KABANATA 9: SI CAROLINA AT SI SANDRA

1.4K 55 3
                                    



St. Luke's Medical Center, Bonifacio Global City

NAKATINGIN si Carolina sa halos walang buhay na si Sandra. Nakabenda ang ulo ni Sandra at may tubong nakasuksok sa kanyang bibig mula sa resperator. Tahimik sa loob ng pribadong kuwartong iyon kaya ang tunog lamangng aparato ang naririnig.

Ilang araw na rin ang nakalilipas mula nang mangyari ang aksidente sa condo ni Sandra. Tumama ang ulo niya sa sementadong kalsada ng Rockwell sa harapan ng kanyang condo. Halos maligo siya sa sariling dugo nang isugod siya sa ospital. May malalalim na sugat at galos sa kanyang katawan. Pero ang pinakadelikadong nangyari sa kanya ay ang pagkabagok ng kanyang ulo.

Tiningnan ni Carolina ang kulay berdeng umiilaw-ilaw na patuloy na gumagalawgalaw at naglalakbay. Patunay iyon na buhay pa si Sandra. Sa isang tabi, nakita niya ang sarili sa one-way mirror. Hindi si Sandra na nag-aagaw-buhay na nakahiga sa kama ang nakapagpatawag ng pansin sa kanya, kundi ang kanyang sarili—ang kanyang kabuuan. Hindi maikakailang isa siyang mayaman at tinitingala ng marami. Larawan siya ng isang mayamang negosyante. Pinagmasdan nitong mabuti ang sarili—ang corporate look sa kanyang business suit.

"Oh, well, what will happen, Rey?" tanong ni Carolinanang makita niya ang papasok na doktor. Nanatili itong nakatalikod at sa one-way mirror pa rin nakatingin. Huminga siya nang malalim at binuksan ang bag. Kumuha siya ng sigarilyo.

Nagulat ang doktor. Hindi na hinayaang makuha pa nito ang lighter para sindihan ang sigarilyo. "I'm sorry, Carolina, please don't smoke. Nasa ospital ka. And you are in the intensive care unit. Bawal."

Hinarap niya ang doktor. "Oh, I'm sorry. Sometimes, I forget some things. Marami lang talagang laman ang utak ko. Work."

"I know."

Dagling isinuksok ni Carolina ang sigarilyo sa pakete at inilagay iyon sa kanyang bag.

"Stupid people."

"What do you mean, Carolina?"

"Ang media." Naiinis si Carolina habang nagsasalita. "Crazy, media. Mga manananggal daw at aswang ang may kagagawan sa aksidenteng nangyari kay Sandra. Can you believe that?"

Nagkibit-balikat ang doktor.

"Rey? You are a doctor and a disciple of sicence, naniniwala ka sa kabalbalan ng media?"

"Yes you're right. Ang media, mas gusto ang sensational. Pero ang ipinagtataka ko, ikaw ang CEO ng Empire Network TV. At ang Empire ang unang naglabas ng news na 'yan. Bakit mo hinayaang ilabas ang tungkol sa pag-atake di umano ng mga aswang at manananggal kay Sandra?"

"Exactly! Nagulat nga ako kung bakit inilabas ng News Department. Nakipagdebate pa sa akin. Lahat ng shows pinagpiyestahan ang nangyari kay Sandra. Pero hinayaan ko na." Biglang tumawa at pagkatapos ay nahalinhan ang inis sa tuwa. "Mataas ang rating e! Kaya sabi ko sa kanila—go! Sandra Navaro, attacked by an aswang and a manananggal! Gano'n! Gano'n ang lumabas. Gano'n ang media. At may naniwala naman. See, how powerful I am?"

Hindi niya maiwasan ang hindi tumawa sa kaligayahan. "Aba, Dok, alam mo ba kung magkano ang kinita namin sa nangyari kay Sandra? Huge! Buong taon na net profit namin, kalahati no'n, kinita na. Madlang people like watching horrible and extra ordinary e. 'Yan—mga aswang, manananggal, kapre, mangkukulam, ewan ko ba? E nag-rate 'yung news sa aksidente ni Sandra kasi dahil aswang daw at manananggal ang may kagagawan. Aba, nag-iisip pa sila ngayon ng teleserye sa Entertainment Department tungkol sa mga lamang-lupang 'yan."

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon