PROLOGUE

2.5K 74 7
                                    



MALALIM NA ang gabi. Naiiba kaysa dati ang pakiramdam ni Sandra sa mga sandaling iyon habang nasa penthouse ng kanyang condo sa Rockwell. Hindi siya mapakali. Pakiramdam niya, parang may panganib na darating sa kanya.

Mula sa malaking floor to ceiling na salamin ng bintana ng kanyang condo ay natatanaw ni Sandra ang isang bahagi ng siyudad. Pero hindi sa kabuuan ng siyudad natuon ang kanyang tingin, kundi sa Ilog Pasig na nagniningning mula sa repleksiyon ng mga ilaw ng gusaling nakapaligid doon. Malaki ang pinagod ni Sandra para luminis ang ilog na ito. Marami siyang naging kontribusiyon bilang isang environmentalist. Pero hindi lang ang Ilog Pasig ang gusto niyang pangalagaan kundi ang iba pang kalikasan ng Pilipinas na patuloy na sinisira ng mga tao.

"Mother Earth, kailangang hindi ka pabayaan," naibulong ni Sandra sa sarili.

Naalala niya kanina ang isang kasiyahang naganap sa Mandaluyong sa tabi ng Ilog Pasig. Pang-ilang daungan na ito na ginawa sa ilalim ng Sandra Navaro Foundation. Bawat bahaging nalilinis niya sa ilog ay nagtatayo siya ng daungan. Nakapagpatayo na siya ng mga daungan sa parteng Maynila, Quezon City, at Marikina. Isang major accomplishment ang pagpapagawa niya ng mga daungan, matapos niyang malinisan ang parte ng ilog na pinagtayuan sa mga ito. Dahil dito, malaking tulong ang mga ito para sa karagdagang transportasyon. Nagkaroon ng ferry boat sa Ilog Pasig at ginawang istasyon ang mga daungan. Dahil dito, nabawasan ang traffic at maraming pasahero ang sumasakay sa ferry. Naglalayag ang ferry sa malilinis na parte ng ilog.

Kaya kapag nakapagpapatayo si Sandra ng daungan sa alin mang bahagi ng Ilog Pasig ay may pasinaya at nagkakaroon ng pagdiriwang. Iniimbita niya ang kanyang mga kaibigan, mga kilalang negosyante, at lahat ng mga taong nakikiisa sa kanyang adbokasiya sa pangangalaga sa kalikasan, gaya ng mga titser, ilang religious groups, at ilang pulitiko.

Marami pa akong dapat gawin sa ilog na ito at sa bayang ito kaya siguro hindi pa ako namamatay, isip niya.

Siyam na araw pa lang ang nakalilipas, mula nang mamatay sa paglubog ng yate na sinasakyan ang asawang si Anton. Nangyari ang aksidente pagkalipas ng isang buwan lamang nilang pagpapakasal.

Pagkaraan ng ilang saglit, umupo si Sandra sa sopa, dinampot ang remote control at binuksan ang TV. Naroon si Moymoy Lulumboy na iniinterview ng isang reporter. Nakatitig lang si Sandra sa TV pero hindi nakikinig kaya hindi nalalaman ang ibang sinasabi ni Moymoy. Malayo kasi ang iniisip niya. Iniisip niya ang mga susunod niyang mga project para sa kalikasan bukod sa paglilinis niya ng Ilog Pasig. Gusto pa kasi niyang ipagbawal ang patuloy na pagpuputol ng puno sa Metro Manila. Gusto niyang isulong ang paglilinis ng estero sa Pandacan, Paco, Bindondo, at kung saan-saan pa. Gustong ipagbawal ang patuloy na pagmimina sa iba't ibang parte ng Pilipinas at pagpuputol ng mga puno sa lahat ng kabundukan.

Biglang natuon ang pansin ni Sandra sa TV. Nakinig siya saglit. Naroon pa ang batang si Moymoy Lulumboy, kausap ng isang reporter sa Television Patrol. Di umano raw, isa itong aswang—nagpapalit-palit raw ng anyo at nakalilipad.

"Aswang?" naibulong sa sarili. "Aswang na nga, bata pa."

Dumating si Elsa na may dalang isang tasa ng kape. "Ma'am?"

Napansin ni Elsa na malalim ang iniisip ni Sandra, kaya tinawag niya ito para ipaalam na may dala syang kape na para sa kanya.

