KABANATA 26: ANG HUKOM

906 50 20
                                    



ANG TERASA NG Sibol Encantada ay bahagi pa rin ng palasyo na pinag-uugnay ng mahabang tulay na yari sa bato. Sa harap nito ay ang liwasan ng Sibol. Ito ang pinakamalawak na liwasan sa buong Gabun. Dito nagaganap ang ano mang malakihang paglilitis, desisyon, o mahalagang anunsiyo na kailangang malaman ng bawat tibaro ng Gabun. Bihirang magtawag ng pagtitipon ang mga Apo dito kung hindi mahalaga. Sa liwasang ito lamang pinapahintulutang umapak ang ordinaryong tibaro.

HINDI PA TULUYANG sumisikat ang araw, naroon na sa terasa ang lahat ng mga tibaro ng Gabun. Nasa terasa ang apat na upuan ng lahat ng mga Apo, pero wala pa sila roon. Hindi mabilang ang dami ng mga tibaro na nasa liwasan. Sa mahabang hagdanan patungo sa terasa, umakyat si Wayan. Pagdating niya roon, nagliparan ang mga diwata mula sa palasyo. Ang mga duwende, tikbalang, at iba pang mga tibaro na nasa loob ng bakuran ng palasyo ay naglabasan din at nagpunta sa liwasan, sa harap ng terasa.

Sa mataas na terasa, humarap si Wayan sa mga tibaro. Sa pagkakataong ito, bago pa man nagsalita si Wayan ay naglitawan na ang lahat ng parte ng kanyang mukha. "Mga kasamang tibaro! Narito tayo ngayon para sa isang mahalagang anunsiyo! Nalalaman natin na pinili ni Diyosang Liliw na maglaho para sa kanyang mga anak na sina Moymoy at Alangkaw! Nahaharap sa mabigat na pagsubok ang kinikilala nating mga diyos—ang mga Apo! Si Buhawan! Ang taksil na tibaro na nagnakaw ng mga Ginto ng Buhay ay patuloy na naghahasik ng lagim at gustong agawin ang kapangyarihan ng mga Apo! Narito siya!"

Nagbulungan ang mga tibaro.

"Nagtipon-tipon tayo para sa isang Hukom!" pagpapatuloy ni Wayan. "Nalalaman ng lahat na ang Hukom ay ang paglilitis para sa mahalagang desisyon na manggagaling sa mga Apo! At ngayon, bilang pinuno ng Malasimbo, naatasan ako ng mga Apo para mag-anunsiyo sa inyo sa napakahalagang bagay na nagaganap sa Gabun!

"Sina Diyosang Liliw at ang anak niyang si Alangkaw ay bihag ni Buhawan! Kapalit nito, ang susi ng Panalturan! Na alam nating ang pakay ni Buhawan ay ubusin ang lahat ng Ginto ng Buhay!"

Lalo pang tumahimik ang lahat nang makitang nagningning ang kabuuan ng palasyo. Muling nagliparan ang mga diwata. Sa ilang saglit ay dumating sina Marino, Ilawi, at Amihan. Umupo sila sa kani-kanilang mga trono.

"Malalaman natin ang desisyon ng mga Apo!" pag-aanusniyo ni Wayan. "Ibibigay ba nila ang susi ng Panalturan para makuha ang mga Ginto ng Buhay?! O hayaang mamatay sina Diyosang Liliw at Alangkaw at manatili ang kapangyarihan ng mga Apo sa buong Gabun?!"

Lumipad-lipad ang isang diwata sa harap ng palasyo, may dalang tatlong papel na kulay-abo.

"Tatlong mahahalagang papel, mahal kong mga tibaro! Diyan, sa papel isusulat ang desisyon nina Diyos Marino, Diyos Ilawi, at Diyosa Amihan!"

Nagtungo ang lumilipad-lipad na diwata sa magkakapatid na Apo at isa-isang ibinigay ang tatlong papel sa kanila.

Sa tahimik na paraan, binuksan nila ang papel. Isang diwata naman ang nagbigay ng panulat sa kanila.

Tiningnan ng magkakapatid ang papel. Nagkaroon ng bibig at mata ang papel. Isa-isang nagsalita ang mga ito.

"Nakasalalay sa iyo ang desisyon mo, mahal na Apo. Isipin mong mabuti. Minsan mo lang isusulat at hindi na puwedeng baguhin," anang tatlong papel sa kanila.

Nag-isip si Amihan.

Kinausap ng papel si Amihan. "Naguguluhan ka ba, mahal kong diyosa?"

Moymoy Lulumboy Book 3 Ang Paghahanap kay Inay  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon