Black Shirt Guy

106 0 0
                                    

Black Shirt Guy

Buwan ng Mayo, isa sa pinaka mahalagang buwan ng aking buhay. Ngunit hindi ko aakalaing magiging espesyal pala ang buwang ito buhat nang ika'y masilayan.

Alas kwarto ng hapon, kami'y lumabas ng bahay upang mamasyal. Ito ang pinakapaborito kong oras, sapagkat ang paglubog ng araw ay paparating na.

Kami'y saglit na napatigil sa isang banda upang batiin ang aming kamag-anak, ngunit hindi ko inakalang magkalapit lang pala tayo sa isa't isa ng mga oras na iyon.

Mga salita niyo'y hindi ko maintindihan ngunit reaksyon niyo'y tila nagbigay pahiwatig kung ano ang inyong nararamdaman.

Dahil doon, kayo'y aking nakita. Kasama mo ang iyong mga kaibigan, ngunit tanging ikaw lamang ang napansin ng aking mga mata.

Tandang tanda ko pang suot mo ay itim na damit. At nang sandaling ako'y mapatingin sa iyong gawi, mga mata nati'y nagtitigan ng ilang segundo.

Ako man ang unang kumalas sa titigang iyon ngunit ramdam kong sinundan mo kami ng tingin pagkaalis, hanggang mapadpad kami sa aming destinasyon.

Ako'y nabagot sa loob ng bahay sapagkat kwentuhan nila'y hindi ko maintindihan. Nakaramdam ako ng inip at nangangalaiti ang aking mga paa na lumabas.

Ngunit ito'y hindi natuloy nang makita ko mula rito sa aking kinauupuan ang iyong tindig. Namumukod-tangi ang kulay ng iyong damit na itim, at kayo'y masayang naglalaro ng bola.

Biglang napaatras ang aking mga paa. Nakaramdam ako ng hiya nang makitang nasa harapan lang kita ng bahay na aming pinuntahan.

Ngunit ako'y napaisip. Bakit ako mahihiya at kakabahan gayong hindi naman kita kilala at wala akong pakialam sa iyo. Ito'y aking napagtanto kung kaya't lumabas ako ng walang alinlangan.

Abala ako sa aking telepono ngunit nararamdaman kong may kakaiba sa paligid. Hindi ko man maintindihan ang iyong salita, naririnig kong may sinasabi kayo.

Marahil ako'y tama ng hinala. Sapagkat nang muli akong mapatingin sa iyong gawi, kayo pala'y nakatitig sa akin. At ika'y nakangiti habang hawak ang bola.

Magbuhat ng hapong iyon, tila sunod-sunod na ang pagkikita na ating naranasan. Isang gabi, nang kami'y mapadaan sa inyong tambayan, muli ay naroon ka.

Hindi man kita gaanong nakita sapagkat madilim nung mga oras na iyon, ramdam kong naroon ka. Alam kong kasama ka sa mga taong nakaupo roon.

Kayo'y nagingay sa aming pagdaan. Kahit hindi ko man maintindihan, alam kong ako'y inyong pinag-uusapan.

Sapagkat humigpit ang hawak ng aking pinsan sa aking kamay, animo'y nagpapaliwanag kung sino ako.

Isang araw muli ang nagdaan. Dumating ang gabi na masasabi kong isa sa pinaka espesyal ngunit malungkot na alaala para sa atin.

Tayo'y nagkita sa isang banda. Madilim ngunit makukulay ang paligid dulot ng mga ilaw sa sayawan. Malalakas din ang musika at maingay ang lahat.

Sa unang pagkakataon, bigla kang lumitaw sa aking harapan, at katulad ng lagi, ika'y nakatingin sa akin. Napakalalim ng iyong mga titig, tila may nais sabihin ang iyong mga mata.

Muli ay iniwas ko ang tingin sa iyo, sapagkat ako'y naiilang, nahihiya, natatakot, kinakabahan, at nawawala sa sarili.

Ngunit tila kayo'y nagkaroon ng lakas ng kalooban. Ako'y nagulantang na lamang sa inyong ginawa nang ako'y lapitan ng aking kaibigan at siya'y bumulong.

Nang marinig ko ang kanyang sinabi, nakita kong nasa harapan na kita. Hindi maipinta ang iyong mukha ngunit nasisiguro kong katulad ko, tayo'y pareho ng nararamdaman, kinakabahan.

Mga Damdamin At Kaisipan Where stories live. Discover now