11

79 4 0
                                    

PAGKATAPOS nilang maiayos ang lahat, naikuha nila ng private room si Miles. Hindi nila napigilan ng Tita Susie niya ang mapaluha nang makita ang hitsura nito.

“She’s just sleeping, right, Tita?” garalgal ang tinig na tanong niya. Bagaman alam niya ang sagot at nagmula mismo sa doktor ang assurance ay gusto pa uli niyang marinig na maayos na talaga ang lagay ng kaibigan niya.

“Yes. She’ll wake up soon.”

“Gray, kami na lang ang maiiwan dito ng Tito Gabriel mo. Sunduin mo ang mga anak ni

Miles sa bahay nila para makita nila ang mommy nila,” utos nito.

“Okay, Tita.”

“Zuriel...” baling nito sa binata. “Puwede bang pakisamahan mo si Gray sa pagsundo sa mga anak ni Miles?”

“No problem, Tita,” sagot nito.

Naglalakad sila sa pasilyo ng ospital ay wala pa rin silang imikan ni Zuriel. Alam niyang pareho silang naiilang.

“Gusto mo bang kumain muna sa canteen?” tanong nito.

Umiling siya. “Hindi pa naman ako gutom.” Iyon ang unang pag-uusap na namagitan sa kanila mula nang maganap ang hindi inaasahang halik. “Iniisip ko kung paano natin sasabihin sa mga bata. Sixteen lang ang panganay ni Miles. Pitong taon ang bunso niya.”

“I’ll help you. We’ll do this together,” masuyong sabi nito.

Together? That sounds nice.

Iyak nang iyak ang bunsong anak ni Miles nang malamang nasa ospital ang mommy nito. Sa tingin niya ay alam na ni Ramil, panganay ni Miles, ang nangyari sa ina. Sinabi nito sa mga kapatid nito na nadulas sa banyo ang mommy ng mga ito kaya kinailangang dalhin sa ospital.

Isinama nila ang tatlo sa ospital. Pagkaraan ng isang oras ay nagyaya siyang umuwi na.

Nagpaalam si Ramil na magpapaiwan. Pumayag siya. Ayaw rin sanang umuwi ng dalawang nakababatang kapatid nito pero napakiusapan din niya ang mga ito pagkatapos niyang mangako na makakabalik ang mga ito roon kinabukasan. Kasama ni Ramil na nagpaiwan ang tita at tito niya.

Inihatid nila ni Zuriel ang mga bata sa bahay. Bago umalis ay nagbilin siya kay Nieves na ito na muna ang bahala roon.

Pagkatapos ay siya naman ang inihatid ni Zuriel sa bahay. Alas-nuwebe na nang makarating sila roon.

“Hindi na kita iimbitahan pa sa loob dahil alam kong pagod na pagod ka na rin,” aniya.

Inihatid siya nito hanggang sa front door.

“Sige. Kumain ka muna bago ka matulog,” bilin nito, saka tumalikod na at naglakad palayo.

Saka lamang niya naalala na hindi pa nga pala sila kumakain. Kape lang ang laman ng mga tiyan nila.

Napaka-inconsiderate mo naman para pauwiin siya nang hindi man lang pinapakain, sita ng isang bahagi ng isip niya.

“Zuriel?”

“Yes?”

Lumapit siya rito. “Pasensiya ka na. Nakalimutan kong pareho pa nga pala tayong hindi kumakain. Dito ka na kumain. Tiyak na may inihanda si Manang Delia,” tukoy niya sa kasama nila sa bahay.

“Hindi, okay lang ako. Alam kong pagod ka na. You don’t have to oblige—”

“Kailangan pa ba talaga kitang pilitin?” nakangiting tanong niya.

“You know I cannot resist you, my lady,” masiglang sagot nito.

Hindi na lamang niya pinansin ang pagtawag na naman nito sa kanya ng “my lady.” Unti-unti na kasi iyong nakakasanayan ng mga tainga niya. Hindi na iyon masakit pakinggan katulad noong una.

Cappuccino Kind Of Love | Claudia Santiago Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon