KABANATA 31: SAGOT SA BUGTONG

869 58 10
                                    


BUHAT NI BUHAWAN ang malaking sakong nakalagay sa lambat habang lumilipad. Si Pontoho naman ay hawak-hawak si Alangkaw na kipkip ang garapong kinalalagyan ng inang si Liliw. Nakasunod sa kanila ang buong kampon ni Buhawan. Masaya silang nagliliparan. Sa kipkip na itim na garapon ni Alangkaw, miminsang kumislap-kislap ito na nanggagaling kay Liliw.

Sa terasa ng Sibol Encatada, papunta sina Marino, Ilawi, at Amihan, kasama ang ilang mga diwata na nagliliparan.

"Mahal na mga Apo, pasensiya na sa paggambala," sabi ng isang diwata, "si Buhawan, paparating, kasama ang kanyang mga kampon at si Alangkaw."

Tumango si Marino. Pinagmasdan nilang magkakapatid ang paparating na si Buhawan at ang kanyang mga kampon, kasama si Alangkaw.

Huminto sina Buhawan at ang mga kampon nito sa kalawakan at humarap sa mga diyos na naroon sa malaking terasa na nasa malawak na liwasan ng Sibol Encantada. Nakangisi siya at nagmamayabang na ipinakita ang sako-sakong ginto sa mga Apo. Pagkaraan ng ilang saglit ay lumipad siya patungo sa terasa kasama si Pontoho na hawak-hawak si Alangkaw.

Pagdapo ni Buhawan ay inilapag niya ang sako-sakong ginto na nakalagay sa malaking lambat. Si Pontoho naman ay itinulak bigla si Alangkaw papunta sa mga Apo, kipkip ang garapong kinaroroonan ni Liliw. Kumakapa-kapa ito. Pinuntahan siya ni Amihan at niyakap.

"Mga Ginto ng Buhay! Nasa akin na ang lahat ng ipinagmamalaki ninyong mga ginto na pinanggagalingan ng inyong kapangyarihan!" pagmamayabang ni Buhawan.

Napanganga sina Ilawi at Amihan sa pagkagulat. Si Marino ay pinilit maging mahinahon—hindi inalis ang tindig niya bilang diyos na may awtoridad.

"Mula ngayon, ako na ang nag-iisang diyos ng Gabun at Amalao. Huwag na huwag kayong magtatangkang kalabanin ako kahit sa mga sandaling ito, hindi n'yo ako matatalo sa kapangyarihang dulot ng mga ito. Ngayon pa lang, magsialis na kayo dito sa palasyo, akin na ito!"

"Sigurado ka bang mga Ginto ng Buhay ang mga 'yan, Buhawan?" may awtoridad na tanong ni Marino.

Napaisip si Buhawan. Napatingin kay Pontoho. Tiningnan niya ang mga kampon na masayang nakamasid sa kanila na sa kasalukuyan ay dumapo na rin sa liwasan.

"Oo," bantulot na sagot ni Buhawan. "B-bakit mo tinatanong?"

"Buksan mo, ipakita mo sa amin." May paghahamon ang tinig na iyon ni Marino.

Binuksan ni Buhawan ang mga sakong dala niya. Pero bago pa man nito mabuksan ang isa sa mga sako ay natigilan siya sa kakaibang nilalang na paparating na minamatyagan ng lahat.

Sa hagdanan ng terasa, hangos na paparating si Montar, kasama sina Wayan at Hasmin.

"Mga mahal na Apo," sabi ni Montar. "Si Moymoy! Si Moymoy ang paparating!"

Napanganga ang lahat sa dumarating na si Moymoy. Balot ito ng baluting ginto. Kumikinang ang kabuuan ni Moymoy dahil sa liwanag na nanggagaling sa papalubog na araw. Larawan siya ng isang mandirigma na puno ng kapangyarihan!

"Moymoy..." hindi namalayang naibulong ni Hasmin. Manghang-mangha siya sa paparating na si Moymoy.

Sa di-kalayuan, mapapansing paparating ang mga tibaro ng Gabun, sinasalubong ang pagdating na iyon ni Moymoy. Naroroon din sina Luigi at Carla ng Salikot, sakay ng isang ekik. Dagli silang lumapag sa liwasan.

Samantala, nang buksan ni Buhawan ang mga sako, nakita niyang nangupas ang mga ginto nang masinagan ng araw. Hinawakan niya ang mga ito pero biglang nabasag at naging pulbos. Nanlaki ang mga mata ni Buhawan. Hindi malaman ang magiging reaksiyon sa pagkabigla!

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon