KABANATA 2: PAGDALAW SA SALIKOT

1.9K 74 2
                                    



KAGAYA ng nalalaman ni Moymoy, sa aklatan ng eskuwelahan siya nagtungo para makapunta sa Salikot. Pagdating niya'y kusang nagbukas ang pinto. Bumungad ang dyanitor na si Mang Pekto. Nakatayo ito sa kanyang harapan. Kagaya ng dati, maaliwalas ang kanyang mga ngiti at naroon pa rin ang maamo nitong mukha.

"Hello, Moymoy, maligayang pagdating. Pasok!" bungad ni Mang Pekto sa kanya.

Nagsarang muli nang mag-isa ang pinto. Hindi ikinagulat iyon ni Moymoy. Natigilan siya sa iba-ibang tibaro na nasa paligid ng aklatan. Palakad-lakad ang mga ito. May nakita siyang mga duwende, nuno, tiyanak, wakwak, ekik, tikbalang, at iba pang mg tibaro na hindi niya matukoy. May ibang nagbabasa ng libro. May iba namang kumakain ng karne at mga sarisaring dahon at prutas.

Nilingon ni Mang Pekto ang mga tibaro sa loob ng aklatan. "Narito si Moymoy Lulumboy!"

Natigilan ang lahat, biglang bumaling ang lahat ng mga tibaro kay Moymoy at pagkatapos ay nagbulungan. Sa ilang saglit, naglapitan ang lahat sa kanya.

"Moymoy Lulumboy! Ang bayani ng lahat ng tibaro! Ikaw ang papawi ng sumpa!" malakas na sabi ng isang nuno.

Nagpalakpakan ang lahat.

Napangiti si Moymoy at marahang naglakad patungo sa isang estante na puno ng libro. Ang mga tibaro ay sabay-sabay na humawi para sa kanyang daraanan. Yumukod ang mga iyon para magbigay galang. Pagdating ni Moymoy sa dulo, sa kinaroronan ng estante ay muli siyang bumaling sa mga tibaro, nginitian ang mga ito. "Maraming salamat."

Tumalikod si Moymoy at humarap sa estante at pagkatapos ay pumasok siya doon—tumagos at tuluyan siyang nilamon ng estante.

Paglabas ng estante ni Moymoy, tumambad sa kanya ang mahabang pasilyo. Hindi na ito bago sa kanya. Nakarating na siya sa Salikot na lugar ng mga tibaro sa Amalao. Hindi na niya ikinagulat ang paghaba ng pasilyong nilalakaran. Ibang-iba ang itsura ng kapaligiran kung ikukumpara sa umaga tuwing pumasok siya. Hindi gumagalaw ang mga sanga at dahon. Ang eskuwelahan na puno ng buhay tuwing pumasok siya sa umaga ay nababalutan ng hiwaga.

Totoo ang naririnig ko noon sa matatanda, bukod sa mga tao, may iba pang nakatira sa paligid-ligid. Mga kapwa ko tibaro pala ang mga 'yon. Ito ang pumasok sa isipan niya habang naglalakad sa pasilyong humahaba at lumiko-liko.

Ilang beses niyang nakita ang estatwa ni Rizal sa iba-ibang pasilyo at ang tagdan ng bandila. Hindi niya iyon pinansin dahil alam naman talaga niyang ganito ang makikita niya papunta sa Salikot. Pero ang kaibahan nga lang kaysa dating pagpunta niya rito, sa lahat ng mga punongkahoy gaya ng akasya, nara, balete, at maging ang kalachuchi ay may mga kapreng nakaupo na naka-tabako na naroroon. Sa ilang parte naman ay may nakikita siyang mga duwende, tiyanak, at mga nuno na nakaupo sa kani-kanilang mga punso. Yumuyukod ang mga iyon kapag nakikita siya. Nakita riin niya ang mga ibong kakaiba kaysa sa nakikita niya tuwing umaga. Ang higit na napansin niya ay lumilipad-lipad at umaali-aligid na mga ada—mga babaeng may magagandang mga mukha at ang pakpak nila ay kagaya ng sa paroparo. Nagbulungan ang mga ito at pagkatapos ay sinundan-sundan si Moymoy sa kanyang paglalakad. Narinig niya na binulong ng mga ito ang kanyang pangalan. Bumaling siya sa mga ito, at nakita niyang nakangiti ang mga ito sa kanya at sabay-sabay na yumukod.

"Moymoy Lulumboy, ikinagagalak ka naming makita." Ito ang sabi ng mga lumilipad-lipad na ada sa matatamis at maliliit nilang boses.

"Maraming salamat," nakangiting sagot ni Moymoy sa mga ada.

Pagkasabi niyon ay humarap si Moymoy sa malaking bato sa dulo ng isang pasilyo at idinikit ang kanyang palad. Naging isang yungib ang malaking bato. Tuluyan na pumasok doon si Moymoy at nilamon ng dilim.

SA GITNA ng kasiyahang iyon ng mga tibaro sa Salikot dahil sa pagdating ni Moymoy, ipinapasyal ni Lola Joy si Moymoy sa paligid habang lumilipad-lipad ito na hati ang katawan. Kasama rin nitong naglalakad sina Luigi at Carla.

"Kumusta ka na, Moymoy?" sabi ni Luigi.

Nginitian ni Moymoy ang kaibigan. "Hindi ka na pala nag-enrol. Sa ibang school ka na raw pumasok?"

"Oo, dito sa Salikot nag-enrol si Kuya, Luigi," sabad ni Carla.

Natigilan si Moymoy.

"We have a school here, Moymoy!" nakangiting sagot ni Lola Joy habang patuloy na lumulipad-lipad at sinusundan ang paglalakad nina Moymoy, kasama sina Luigi at Carla. "Lahat ng mga tibaro na naninirahan na rito, dito na nag-aaral. Nakasunod ang curiculum ng mga bata rito sa K to 12."

Itinuro ni Lola Joy ang eskuwelahan. "That's our school! See!"

Napansin ni Moymoy na walang gaanong kaibahan ang eskuwelahan ng Salikot sa pinapasukan niya sa Balara. May bandila rin at sa tabi nito'y naroon ang rebulto ni Rizal.

"Pagkatapos kasi ng nangyari, Moymoy, ayoko nang pumasok muna kasama ang mga buntawi. Noong makita tayo at ibinalita sa TV at kung saan-saan pa ang tungkol sa mga tibaro, nagdesisyon akong dumito muna. Kasama ko pa ang Mommy ko at si Carla."

"Oo nga!" masayang sabad ni Carla.

"Moymoy, sana, mabawi mo ang lahat ng Ginto ng Buhay, para mawala na ang sumpa," sabi ni Luigi.

"Oo nga, sana nga," sagot ni Moymoy.

"Kayang-kaya ni Moymoy 'yan, kuya," sabad na muli ni Carla.

Ngumiti si Lola Joy. Naroon pa rin ang napakaamong mukha nito. Lumilipad-lipad siyang humarap sa kanila. "Of course, kayang-kaya ni Moymoy 'yan. But, if he needs help, narito lang tayo! Di ba guys?"

Nagulat si Moymoy nang makita ang nagliliparang mga ekik sa buong Salikot. Pinagmasdan niya ang kabuuan ng mga iyon. Prominente ang kanilang mukhang kagaya ng sa ibon at may malalaking pangangatawang hawig sa mga buntawi o mga tao.

"Mga ekik na Salikot," pagmamalaking sabi ni Lola Joy. "Mababait ang lahat ng mga iyan, Moymoy. as I have said, kung kailangan mo ng tulog sa mga tibaro ng Salikot, we are always here." Lalo pang ngumiti si lola Joy kaya kitang-kita ang bungi nitong mga ngipin. "'Di ba, guys?" baling niya kina Luigi at Carla.

"Siyempre!" sagot ni Carla.

"Basta, kailangan mo ng tulong, nandito lang kami," sagot din ni Luigi.

Tumango si Moymoy at nguimiti. Ngiti ng pasasalamat.

"Nagpunta ako rito, para kumustahin kayo at makita na rin kayo Luigi, Carla," nakangiting sabi ni Moymoy.

"Maraming salamat!" Niyakap ni Moymoy si Luigi.

"Okay na okay kami rito sa Salikot, Moymoy," sagot ni Carla.

Sa di kalayuan, naririnig nila ang patuloy na pagdiriwang ng mga tibaro ng Salikot sa pagdating na iyon ni Moymoy.

"Let's go! Moymoy, everyone is waiting for you!" pag-aaaya ni Lola Joy.

Sa himpapawid, sa may liwasan, nakitang muli ni Moymoy ang nagliliparang mga tibaro na nagkakasiyahan. Sumambulat doon ang firewords na may SALIKOT LOVES MOYMOY.

[�lz�n��

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon