Te AMO, Enemigo. (One-Shot

2 0 0
                                    

Sa isang masukal na gubat, dalawang tao’y walang tigil sa pagtakbo. Basang-basa na sa pawis at hingal na hingal na ang mga ito. Hindi batid ng mag-lola kung saan pa tutungo. Tanging alam lang nila ay kailangan nilang tumakas mula sa humahabol sa kanilang mga alagad ng gobyerno.

“Pakiwari ko’y maari tayong magkubli rito!” saad ng ginang nang makita nito ang isang malaking bato.

Lumingon naman ang apo nito sabay tango upang iparating na sumasang-ayon siya rito.

Agad na namahinga nang pansamantala ang dalawa. Nakikiramdam sa paligid sa takot na may makatunton sa kinaluluguran nila.

Habang nagtatago ay hinawakan ni Luisa ang kaniyang apo, at pinakatitigan ang mga mata nito. “Kahit anong mangyari, kailangan mong tumakas. Subukan mong lumaban pagkat lubos ka pang kailangan nitong minamahal nating Pilipinas. Sa kamay ng mga Espanyol ay kailangan nating makaalpas upang hindi na danasin pa ang paghihirap sa susunod pang mga bukas,” seryosong saad ng matanda. Balikat ng apo’y marahan niyang hinimas. Sa mukha ng huli naman, pagtataka’y mababakas.

Ilang segundo lamang ang lumipas, isang malakas na putok ng baril ang sa dalawa’y nagpabalikwas.

Matiim na muling tinitigan ni Luisa ang mukha ng kaniyang apo. Batid niyang sa kaniyang susunod na gagawin ay hindi na niya muli pang masisilayan ito.

Ipinikit niya ang mga mata kasabay ng pagtulo ng luha. “Sa aking buhay, ikaw ang sandiga’t nagbigay hayahay.” Nagsimula itong umawit, subalit hindi katulad noon na puno ng galak at tuwa. Ngayon, sa bawat salitang binibitawan nito’y mababakas ang pamamaalam at pait.

“I-Inang, ano pa ba ang g-ginagawa natin dito? K-kailangan na nating tumakbo,” impit na tanong ni Flabio. Ngunit imbes na gumalaw ay patuloy pa rin sa pag awit ang lola nito.

“Kaya’t hanggang dulo, pipiliin ko ang ikabubuti mo tulad ng lagi kong pangako.”

Hindi man malinaw kay Flabio, subalit sa mga linya ng awitin ng kaniyang inang ay tila ba may batong dumadagan sa kaniyang puso.

“Mag-ingat ka palagi, apo ko.”

Bago pa man mamalayan ni Flabio, ang kaniyang inang ay tuluyan ng tumakbo papalayo. Nagsisigaw ito upang maagaw ang atensyon ng mga humahabol sa kanilang mga sundalo. Isang putok ang kaniyang narinig, hudyat na ito’y namalaam na sa mundo.

Isang malakas na tapik ang gumising sa binata. Sa pagmulat ng kaniyang mga mata’y sumambulat ang isang maamong mukha. Bago pa man nito mapansin ay pinahid na ni Flabio ang maliit na butil ng luhang sumungaw sa kaniyang mga mata.

“Ika’y nasa mabuting kalagayan ba?” tanong nitong puno nang pag-aalala.

Matipid na ngiti lamang ang itinugon ni Flabio sa donyang kumupkop sa kaniya. Isa itong mestiza na malapit na kaibigan ng kaniyang lolo at lola.

“O, siya, gumayak ka na pagkat ilang sandali na lamang, tayo’y hahayo na.”

Mabilis pa sa kidlat na tumayo ang binata nang maalala niyang ngayon pala siya magsisimulang mangatulong sa gobernador-heneral upang magsilbing espiya. Mula nang mawala ang lahat kay Flabio, paghihiganti at pagkamuhi na ang bumalot sa kaniyang puso.

Matapos mag-ayos, kaagad na niyang tinahak ang malawak na pasilyo pababa ng silid nito. Sabay silang nag-aagahan ng lahat ng mga kaalyansa niya. Pagkatapos ay tuluyan na niyang tinahak ang pakay—ang bahay ng mga Arnido.

Sa pagdating ng binata’y wala siyang ibang naging gawain kundi ang magmanman at magtrabaho. Pero nagbago ang lahat nang dumating mula Espanya ang tagapagmana ng mga Arnido.

Tahimik na nagmumuni-muni si Flabio ng isang tinig ang sa kaniya’y umistorbo.

“Batid kong sadyang kaakit-akit ang kakisigan ko, ngunit hindi ko lubos maisip na pati isang matikas na ginoo ay maaakit rito!”

Melodies Of Misery (A One-shot And Flash Fiction Collection)+Where stories live. Discover now