KABANATA 24: NATAKOT NA MGA DIYOS?

877 56 6
                                    



"BUHAWAN!" SIGAW NI Marino. "Huwag kang magtatangka!"

"Bakit?" Humakbang nang bahagya si Buhawan at pagkatapos ay pinakawalan ang malakas na halakhak.

Lalo pang nagliparan ang mga diwata sa loob ng Himpabulan, takot na takot at pagkatapos ay naglabasan sa bulwagan.

Tuluyan nang humakbang si Buhawan at nagtungo sa harap ng mga Apo. "Huwag kayong matakot." Nang-uuyam ang tinig nito. "Teka, may mga diyos bang marunong matakot?"

"Buhawan!" sigaw ni Ilawi. "Mahigpit na ipinagbabawal ang sino mang pumasok dito sa Himpabulan! Sagradong lugar ito sa aming mga Apo!"

Ngumisi si Buhawan at nagyayabang na ipinakita ang baluti na nakabalot sa kanyang katawan. "Nasa akin ang Ginto ng Buhay. Nasa katawan ko at puwede na rin siguro akong tawaging isang Apo, ngayon pang natuklasan ko ang kapangyarihan nito. Hindi n'yo ako kayang sagupain, mahal na mga Apo."

Biglang itinaas ni Ilawi ang kanyang mga kamay at iniharap kay Buhawan. "Huwag mo kaming hamunin!" Lumabas sa mga kamay niya ang apoy na parang kidlat na tumama sa katawan ni Buhawan. Pagkatapos niyon, natigilan si Ilawi dahil hindi tinablan si Buhawan. Nanatili itong nakatayo sa kanyang harap na parang walang nangyari. Inulit ito ni Ilawi. Pero hindi pa rin tinablan si Buhawan.

"Sige, Mahal na Apo, bakit 'di mo pa ulitin?" nangungutyang sabi ni Buhawan.

Inulit ni Ilawi—itinaas ang kamay. Sa pagkakataong ito, sunod-sunod at malalakas na apoy ang lumabas sa dalawang kamay ni Ilawi na tumama sa buong katawan ni Buhawan. Pero kagaya ng dati, hindi tinablan si Buhawan! Nagulat ang lahat, hindi lamang ang magkakapatid na mga diyos sa nasaksihan.

Pinagmasdan ni Ilawi ang kabuuan ni Buhawan—ang gintong baluti na nakabalot sa kanyang katawan. Sadya ngang may kapangyarihan iyon na hindi kayang wasakin kahit na ang kapangyarihan o diwani ng isang diyos!

"Iyan ang isa ngang kapangyarihan ng Ginto ng Buhay na natuklasan ko," pagmamayabang ni Buhawan. "Gusto mo ng labanan? Kayo, mga Apo, hinahamon ko kayo ng labanan."

"Hindi kami nakikipaglokohan sa iyo, Buhawan," nanatiling mahinahon si Marino. "Nalalaman namin ang iba pang kapangyarihan ng mga Ginto ng Buhay."

Humihingal si Ilawi sa galit. "Ano ang sadya mo rito, Buhawan? Sabihin mo!"

"Hindi na 'ko magpapaligoy-ligoy pa. Kailangan ko ang susi ng Pinto ng Panalturan." Makapangyarihan ang tinig na iyon ni Buhawan.

"Si Diyosang Liliw at Alangkaw, bihag ko silang dalawa..."

Nagulat ang lahat. Pagkatapos niyon ay nagpasukan ang mga alagad ni Buhawan na mga manananggal at mga aswang—nagpaikot-ikot sila sa loob ng Himpabulan. Sa pangunguna nina Pontoho, Manarang, at Abakay, pumagaspas ang maiitim nilang mga pakpak at nanlisik ang kanilang mga mata. Gumawa sila ng sarisaring ingay. Ingay ng kagalakan at paghahamon. Ingay na nakapangingilabot.

"Buhawan, napakasama mo! Pakawalan mo ang nanay at kapatid ko!" sigaw ni Moymoy.

"Ikaw na sinasabi nilang pag-asa ng mga tibaro," baling ni Buhawan kay Moymoy, "kalimutan mo na ang ambisyon mong mapapawi mo ang sumpa. Ako ang mamumuno ng Dalumdum at Amalao. Darating ako riyan." Nanatiling may awtoridad, may kapangyarihan, pero mahinahon ang tinig na iyon ni Buhawan. Iginalaw niya ang leeg at pinalagutok iyon. Tumingin sa lahat ng naroroon si Buhawan. "Makinig kayo sa sasabihin ko, lalo na kayong mga Apo."

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon