita roon ang kaniyang asawa. Kitang kita sa mukha nito ang labis na kasiyahan na matagal na niyang hinahangad. Lumikha ng daigdig si Alunsina na kung saan ay nilikhaan rin niya ng mga puno at halaman, mga isda at ibon, bundok, langit, karagatan, maging ang buhay. Nasaktan si Tungkung Langit dahil ang kasiyahang makikita sa mukha ng kaniyang asawa ay hindi dahil sa pagkakita sa kaniya. Hindi na bumalik si Alunsina sa kalangitan kahit minsan ay sinusubukan siya nitong pabalikin gamit ang kulog at kidlat. Mula noon upang mabisita ang dating asawa ay kailangan niyang mag-anyong ulan. Ulan na didilig sa daigdig na nilikha ng kaniyang iniibig na si Alunsina.






                        Probinsyanatalie_DV

✨🦋SCHOOL WORKS🌷🕊️Onde histórias criam vida. Descubra agora