KABANATA 29: LIKO-LIKONG DAAN

908 62 10
                                    



NATIGILAN SI MOYMOY nang may kakaibang kulisap na lumilipad-lipad sa paligid. Pagkatapos ng ilang saglit, nagkaroon ng liwanag sa loob ng Panalturan. Nanlaki ang mga mata ni Buhawan pagkakita sa liwanag na hindi malaman kung saan nanggagaling. Hindi rin naitago ni Moymoy ang pagkamangha sa naiibang liwanag na iyon.

Napansin ni Moymoy na dumarami ang mga lumilipad-lipad na kulisap sa loob ng Panalturan. Marami pang nagdadatingan na hindi niya nalalaman kung saan nanggagaling. Nang lumapit ang inakala nilang mga kulisap sa kanila ni Buhawan, nakita nilang ang mga ito'y mga ada! Mga naggagandahang dilag na may mga pakpak kagaya ng sa paruparo. Kagaya ni Moymoy, pinagmamasdan din ni Buhawan ang mga ada na lumilipad-lipad.

Pagkaraan ng ilang sandali, nakaramdam ng pagkainip si Buhawan. "Paano tayo makakapasok? Nasaan ang mga ginto?"

Hindi nagawang sagutin ni Moymoy si Buhawan. Naaaliw siya sa presensiya ng mga ada. Sa ilang sandali lamang, ang mga ada ay nagtipon-tipon sa kanilang harap at pagkaraan lamang ng ilang sandali, ito ay lumaki—isang napakagandang ada ang tumambad sa kanila!

Napanganga sina Moymoy at Buhawan sa napakaganda at nagniningning na mukha ng ada na nagsimulang maglakad papalapit sa kanila.

Pero, natigilan si Moymoy nang maalalang bigla ang tagubilin na sinabi sa kanya ni Marino!

May ada na tagabantay sa Panalturan na nagngangalang Mosa...

Dagli, nagsalita si Moymoy. "Ikaw ba si Mosa? Ikaw ang tagabantay ng Pinto ng Panalturan?"

"Oo..." Marahang tumango ang ada, matamis itong ngumiti.

Inisip na muli ni Moymoy ang tagubilin ni Marino.

Bibigyan kayo ng kulay-pulang panyo...

Sa dalawang kamay ni Mosa ay may lumitaw na tig-isang panyo na kulay-pula. Sa biglaang paraan, sumabog si Mosa. Muli itong naging maliliit na ada na napakarami. Lumipad-lipad na muli ang mga ito sa paligid. Ang dalawang panyo ay naiwan sa hangin, lumipad-lipad ang mga iyon at pagkatapos ay dumapo sa sahig.

Kunin mo ang panyo at gagamitin mong piring sa iyong mga mata...

Patuloy na naiisip ni Moymoy ang mga bilin ni Marino.

Dagling pinulot ni Moymoy ang isang panyo.

"Ano'ng gagawin mo riyan?" tanong ni Buhawan.

"Pulutin mo ang isa pang panyo, Buhawan. Gagamitin nating piring sa mga mata natin."

"Piring? Bakit? Paano natin makikita ang darananan natin?"

Bumaling si Moymoy kay Buhawan. "Buhawan, hindi tayo makakarating sa pupuntahan natin, kung hindi natin ito isusuot."

"Kalokohan!" singhal ni Buhawan.

Hindi pinansin ni Moymoy si Buhawan. Ipiniring niya sa mga mata ang kanyang panyo.

Nagsimulang maglakad si Moymoy.

Pinagmasdan ni Buhawan si Moymoy habang naglalakad palayo. Nang makita niyang naglalaho si Moymoy sa liwanag, nagpiring na rin ito ng mga mata.

Dahil nakapiring si Moymoy at wala siyang nakikita sa paligid, kakapa-kapa siya sa paglalakad. Madilim ang paligid pero marahang lumitaw sa kanyang paningin ang sarisaring landas na sa tingin niya ay paliko-liko. Kinapa niya ang kulay-puting landas na iyon. Sa tigas nito, naisip niyang bato marahil ang yari nito. Patuloy lamang siyang naglakad. Sa kanyang paglalakad, nakakita siya ng maraming pinto. Natigilan siya nang lahat ng pinto ay biglang nagsara at sa iilang saglit, bigla namang nagbukas ang isa. Mabilis siyang pumasok doon. Unti-unti, nagkaroon ng dingding ang landas. Lumakad siyang muli. Naging madilim ang paligid pero naaaninag niya ang mga landas na natatakpan pa rin ng dingding na kasintigas ng bato.

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon