06

80 5 0
                                    

“Good morning, Gray!” bati ni Mang Edgar sa kanya pagkapasok na pagkapasok nito sa coffee shop. “It’s freezing out there,” dagdag pa nito.

“Good morning, Mang Edgar,” ganting-bati niya. Totoo ang sinabi nito tungkol sa panahon.

Sobrang lamig talaga nang araw na iyon. Makapal ang fog sa labas. Kung ito ay nakasuot ng makapal na jacket at naka-bonnet—na hinuhubad na nito—siya naman ay naka-long sleeves na pinatungan niya ng makapal na yellow leather jacket.

Dahil sa panahon, kabubukas pa lamang nila ay nagdagsaan na ang mga customers.

Everyone wanted coffee and fast. Tumulong na rin siya sa pagse-serve dahil sa dami ng tao.

Nang makabalik sa counter ay napabuntong-hininga siya. Hindi pa rin pumapasok si Miles.

Humingi ito sa kanila ng isang linggong bakasyon. Naiintindihan naman nila ng Tita Susie niya ang kalagayan nito but they sure needed an extra hand.

Nang sumapit ang alas-dos ay marami pa rin ang pumapasok sa Gray’s. Sa ordinaryong araw, kapag ganoong oras ay mangilan-ngilan na lamang ang customers. Dadami uli iyon pagsapit ng alas-kuwatro.

But today was different.

“May pupuntahan ka ba, Gray?” tanong ng Tita Susie niya.

“Wala naman, Tita. Bakit mo naman naitanong?”

“Kanina ka pa kasi patingin-tingin sa relo.”

Napangiti siya. “Medyo na-amaze lang ako kasi alas-dos na ay marami pa ring customers.

We have to thank the weather, I guess,” sagot niya.

“Tama ka, hija,” nakangiting sang-ayon nito.

Plastic! sabad ng kontrabidang bahagi ng isip niya. Hindi mo pa amining kaya kanina ka pa pasulyap-sulyap sa relo ay dahil nagtataka ka kung bakit maglilimang araw nang hindi nagagawi sa coffee shop si Zuriel. Aminin!

Kaya ko lang siya hinihintay ay dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa nababayaran ang utang ko sa lalaking 'yon, piping katwiran niya.

Mula noong engkuwentro nila ni Zuriel sa mall ay hindi pa ito nagagawi sa Gray’s. Naiinis nga siya sa kanyang sarili dahil pagpatak ng alas-dos, awtomatikong matutuon ang mga mata niya sa pintuan. Ayaw man niyang aminin, inaasahan niyang bigla na lang susulpot ito roon.

Nahihiya naman siyang magtanong sa tita niya kahit na tiyak niyang alam nito ang sagot dahil magkasama ang Tito Gabriel niya at si Zuriel sa trabaho. Baka kasi kung ano pa ang isipin ng tita niya. Malakas pa namang makapang-asar ito. Tiyak na hindi siya tatantanan nito.

Pero hindi nga rin niya maipaliwanag kung bakit parang hinahanap-hanap niya ang presensiya ni Zuriel sa coffee shop. Kahit na hindi naman niya ito pinapansin katulad ng ginagawa niya sa ibang regular customers, parang nakasanayan na niyang nakikita ng mga mata niya ang mukha nito araw-araw.

Natigil siya sa pagmumuni-muni nang makitang nag-iisang pumasok si Grace. Minus Carlo?

Himala! Sa tuwing pumupunta ang isa ay naroon din ang isa. Parang sa Bananas In Pyjamas, hindi naghihiwalay sina B1 at B2.

Napansin niyang malungkot ang aura ni Grace nang maupo sa counter.

“Hi, Grace,” nakangiting bati niya. “What’s for today?”

Ngumiti ito kahit pa nga sa tingin niya ay napipilitan lamang ito. “Café latté at isang slice na lang niyang chocolate cake, Gray.”

Chocolate cake? Depressed nga ito. Hindi naman ito umo-order ng cake dati-rati. Ito pa mismo ang nagsabi na masyadong nakakataba iyon. May pagka-chubby kasi ito. Biro pa nga nito that she had to watch her weight at baka ipagpalit umano ito ng nobyong si Carlo sa ibang babae.

Cappuccino Kind Of Love | Claudia Santiago Where stories live. Discover now