Matamis na Kapaitan (Dagli)

0 0 0
                                    

Mahigpit na yakap ang pabaon ng iyong mag-ama sa paglisan mo sa sariling bayan upang sa ibang bansa'y makipagsapalaran.

Labag man sa loob na iwan ang tatlong taong gulang mong anak, wala kang magawa.

Mahirap ang buhay. Nakapagtapos ka man ng pag-aaral, hindi ka naman tinatanggap sa mga kompanya dahil sa kakulangan mo 'di umano sa eksperyensiya.

Nang oras na upang sumakay ka sa eroplano ay lalo pang nagwala ang 'yong munting prinsipe.

Napakasakit sa 'yong makita ang tanawing iyon.

Ngiting may halong pangungulila naman ang huling ginawad ng 'yong hari na tila ba sinasabing wala kang dapat na ipag-alala.

Sa pagdating mo sa Saudi ay naging maayos ang pamumuhay ng pamilya mo sa Pilipinas. Nakakain at nabibili nila ang kanilang naisin. Napupuntahan ang mga lugar na nais pasyalan.

Hindi tulad mong gabi-gabing tinututukan ng patalim ng 'yong amo. Inaangkin ka anumang oras nito gustuhin.

Tuwing magpapasko, tatawagan ka ng pamilya mo at ipakikita ang hapag na puno ng putahe. Ikaw naman ay nagdiriwang na malutong na pangmomolestiya at pangmamaltrato lamang ang handa.

Kaya ngayong paskong nakauwi ka na sa 'yong palasyo, nangingiti kang pinapanood sa malayo ang iyong mag-ama— tumatawa kasama ang bago nilang reyna.

#GoldenPenFlashFictionContest.

Melodies Of Misery (A One-shot And Flash Fiction Collection)+Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz