Hagupit Ng Mabining hangin (Flash Fiction

0 0 0
                                    

"Bawat malakas na buhos ng ulan ay magsisilbing alaala ng ating matamis na pag-iibigan...

Tandang-tanda ko pa, unang pagkakataong ika'y nasilayan. Ako noon ay naghihintay ng masasakyan sa gilid ng lansangan.

Sa panahong hindi inaasahan, biglang walang habas na bumuhos malakas na ulan.

Luminga-linga sa paligid, umaasang mayroong masisilungan. Hindi naman nabigo nang sa kabilang kalye, may tindahang nasumpungan.

Kaagad na tinakbo, malawak na daan. Siya ring pagsulpot ng kotse mong minamaneho't sinasakyan.

Sa taranta, timbang may isdang laman ay agarang nabitiwan. Dahilan upang magkalat ang lahat sa maduming lansangan.

Sa inis ay pinaghahampas ko ang 'yong sasakyan na naging epekto ay pagkawasak ng salamin nito sa may bandang harapan.

Nang akma ko pa itong tutuluyan, bigla kang lumabas at ako'y may galit na pinakatitigan.

Bago ka pa man makapagsalita ay kaagad na kitang binungangaan. Pilit na pinagbabayad sa sinapit ng munti kong pinagkakakitaan.

Pero basta mo na lamang akong tinalikuran. Pinaharurot papalayo iyong sasakyan, at ako'y naiwang basang sisiw at talunan.

Nang makauwi sa bahay, 'sangkatutak na sermon inabot mula kay inay.
Ako'y inusisa kung bakit kung maglakad ay pasuray-suray. Dito pinagtapat na muntik ng masagasaan at makitilan ng buhay.

Buti na lamang ako'y inintindi't 'di na nakatanggap ng palong nakamamatay.

Kinabukasa'y gumising ng maaga. Unang araw kasi ng eskuwela't nakakahiya namang mahuli, hindi ba?

Ngunit kung nahulaan lamang na muli tayong magkikita, sana'y natulog na lamang buong araw sa kama.

Kung minamalas nga naman. Pareho tayo ng paaralang pinapasukan.
Hindi lamang iyon 'pagkat magkatabi pa talaga tayo ng upuan.

Hay, mga tala, ako ba'y trip niyo talagang paglaruan?

Naging aso't pusa tayong dalawa. Simpleng bagay lang ay akala mo'y sisiklab pangatlong pandaigdigang giyera.

Pero kakaiba din talaga kung maghabi si tadhana.
Kasi sinong mag-aakalang mahuhulog tayo sa isa't-isa?

Opposite pole attracts nga marahil, tulad ng madalas kong marinig mula sa iba.

Noong una'y hindi ko pinaniwalaan ng sa akin ay magtapat ka ng 'yong nadarama. Sino ba naman kasing maniniwala sa tulad mong puro hangin ang lumalabas sa bunganga?
Napatunayan ko lamang na totoo ang iyong mga winika nang ika'y nanligaw sa estilong makaluma.

Nilabanan mo sa suntukan si ama, tumulong ka sa amin ni nanay na sa palengke ay magtinda, umabot pa nga sa puntong mga gamit namin ikaw ang naglaba. At partida, naisama mo pa talaga ang aking panty at bra.

Dahil sa 'yong pagiging pursigido, ipinagkaloob ko rin sa iyo matamis kong oo.

Sa ilang buwang pagsasama'y pawang kaligayahan ang idinulot mo sa aking puso.

Ngunit 'di naglaon, tuluyang naging yelo ang dati'y maalab mong pakikitungo.

Dumating sa puntong wala nang mensaheng naririnig mula sa iyo. Kaya sa mukha'y kaligayahan ang rumehistro nang mag-text kang magkikita tayo sa simbahan ng Santo Niño.

Ako ay nagkandakumahog na doon ay tumungo. Para lamang makita kang ikinasal sa ibang tao.

Wasak, durog, pait, sakit... iyon ang mga agarang lumukob sa buo kong katawan.

At tuluyan ng naging kandila sa kinatatayuan nang maglapat labi niyo ng babaeng iyo nang katipan.

Bago ko pa namalayan, sumabay na pala sa buhos ng ulan mga luhang pigil kong pakawalan.

Wala akong kalaban-laban na umalis sa simbahan. Umuwi sa aming munting tahanan. Namintuho sa maliit na durungawan habang patak ng ulan sa mga kamay ay pinaglalaruan. At gamit ang pluma, tinta at luha'y isinulat yaring ating wasak na pag-iibigan.

---

His POV

"Hindi mapigil yaring mga luha habang binabasa liham na isinulat mo, sinta.
Alam mo bang ikaw lamang ang hanap sa tuwina?

Hindi ko rin nais ang iwanan ka. Ngunit nang mga magulang ko'y magbantang ipapadanas nila sa iyo'y pagdurusa, napilitan akong sundin kagustuhan nila— 'yon ay ang ikasal ako sa iba.

Sa kasal ko ika'y pinapunta, upang magtanan sana tayong dalawa. Pumunta ako sa inyo pagkatapos ng seremonya. Subalit malamig na bangkay nang naabutan ka.

Kinitil mo raw sarili mong hininga, ayon sa iyong ama at ina.

Alam mo bang ikaw lang ang sa akin ay nagpapaligaya? Sa iyo ko lamang naranasan sinasabi nilang saya. Kaya't sa iyong pagkawala, ako'y tila dahon ring tuluyan nang nalanta.

Batid kong kahit sa iyong puntod ako ngayo'y magwawala. Buhay mong nasayang ay hindi na maibabalik pa.

Pero paano magagawang limutin ka? Kung sa tuwing papatak ang ulan, matatamis mong mga ngiti ang kaagad na nagugunita?

Book covered by: wretch_goddess

Melodies Of Misery (A One-shot And Flash Fiction Collection)+Where stories live. Discover now