"Walang magawa ang news. Pinapatulan nila pati ganyang mga balita. Kahit na di totoo, pinalalabas nilang totoo, may maibalita lang. And worse, bata pa itong sinasabing aswang," sabi ni Sandra pagkakuha sa kapeng dala ni Elsa.

"Totoo iyan, Ma'am," bulalas ni Elsa. Nanlaki pa ang mga mata nitong kumbinsidong-kumbinsido na totoo nga ang balita tungkol kay Moymoy.

"'Wag kang maniwala," sagot kaagad ni Sandra.

"Nakita po ang mga aswang at manananggal. Nasa video. Narito nga po sa akin!"

Ipinakita ni Elsa ang video sa kanyang cell phone, pero hindi iyon pinansin ni Sandra.

Nagkibit-balikat na lang si Elsa at pagkatapos ay kinausap na muli si Sandra. "Uuwi na po ako."

"Yes, Elsa. Pasensiya na at late akong nakauwi. Kanina ka pa pala dapat nakauwi."

"Okay lang, Ma'am. Hindi naman ako nainip. Nanood ako ng balita sa TV."

Mayamaya ay nakita niya si Elsa na lumabas mula sa kusina galing sa kanyang quarters at nagpaalam na muli. Tumango si Sandra, nginitian ang kasambaahay. "Ingat ka, Elsa."

"Opo, Ma'am. Kayo rin. Mag-ingat kayo sa mga aswang."

Napangiti lang si Sandra at sumenyas na puwede nang umalis si Elsa.

Hinayaan lang ni Sandra ang TV na nakabukas habang humihigop-higop ng mainit na kape. Gusto niya kasing may naririnig kahit papaano, lalo na't mag-isa lamang siya sa condo.

Mayamaya ay napalinga siya sa bintana—parang may kaluskos na narinig. Laking gulat niya nang makita ang isang babaeng maitim, mabalahibo ang mukha na nakamasid sa kanya. Nasa labas ito ng malaking salaming bintana. Lalo pa siyang nagulat nang makita niyang putol ang katawan nito at may maiitim na mga pakpak na patuloy na pumapagaspas. Nanatiling nakatingin sa kanya ang manananggal. Nakangisi ito. Lumaki at lumuwa ang mga mata nito.

Napanganga si Sandra, ibinalik bigla ang tingin sa TV at nakitang iniinterview pa rin si Moymoy Lulumboy pero wala na siyang tuluyang naririnig dahil sa pagkagulat niya sa nakita sa labas ng condo. Bigla, muli siyang tumingin sa bintana—gulat na gulat sa nakita. Aswang! Manananggal!

Lalo pa siyang nagulat nang biglang marinig ang malakas na pagbasag ng salamin. Kasabay nito'y may nakitang isang bagay na bumulusok papasok sa kanyang condo.

Isang babaeng may mahabang buhok, matanda, at may kulubot na mukha ang nakita niyang nakatayo. Ito ang bumulosok at pumasok sa kanyang condo. Itiniklop nito ang maiitim na pakpak na tuluyang naglaho sa kanyang likuran. Pagkatapos ay inilabas unti-unti ang kanyang dila. Humaba nang humaba iyon patungo sa kanya.

Napaurong si Sandra sa takot. "Sino ka?" Luminga sa may bintana at nakita niyang tuluyan nang pumasok ang manananggal mula sa salaming nabasag na bintana.

"Sino kayo?!

"Ako si Abakay at siya naman si Manarang," sagot ng manananggal.

"Sino nga kayo?!"

Hindi magawang makaipon ng lakas at tapang si Sandra. Patuloy na nagigimbal sa kanyang nakikita. Mayamaya'y naramdaman niya ang dila ni Manarang sa kanyang leeg. Pumulupot iyon at sinasakal siya. At kahit ano'ng gawin ni Sandra para alisin ang dila ni Manarang ay lalo pa itong humihigpit.

"Ah... Ano'ng gusto niyo sa akin?" Hirap at tuluyang nabasag ang boses ni Sandra.

Mula sa mahigpit na pagkakapulupot ng dila ni Manarang, unti-unti nitong inangat ang katawan ni Sandra.

"Papatayin ka namin. Kasi iyon ang order sa amin," nakangising sabi ni Abakay na itinutok pa ang mukha sa nagigimbal na si Sandra.

Nanlaki ang mga mata ni Sandra nang makita ang mahahabang pangil ni Abakay.

Biglang nilusob si Sadra ng manananggal...

ņ=r"f

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon