Punding Ilaw (Short Story)

0 0 0
                                    

Hindi pa man tuluyang sumisilip ang haring araw sa buong sansinukob ay dilat na dilat na ang inang si Marrietta.

Naisin man ng kaniyang katawang magpahinga muna’y hindi maaari. Kailangan na niyang simulan ang maghapong pakikibaka.

Pagkabukas ng ginang sa pinto ng kaniyang silid ay bumungad sa kaniya ang panganay na anak na si Roel. Prente itong nakaupo sa parihabang kahoy na upuan habang ang buong atensiyon ay nakatuon sa hawak nitong telepono.

“Nakapagkape ka na ba, anak?”

Hindi siya nito pinansin at patuloy lamang sa ginagawa.

“Roel, ana—”

“Ano ba, ’Ma! Niy*tang ’yan! Kita mo nang may ginagawa ’yong tao!”

Padabog itong umalis sa lugar at iniwan si Marrietta.

Tinampal ng ginang ang sarili. Bakit ba kasi madalas niyang nakalilimutan na pinakaayaw ni Roel ang iniistorbo ito? Marahil ay naabala niya ito sa pag-i-ML kaya’t ganoon na lamang ang naging reaksiyon nito.

Nang maglaho sa paningin si Roel ay pasimple naman niyang sinilip sa kuwarto nito si Telma— ang ikalawa niyang anak.

Tulad ng inaasahan, mahimbing pa itong natutulog.

Matapos lisanin ang tapat ng silid ni Telma ay dumiretso na sa kusina ang ginang upang ipagluto ang mga anak.

Nang masiguro niyang maayos na ang lahat, mabilis pa sa kidlat siyang nag-ayos at tinahak ang garahe kung saan nakaparada ang minamaneho niyang diyep.

Pagmamaneho ang pangunahing hanapbuhay ni Marrietta.

Batid niyang hindi pangkaraniwan sa isang babae ang ganitong trabaho pero mula nang ‘sumakabilang-bakod’ ang asawa, sa ganitong paraan na niya tinaguyod ang dalawang supling.

At saka para sa kaniya’y hindi naman porke babae ay hindi na maaaring gawin ang gawain ng mga lalaki.

Sa madaling salita, hindi nararapat na maging basehan ng lakas ang kasarian.

Katunayan nga’y hindi hamak na mas matapang pa ang ibang kababaehan sa mga lalaking may tumitindig nga, wala namang  paninindigan.

Sa mga nakalipas na buwan ay bahagyang tumumal ang kita sa pamamasada, kaya pinasok na rin ni Marrietta ang paglalabada. Minsan nama’y naglalako ito ng kung ano-anong kakanin sa daan, matustusan lamang ang pag-aaral ng mga anak.

Isang araw, pagkauwi niya galing sa paglalako’y nadatnan niya si Telma na umiiyak sa kanilang sala.

Sa takot ay dagli niya itong nilapitan at tinanong kung ano ang dahilan ng pagluha nito.

Pero ang naramdamang takot ay napalitan ng panlulumo sa pinagtapat nito sa kaniya. . .

“M-ma, b-buntis a-ako.”

Hindi mawari ni Marrietta kung ano ang dapat na iakto sa inamin ng anak. Pero isa lamang ang kaniyang nasisiguro— magpapaka-ina siya kay Telma na siya ngang nangyari.

Sa kabila ng pagkakaroon ng anak ay napagtapos ni Marrietta sa pag-aaral si Telma gayon din ang kuya nitong si Roel.

Nasisiyahan ang ginang habang minamasdan ang mga anak sa tapat ng kanilang malaking bahay.

Pinahid niya ang luhang ni hindi niya namalayang pumatak na pala sa kaniyang mga mata.

Nagtagumpay siya bilang isang ama’t ina.

Ang kaniyang mga anak ay yumaman na nang lubos. Samantalang siya’y nasa gilid ng lansangan. Nakatira sa kubo at nabubuhay sa panlilimos.

-

A Women's Month competition entry.

Melodies Of Misery (A One-shot And Flash Fiction Collection)+Where stories live. Discover now